Lingguhang YA
Paano Itinuro sa Akin ng Mahal na Araw na Laging May Dahilan para Sumigaw ng “Hosana!”
Abril 2026 Lingguhang YA


Paano Itinuro sa Akin ng Mahal na Araw na Laging May Dahilan para Sumigaw ng ‘Hosana!,’” Liahona, 2026.

Mula sa Lingguhang YA

Paano Itinuro sa Akin ng Mahal na Araw na Laging May Dahilan para Sumigaw ng “Hosana!”

Ang “Hosana” ay isang pagpapahayag ng pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na iligtas tayo, na Kanyang mga pinagtipanang tao.

si Jesucristo nang dumating sa Jerusalem

Ang Linggo ng Palaspas, na pasimula ng ating mga pagdiriwang ng Mahal na Araw, ay isang masayang araw. Tanda ito ng matagumpay na pagpasok ni Jesucristo sa Banal na Lungsod at ipinagdiriwang pa rin ng mga Kristiyano sa Israel ngayon.

Sa araw na ito, maraming taong “kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, ‘Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon’” (Juan 12:13).

Bilang isang estudyanteng nag-aral sa Jerusalem, nakilahok ako sa kaganapang ito ng paggunita. Habang nakatayo na may hawak na palaspas, naantig ako sa maraming iba pang Kristiyano na naglakbay papunta sa Banal na Lungsod dahil minahal at ninais nilang ipagbunyi si Jesucristo.

Ang mga tao ay nagkantahan, nagpalakpakan, nagbigay-papuri, at nagsayawan. Tulad noong panahon ni Jesus, ikinaway nila ang kanilang mga palaspas mula sa tuktok ng Bundok ng mga Olibo, pababa sa Kidron Valley, lampas pa sa Halamanan ng Getsemani, papasok ng Lumang Lungsod. Sa buong prusisyon, nakarinig ako ng patuloy na pagsigaw ng “Hosana!”

Isang karanasan iyon na hinding-hindi ko malilimutan.

Makalipas ang ilang taon, sa isa pang Linggo ng Palaspas, hindi ako gaanong masaya. Sa halip na magwagayway ng palaspas, nakahiga ako sa kama dahil maysakit ako. Pinagnilayan ko kung gaano ako kasaya habang sumisigaw ng “Hosana!” sa Israel. Pero hindi noong umagang iyon.

Sa gitna ng mga reklamo sa aking kalooban, pumasok sa isip ko: “Wala ka pa rin bang malaking dahilan para sumigaw ng ‘Hosana!’?”

Ang “Hosana!” ay pagpapahayag ng pagsamba. Pero maaari rin itong maging isang pagsamo: “Diyos, iligtas Ninyo kami. Tulungan sana Ninyo ako.” At kung minsan, ang “Hosana” ay isang pagpapahayag ng pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na iligtas ang Kanyang mga pinagtipanang tao.

Ang paggunita sa mga pangyayari sa Mahal na Araw ay nagturo sa akin kung paano naging makapangyarihan ang mga pagpapahayag na ito ng “Hosana!”—kapwa sa kawalan ng pag-asa at sa tagumpay. Sa apat na mahahalagang araw ng linggong ito, natututo akong mas makiisa sa damdamin ng mga naroon sa Kanyang matagumpay na pagpasok dalawang libong taon na ang nakararaan.

Huwebes: Tinuruan Niya Ako tungkol sa Pagtubos

Noong Huwebes, tinipon ni Jesus ang Kanyang mga Apostol para sa Huling Hapunan at pinasimulan Niya ang sakramento (tingnan sa Mateo 26:26–29).

Gustung-gusto ko na ang sakramentong itinatag sa huling linggo ng buhay ni Cristo libu-libong taon na ang nakararaan ay bahagi na ngayon ng ating bawat linggo. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang oras na ito na inordenan ng Panginoon ay pinakasagradong oras ng buong linggo natin.”

Dalawang libong taon man ang nakararaan sa Israel o ngayon sa mga bangko ng inyong lokal na ward o branch, ang kapangyarihan ng Diyos na magpabanal, magligtas, at magtubos ay hindi nagbabago.

Dahil diyan, maaari akong sumigaw ng “Hosana!” Bawat linggo, maaari akong humingi ng tulong sa Diyos, at mapapagaling akong muli ng Tagapagligtas.

Biyernes Santo: Nadaig Niya ang mga Pasakit ng Kamatayan

Sa Biyernes Santo, ginugunita natin ang mga pangyayari sa paglilitis kay Cristo at sa Pagpapako sa Kanya sa Krus (tingnan sa Alma 7:11–12).

