2025
Hindi Masyadong Perpekto
Hulyo 2025


Hindi Masyadong Perpekto

Opisyal na natapos ang perpektong araw ni Adeline!

Isang tunay na kuwento mula sa France.

Batang babae na iniisip ang tungkol sa kanyang mabuti at masamang pagpili

Natapos ni Adeline ang pagdrowing ng huling check box sa kanyang papel. Sa tabi nito, isinulat niya, Magdasal sa umaga at gabi.

“Ano ito?” tanong ni Maman.

“Gumagawa po ako ng checklist para bukas,” sabi ni Adeline. “Magiging perpekto po ang araw ko!”

Tumaas ang kilay ni Maman. “Talaga?”

Tumango si Adeline. “Sa Primary natutuhan po namin ang tungkol sa pagiging perpekto kay Cristo. Magpapakabuti po ako para maging perpekto ang mga araw ko.”

“Masaya ako na gusto mong gumawa ng mabubuting pagpili,” sabi ni Maman. “Pero alam mo, iisa lamang ang tao sa mundo na perpekto—si Jesucristo.”

Napabuntong hininga si Adeline. “Alam ko po. Pero gusto ko po talagang subukan ito! Sa tingin ko po kaya kong gawin ito.”

Kinaumagahan, handa na si Adeline. Inayos niya ang kanyang higaan at nagdasal na.

Sa almusal, tumulong siya sa pagpapakain sa mas bata niyang kapatid na si Sylvia. Nang tumapon ang peaches ni Sylvia sa upuan niya, huminga nang malalim si Adeline. Nagbilang siya ng hanggang apat at tumulong sa paglilinis.

Sa paaralan, naghanap si Adeline ng mga taong nangangailangan ng tulong. Natapilok si Lucas, kaya si Adeline ang nagdala ng lunch tray ni Lucas.

Habang paalis ng paaralan, nginitian ni Adeline ang babae na nagbukas sa gate ng paaralan. Karaniwang mukhang masungit ang babae. Pero ngayon ay gumanti siya ng ngiti!

Pagkatapos ng klase, binigyan ni Adeline si Sylvia ng paborito niyang stuffed animal para paglaruan niya. At bago matulog, nagdasal siya. Tiningnan niya ang mga item sa kanyang listahan at nagkumot na siya. Ipinagmamalaki niya ang sarili niya at pagod-na-pagod siya. Handa na siya para sa isa pang perpektong araw bukas!

Paggising ni Adeline kinabukasan, nagkalat ang lahat ng kanyang mga manika sa sahig. Hawak ni Sylvia ang isa at kagat niya ito. Siguro hinila niyang lahat ang mga manika!

“Sylvia!” sigaw ni Adeline. “Sabi ko sa iyo huwag mong gagalawin ang mga manika ko!” Hinablot niya ang manika na hawak ni Sylvia. Umiyak si Sylvia at tumakbo palayo.

Napatingin si Adeline sa kanyang checklist na nasa pinto. Nalungkot siya nang labis.

Pumasok si Maman nang maramdaman ni Adeline na may luha sa kanyang pisngi.

Inaaliw ng ina ang kanyang anak na babae

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Maman.

“Nalimutan ko pong magdasal. Hindi ko po iniligpit ang higaan ko.” Garalgal ang boses ni Adeline. “At hindi po ako naging mabait kay Sylvia. Tapos na po ang perpektong araw ko!”

Niyakap ni Maman si Adeline. “Napakahirap maging perpekto sa lahat ng oras. Sa totoo lang, imposible ito.”

Napasimangot si Adeline. “Pero paano po ako magiging perpekto kay Cristo?”

“Ganoon lang! Hindi tayo magiging perpekto kung wala si Jesucristo,” sabi ni Maman. “Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin dahil alam ng Ama sa Langit na magkakamali tayo at kakailanganin natin ng tulong. Inaalis ni Jesus ang mga pagtatangka natin na hindi perpekto at ginagawang mas mainam ang mga ito.”

Pinag-isipan iyon ni Adeline. “Kaya hindi po pwedeng maging perpekto ang mga araw ko?” tanong niya.

Umiling si Maman. “Hindi naman. May araw na mahihirap. Pero may magagandang araw din.” Inayos ni Maman ang buhok ni Adeline sa likod ng tenga nito. “Ang mahalaga ay sinisikap mong gawin ang abot-kaya mo. Kahit na ang isang araw ay nagsimula sa maling pagpili, maaari tayong magdasal palagi para magsisi at sumubok muli. Sa tulong ni Jesucristo, ikaw ay sapat na.”

Gumanda ang pakiramdam ni Adeline.

“Ngayon, tungkol sa listahan mo.” Itinuro ni Maman ang listahan. “Ano kaya kung magpokus tayo sa isang bagay?”

Batang babae na nakaluhod para magdasal

Tiningnan ni Adeline ang listahan niya. Pinunit niya ang bahagi ng papel at idinikit sa pinto ang natitira. Nakasaad sa isang item na naroon pa rin, Magdasal tuwing umaga at gabi.

Ngumiti si Adeline. “Maaaring hindi perpekto ang simula ng araw ko, pero puwede pa rin akong magdasal ngayon. At sa tulong ni Jesucristo, sapat na ito!”

PDF ng pahina

Mga larawang-guhit ni Giovanni Abeille