Lingguhang YA
Hirap Mapagkasya ang Pagkain sa Iyong Budget? Basahin Ito
Abril 2026 Lingguhang YA


Mga Kasanayan sa Buhay

Hirap Mapagkasya ang Pagkain sa Iyong Budget? Basahin Ito

Ano ang ginagawa mo kapag ikaw ay nagugutom at nahihirapan?

isang lalaking nakatayo sa tabi ng walang lamang refrigerator at nakikitang wala siyang pera sa kanyang bank account para bumili ng pagkain

Naranasan mo na bang pumili sa pagitan ng pagbili ng groceries o pagbabayad ng mga bayarin? O kaya naman pag-uwi mo, wala nang laman ang refrigerator o mga cabinet at hindi mo alam kung paano mo pupunan ang mga ito?

Kung gayon, nakaranas ka na ng kawalan ng seguridad sa pagkain. At maaaring mas karaniwan ito kaysa sa iyong iniisip, lalo na sa mga young adult na sinusubukan pa ring ayusin ang kanilang buhay.

Hindi Naman Ako Kulang sa Seguridad sa Pagkain … Hindi ba?

Ang pagpapakain sa mga nagugutom at nahihirapan ay isang pundasyon ng ating pananampalataya. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na paglingkuran ang mga nangangailangan at maralita. (Tingnan sa Isaias 58:10; Mateo 25:35.)

Pero minsan, kahit na nasa mahirap kang sitwasyon, mahirap pa ring isipin ang iyong sarili bilang “ang nangangailangan” o “ang nagugutom.” Marahil sa tingin mo ay may iba pa sa mundo na mas nagugutom kaysa sa iyo o na ang iyong karanasan ay hindi pa sumasapit sa sukdulan para humingi ng tulong.

Narito ang katotohanan: Maaari kang magkaroon ng masisilungan sa iyong ulunan, isang kama na matutulugan, isang kotse na mamamaneho, at maging isang trabaho at magkagayunman nahaharap ka pa rin sa kawalan ng seguridad sa pagkain.

Ang kawalan ng seguridad sa pagkain ay hindi lamang tungkol sa kawalan ng sapat na pagkain; ito rin ay tungkol sa kawalan ng kakayahang bumili ng masustansyang pagkain.

Ang pagkawala ng balanse sa pagkain nang ilang araw o linggo ay maaaring makaapekto nang malaki sa iyong kalusugan. Ang wastong nutrisyon ay nagbibigay-daan upang magkaroon ka ng makabuluhan at masayang buhay. Ang mga sustansya ay nagbibigay sa iyo ng enerhiyang kailangan mo upang lubos na makisali sa mga gawain sa paaralan, trabaho, simbahan, at tahanan.

Kung matagal ka nang walang seguridad sa pagkain, maaari kang magsimulang makaramdam ng pag-iisa, pagkabalisa, at desperasyon. Hindi ang basta “pagpapalipas ng gutom” o “pagtitiis” lang ang solusyon.

Pero ano ang magagawa mo tungkol dito?

Saan Ako Makakahingi ng Tulong?

1. Manalangin para sa kapayapaan at patnubay.

Sa Kanyang ministeryo, sinabi ni Cristo, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw” (Juan 6:35). Kapag inaanyayahan mo si Cristo sa iyong buhay, palalakasin ka Niya, at gagabayan ka ng Espiritu sa iyong paghahanap ng ipangtataguyod.

2. Suriin ang iyong paggastos.

Tanungin ang sarili mo: “Inuuna ko ba ang aking pisikal na kapakanan sa aking budget?” Kapag kapos sa pera, madaling ipagwalang-bahala ang masustansyang pagkain at ituring na hindi ito mahalaga. Pero bago ka mamuhay nang wala ito, isipin mo muna kung may mas mainam na paraan para mahati mo ang iyong mga pondo.

3. Humingi ng tulong sa mga lider ng Simbahan sa inyong lugar.

Maaaring idirekta ka ng mga lider ng Simbahan mo sa mga lokal na food bank, umorder sa isang lokal na grocery store, ikonekta ka sa resources ng komunidad, at mag-alok ng personal na suporta. Malamang na hihikayatin ka rin nila na humingi ng tulong at suporta mula sa iyong pamilya. Maaari ka ring ipasok sa Self-Reliance program ng inyong branch o stake, kung saan maaari kang kumuha ng mga klase tungkol sa lahat ng bagay mula sa personal na pananalapi hanggang sa emosyonal na katatagan. Ang resources na ito ay makakatulong sa iyo na gumawa ng budget plan upang tulungan kang magtabi ng sapat na pondo para sa sapat na pagkain bawat buwan.

Kung ikaw ay nasa Estados Unidos, Canada, o Timog Amerika, ang Simbahan ay naglalaan ng programang pangkapakanan sa loob ng mga storehouse ng mga bishop kung saan makakahanap ka ng pansamantalang tulong sa mga grocery at iba pang mahahalagang supply. Makipag-appointment sa iyong bishop para personal na talakayin ang iyong mga pangangailangan. Sa ilalim ng pamamahala ng iyong bishop, matutulungan ka rin ng isang miyembro ng Relief Society o elders quorum presidency na punan ang isang Food and Supplies form para makapagsimula.

Paano Kung Natatakot Akong Humingi ng Tulong?

Si Jesucristo ay dumanas “ng lahat ng uri ng pasakit at hirap at tukso” (Alma 7:11)— kabilang na ang gutom. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan upang maibsan hindi lamang ang espirituwal kundi pati na rin ang temporal na pagdurusa. Bahagi ng dahilan kung bakit tayo inatasang maglingkod sa isa’t isa ay upang sukatin ang ganitong uri ng mga pangangailangan.

Pero kung itinatago mo ang mga pinagdadaanan mo, walang makakaalam na kailangan mo ng tulong. Kailangan mong magtanong—at maaaring kailanganin mo munang ibaba ang iyong sarili para magawa iyon.

Kilalanin na ang kawalan ng seguridad sa pagkain ay hindi nangangahulugang ikaw ay bigo, wala nang magagawa, o bagsak na bagsak na. Huwag mong hayaan ang takot sa panghuhusga ng iba o ang iyong personal na pag-aalinlangan tungkol sa paghingi ng tulong ang pumigil sa iyo sa paghingi ng saklolo na maaaring makapagpabago ng iyong buhay.

Kung humingi ka na ng tulong at nasa mahirap pa ring sitwasyon, huwag mawalan ng pag-asa. Tandaan na mahal ka ng Ama sa Langit at hindi ka nag-iisa. Magpasensya, gumawa ng mga maingat na desisyon, at sundin ang payo ng iyong mga lider.

Okay … Sa Tingin Ko ay Kaya Ko na Ito

Ang pagharap sa kawalan ng seguridad sa pagkain at pagsisikap na malampasan ito ay nangangailangan ng matinding lakas at tapang. Nakakatakot aminin na nahihirapan ka at mas nakakakaba ang humingi ng tulong sa iba.

Habang nagpapatuloy ka nang may pananampalataya, tandaan: Hindi ang mga sitwasyon mo ang magtatakda kung sino ka.

Tulad ng sinabi minsan ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025), “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”

Bumaling sa Tagapagligtas, humingi ng tulong, at muling matagpuan ang iyong kagalakan.