Kamakailan, nalaman ko na may isang bata pang maybahay at ina na pumanaw sa isang nakalulunos na aksidente. Bagama’t halos hindi ko siya kilala, iniyakan ko ang pagkawalang ito. Umiyak ako sa kawalang-katarungan ng lahat ng ito at sa himalang hindi nangyari.

Habang nagdadalamhati, paulit-ulit na pumasok sa isipan ko ang mga salitang ito:

“Mapapagaling din ito ni Cristo.”

Kaya nagsasabi ako ng, “Hosana! Dahil kay Jesucristo at sa mga pangyayari sa Biyernes Santo, hindi ako nag-iisa sa aking pagdadalamhati. Hosana! Pinasan ni Jesucristo ang aking mga kalungkutan. Hosana! Mapapagaling Niya ako, anumang pasakit ang nararanasan ko.”

Sabado: Pinalalakas Niya Ako sa Aking Paghihintay

Tulad ng mga disipulo noong araw, nakaranas ako ng mga araw na nawalan ako ng pag-asa. Nadama ko pa nga na pinabayaan ako ng Diyos. Maraming taon akong sumamo na makakita ako ng isang taong pakakasalan. At matapos akong makapag-asawa ay maraming taon kong inasam na kahit paano ay magkaanak kami sa kabila ng mga hamon na kinaharap namin noon.

Gayunpaman, nakadarama ako ng matinding sakit at pananabik sa mga pangako na tila kasalukuyang hindi natutugunan, hindi nakikita, o hindi pinakikinggan ng Diyos. Nakaranas ako ng kalungkutan at kawalang-katiyakan na hindi ko pa alam kung paano harapin.

Pero para sa akin, ang Sabado ng Mahal na Araw ay kumakatawan sa isang araw ng paghihintay. Isang araw ng pagdama sa mga inaasam na hindi natutugunan. Isang araw … sa pagitan.

Bilang paghahanda para sa bawat sabbath sa Israel, marami sa ating mga kaibigang Judio ang nagtitipon sa Western Wall. Doon, makikita ninyo sila na nakasuot ng tradisyonal na kasuotan, at mapitagang nakatayo habang nananalangin.

Nagsusulat sila ng mga panalangin sa maliliit na papel at inilalagay ang mga iyon sa pagitan ng mga bato ng pader na iyon. Taun-taon, hinihintay nila ang Mesiyas.

Ang masaksihan ang kanilang katapatan sa banal na lugar na iyon ay nagpabago sa tuon ng sarili kong mga Sabado “sa pagitan” ng mga ito. Nang sumamba ako sa templo at manalangin, natutuhan ko na ang pagtahimik ng Diyos ay hindi nangangahulugan na wala Siya o ayaw Niyang sagutin ang ating mga dasal.

May pagpapabanal sa mga Sabado ng ating mga buhay dahil sa mangyayari pagkaraan nito.

Natutuhan ko kung paano magsabi ng “Hosana” habang desperado pa rin akong naghihintay na matanggap ang ipinangako ng Diyos na kaya Niyang ibigay.

libingang walang-laman

Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay: Nagtagumpay Siya sa Lahat, Kaya Maaari rin Akong Magtagumpay

Gustung-gusto ko si Maria Magdelena at kung paano siya kumakatawan sa ating lahat sa pangangailangan niya kay Jesucristo, sa kanyang kalungkutan sa paghihintay sa Kanya sa puntod, sa kabiguan niyang makilala Siya kaagad, at sa pagkakilala sa kanya ni Jesus sa pangalan (tingnan sa Juan 20:11–16). At gustung-gusto ko na siya ang unang nakatalang saksi ni Cristo bilang nagbangong Panginoon.

Sa Jerusalem, sa ibabaw ng libingan sa halamanan na pinaniniwalang pinaglibingan kay Cristo, ito ang nakaukit: “Wala siya rito, sapagkat siya’y binuhay.”

Iyon ang mensaheng para sa akin ay pinakamahalaga para sumigaw ng “Hosana!”

Ang libingang walang-laman ay isang paalala na inililigtas ako ni Jesucristo. Inililigtas Niya ako mula sa mga pasakit ng kasalanan, mga nakapanlulumong kabiguan, pagkawala ng mga mahal sa buhay, kalungkutan, panghihina-ng-loob, kawalan ng pag-asa, at lahat ng di-makatarungan sa buhay.

At sa halip ay binibiyayaan Niya ako. Binibiyayaan Niya ako ng lubos na kapayapaan, nagpapalakas na pag-asa, pangako ng paggaling, masayang pag-asam, tagumpay, at sakdal na pagmamahal.

Dalangin ko na nasaan man tayo sa pagsisikap na manampalataya kay Jesucristo, may dahilan tayo upang harapin ang Mahal na Araw na ito sa paraang tulad ng pagsisimula ng una:

“Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel” (Juan 12:13).