Mula sa Lingguhang YA
Ang mga Hirap na Pinagdaanan Ko para Matuto ng Espanyol ay Nagturo sa Akin Kung Paano Umasa sa Panginoon
Matutulungan tayo ng Ama sa Langit na magkaroon ng kakayahan, magkaroon ng tiwala sa sarili, at maging masaya sa ating paglalakbay sa mortalidad.
Dalawang taon na ang nakalilipas nang umuwi ako galing sa aking misyon. Naglingkod ako sa lugar na wikang Espanyol ang gamit nang wala akong anumang karanasan sa Espanyol maliban sa paminsan-minsang pagbilang o pagbati. Naaalala ko pa rin, ilang buwan pa lang na naroon ako, na sinabi ko sa mission president ang pagkadismaya ko na nahihirapan pa rin akong magsalita ng wika.
Bakit hindi ako biniyayaan ng Ama sa Langit ng kakayahang magsalita nang matatas para mas epektibo kong mapaglingkuran ang Kanyang mga anak? Tiyak na iyon ang gusto Niya.
Hindi ko naunawaan noon na ang misyon ko ay hindi lang tungkol sa pagiging perpektong instrumento sa isang iglap. Tungkol ito sa pagkatuto ng tatlong alituntunin na kakailanganin ko upang makapaglingkod ako sa Ama sa Langit habambuhay.
Pag-aani ng Ating Itinatanim
Inilalarawan ng mga banal na kasulatan ang isang alituntunin na minsan ay tinutukoy na batas ng pag-aani: “Anuman ang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin” (Galacia 6:7).
Interesado ang Diyos sa ating proseso ng pagiging lalong katulad Niya. Tulad ng isang binhi na kailangang itanim, diligan, at matiyagang alagaan bago ito mamunga, ang pag-asa sa sariling kakayahan ay unti-unting nahuhubog at umuuunlad.
Sa pagbabalik-tanaw, nakikita ko na ang paghihirap ko para matuto ng Espanyol ay nagturo sa akin tungkol sa pang-araw-araw na pagsisisi, pagtatakda ng mithiin, at pagtitiyaga. Sa paglipas ng panahon, ang aking kakayahang makipag-usap ay lumago nang higit pa sa inaakala kong posible noong una.
Isipin ang Iba
Minsan inaakala natin na ang pag-asa sa sariling kakayahan ay paggawa ng mga bagay-bagay nang mag-isa. Itinuro sa akin ng aking misyon na ang kabaligtaran ang totoo.
Sa aking misyon, lumago ang aking mga relasyon sa kahanga-hangang paraan nang hinayaan kong tulungan ako ng iba. Ngunit walang relasyong lumago nang higit pa kaysa sa relasyon ko sa aking Ama sa Langit. Ang pagkatutong umasa at magtiwala sa Kanya ay nagpala sa akin sa maraming paraan.
Isang araw ng Linggo, kinailangan kong magturo sa wikang Espanyol. Labis akong nag-alala na baka mapahiya ako at nadismaya ako na hindi maayos ang naging takbo ng aking pananalita na gaya ng gusto ko sana. Pagkatapos, nang pagkakataon na ng kompanyon ko na magsalita, nadama ko ang paalala sa akin ng Espiritu: “Logan, ang lesson na ito ay hindi tungkol sa iyo; ito ay tungkol sa pagmamahal at pagtuturo sa iba. Kalimutan mo ang sarili mo at magtrabaho ka.”
Nang ibaling ko ang atensyon ko sa iba, nagsimulang dumaloy ang mga salita. Naroon ang Espiritu, hindi dahil bigla akong naging perpektong guro kundi dahil inilipat ko ang aking pokus mula sa aking sarili tungo sa mga taong minahal at pinaglingkuran ko.
Pagtitiwala sa Hardinero
May mga pagkakataong natanong ko ang sarili ko, “Pero kung nais ng Diyos na gamitin natin ang ating kalayaan sa pagpili sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga mithiin at paggawa ng mga plano, bakit tila nasisira kung minsan ang mga plano at mithiin ko?”
Sa mga sandaling tulad nito, gusto kong inaalala ang isang kuwento na minsang isinalaysay ni Pangulong Hugh B. Brown (1883–1975) tungkol sa pagpupungos ng isang palumpong ng currant.
Naisip niya ang palumpong na nagsasabing, “‘Napakaganda ng pagtubo ko … , at ngayon ay pinutol mo ako.’”
Pamilyar ba sa inyo iyan?
Ang simpleng tugon ni Pangulong Brown sa palumpong ay ito: “‘Ako ang hardinero rito, at alam ko kung ano ang gusto kong kahinatnan mo … Balang-araw, kapag namunga ka na, magugunita mo ito at sasabihin mong, “Salamat, Ginoong Hardinero, sa pagputol sa akin, sa sapat na pagmamahal mo sa akin para saktan ako.”’”
Nagkaroon na ako ng mga sandaling ganoon—nang ang mga mithiin at planong sa tingin ko ay mabuti at matwid ay biglang nasira. Sa mga sandaling iyon, natuto akong magtiwala na ang Diyos ang hardinero ng buhay ko. Nakikita Niya ang potensyal ko kahit hindi ko makita. Ang Kanyang “pagpupungos” ay palaging isang gawa ng pagmamahal.
Nakagiginhawa sa akin na malaman na ginagabayan ako ng aking mapagmahal na Ama sa Langit tungo sa isang bagay na mas dakila kaysa sa kaya kong isipin sa kasalukuyan.
Ang Pag-asa sa Sariling Kakayahan ay Nagdudulot ng Pag-unlad
Itinuro ni Lehi na “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Ang pag-asa sa sariling kakayahan ay nangangailangan ng pananampalataya, pagsisikap, at tiyaga, pero sulit na sulit naman ito.
Kapag nagtatakda tayo ng mga layunin, gumagawa ng mga plano, kumikilos “sa [ating[ sariling kalooban” (Doktrina at mga Tipan 58:27), at sapat na nagtitiwala sa Diyos na hahayaan Siyang baguhin ang mga planong iyon kung kinakailangan, tayo ay uunlad tungo sa mga taong nais Niyang kahinatnan natin.
Lubos akong nagpapasalamat sa mga aral na natutuhan ko noong nasa misyon ako, lalo na sa pag-aaral ng bagong wika. Bagama’t aktibo pa rin akong naghihintay sa Panginoon sa iba pang aspeto ng aking buhay, alam kong mapagkakatiwalaan ko Siya.
Saan ka man naroroon sa iyong paglalakbay tungo sa pag-asa sa sariling kakayahan, tandaan: Hindi inaasahan ng Panginoon na gagawin mo ang lahat nang mag-isa. Anyayahan Siya sa proseso. Manalig sa mga taong inilalagay Niya sa paligid mo. At maging mapagpasensya sa sarili mo.
Sa paglipas ng panahon, babalikan mo ang nakaraan at makikita mo na habang umaasa ka sa Kanya, bawat paghihirap, bawat pagkaantala, at bawat hindi inaasahang pagbabago ay nakatulong sa iyo na maging mas may kakayahan, mahabagin, at puno ng kagalakan.