“Ano ang Nagpapaespesyal sa Pasko ng Pagkabuhay? Pagmamahal,” Liahona, Abr. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Ano ang Nagpapaespesyal sa Pasko ng Pagkabuhay? Pagmamahal
Ipinapaalala sa atin ng himala ni Cristo sa Pasko ng Pagkabuhay na tunay dapat na makita ang pangangailangan ng iba.
Tubig na Buhay, ni Simon Dewey, maaaring kopyahin para sa paggamit lamang ng Simbahan
Nang simulan kong pag-aralan ang ebanghelyo sa edad na 28, marami akong pagdududa. Maraming alituntuning hindi ko kaagad naunawaan o tinanggap.
Pero ang nagpabalik sa akin ay ang mga tao at ang tunay na pagmamahal na ipinakita nila sa akin. Talagang pinasalamatan ko kung paano ako tinanggap ng mga miyembro—na laging nakangiti, masaya, at nagagalak.
Noong wala ako sa simbahan, tinawagan ako ng iba pang mga miyembro para kumustahin ako. Kinumusta nila ako at inalam kung bakit hindi ako nagsimba. Ang munting mga kilos na iyon ay umantig sa puso ko.
Dahil nagpakita sila ng labis na pagmamahal sa akin, unti-unti kong nadama na ito talaga ang ebanghelyo ni Jesucristo. Unti-unti, nadama ko na lumalago ang aking patotoo, at kalaunan ay nabinyagan ako.
Isang Simbolo ng Pagmamahal
Bago ako naging alagad ni Jesucristo, inisip ko kung bakit napakalaking okasyon ang Pasko ng Pagkabuhay para sa ilang tao.
Pero alam ko na ngayon na ang Pasko ng Pagkabuhay ay simbolo ng pagmamahal—ang pagmamahal ni Jesucristo para sa Ama sa Langit at para sa bawat isa sa atin.
Ang Pasko ng Pagkabuhay ay nagpapakita ng malalim na koneksyon sa pagitan ng Ama at ng Anak. Kung wala ang himala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang sumunod na Pagkabuhay na Muli, walang paraan para makabalik tayo sa ating Ama sa Langit. Mahal na mahal ni Jesucristo ang Ama at ang bawat isa sa atin kaya Niya tiniis ang “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11) para makabalik tayo sa Ama sa Langit.
Ang pinakamahalagang mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay ay pagmamahal. Kailangan nating mahalin ang iba tulad ng pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ipinapaalala sa atin ng Pasko ng Pagkabuhay na tunay na dapat makita ang pangangailangan ng iba.
Higit na magmahal. Higit na magpatawad. Higit na maglingkod.
Tulad ng ibinahagi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tinitipon natin ang lahat ng mga anak ng Diyos na handang magtipon at naghahanap ng katotohanan. Hindi ang ating pisikal na kaanyuan, [ating] pananaw sa pulitika, ating kultura, o [ating] etnisidad ang nagbubuklod sa atin. … Ang dahilan ay ang ating iisang layunin, ang ating pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa, ang ating katapatan kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.”
Hindi tinitingnan ng Diyos ang ating katayuan sa lipunan kundi kung sino tayo bilang mga indibiduwal. Ang malaman ito at madama ang Kanyang pagmamahal sa magandang holiday na ito ay nagbigay-kakayahan sa akin na naising ibahagi rin ito sa iba.
Pagbabahagi ng Pagmamahal ni Cristo
Ngayo’y naglilingkod ako bilang elders quorum president, at may pagkakataon akong ipadama sa iba pang mga miyembro ng aking ward ang pagmamahal na nadama ko.
Bilang isang ward, napansin namin na kapag lumalayo ang mga tao sa mga alituntunin ng ebanghelyo, nahaharap sila sa maraming tuksong nakapipinsala.
Para malabanan ito, gumawa ang aming bishop ng regular na mga pagbisita kung saan pipili kami ng pamilya at pupunta kami sa kanilang bahay para magkakasamang magturo at matuto. Binabago ng mga pagbisitang ito ang maraming buhay dahil nakatutuwa at nakasisiya iyon. Makikita mo kung gaano nasisiyahan dito ang mga tao sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang mga mata. Ito ay isang bagay na talagang kapuri-puri, at pinagsisikapan namin ito.
Lumalakas ang aking pananampalataya bawat araw. Kapag naglilingkod ako sa iba, lalo na sa mga pagbisitang ito, lagi kong nadarama na nakaugnay ako sa Tagapagligtas, na sumagip sa bawat isa sa atin sa kahandaan Niyang isagawa ang Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag sinisikap kong pakitunguhan ang iba na tulad ng ginawa Niya, tinuturuan Niya ako at ng Ama sa Langit at pinalalakas ang aking pananampalataya dahil dito.
Pagtanggap sa Himala ng Pasko ng Pagkabuhay
Si Jesucristo ang aking kaligtasan. Binigyan niya ako ng pagkakataong maging naiiba. Minahal Niya ako, at ipinakita Niya sa akin ang Kanyang pagmamahal. Si Jesucristo at ang Kanyang himala ng Pasko ng Pagkabuhay ay mga simbolo ng pagmamahal, pagpipitagan, kaligtasan, kahandaan, at pagpapakumbaba.
Si Jesucristo ay buhay. Kumikilos Siya sa ating mga buhay sa pamamagitan ng mga disipulong naglilingkod bilang Kanyang mapagmahal na mga kamay. Siya ay nabuhay na muli para makabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit.
Tanggapin Siya.
Tanggapin ang Kanyang himala ng Pasko ng Pagkabuhay.
Tanggapin ang Kanyang pagmamahal.
At ibahagi ang perpektong pagmamahal na iyon sa mga nasa paligid mo.
Ang awtor ay naninirahan sa Mozambique.