Lingguhang YA
3 Katotohanan ng Ebanghelyo na Nagbibigay sa Akin ng Pag-asa Kapag ang Mundo ay Parang Wala nang Pag-asa
Abril 2026 Lingguhang YA


Mula sa Lingguhang YA

3 Katotohanan ng Ebanghelyo na Nagbibigay sa Akin ng Pag-asa Kapag ang Mundo ay Parang Wala nang Pag-asa

Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay laging makapagbibigay sa atin ng pag-asa sa gitna ng kawalan ng katiyakan.

isang kamay na naghahawi ng kurtina at nagpapapasok ng liwanag

Noong una kong nakita ang katagang “mga Mormon” online sa edad na 18, halos lahat ng nababasa ko ay negatibo. Pero may kung ano tungkol sa pananampalatayang ito na tumawag pa rin sa aking pansin. Noong mga panahong iyon, wala ako sa aming tahanan at nababalisa tungkol sa aking kinabukasan.

Lumaki akong Kristiyano, pero ang simbahan namin ay walang nakabalangkas na doktrina, at pakiramdam ko ay may kulang. Kaya nagpasiya akong pag-aaralan ang iba’t ibang relihiyon, at nakaramdam ako ng impresyon na mas alamin pa ang tungkol sa pananampalatayang ito.

Hindi nagtagal ay natuklasan ko ang “Come unto Christ” page at naragdagan ang kaalamanko tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Masasabi kong iba ito sa mga pinag-aralan ko noon. Nang makipagkita ako sa mga missionary, naramdaman kong tama ang doktrinang itinuro nila sa akin.

Itinuro sa akin ng mga katotohanan ng ebanghelyo kung paano tayo laging magkakaroon ng pag-asa bilang mga disipulo ni Jesucristo. Narito ang tatlo lamang sa mga katotohanang iyon.

1. Binabago ng Paglikha ng Kapayapaan ang Mundo

Nang malaman ng mga magulang ko na nakikipagkita ako sa mga missionary, binawalan nilang pumunta sa bahay namin ang mga missionary. Ayaw nilang mabinyagan ako, at nang malaman nilang may kopya ako ng Aklat ni Mormon, nagtalo kami, at sinira nila ang kopya ko. Nanlumo ako.

Pero naisip ko kung ano ang magiging reaksyon ng Tagapagligtas, at pinili kong manatiling tahimik at payapa.

Gusto kong sundin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025) na “pinipili nating maging tagapamayapa, ngayon at tuwina.”

Alam kong tinulungan ako ng Tagapagligtas na tumugon sa aking pamilya nang may habag sa halip na galit.

Nang mabinyagan ako, laking gulat ko nang humingi ng tawad ang mga magulang ko. Naantig sila sa naging reaksyon ko noong sirain nila ang aking Aklat ni Mormon, at naayos namin ang aming relasyon.

Ipinakita nito sa akin kung paano nababago ng dalisay na pag-ibig ang mga tao. Kapag ang isang tao ay kumikilos nang marahas pero nakakatanggap ng pagmamahal bilang kapalit, ang pagmamahal na iyon ay maaaring magpabago sa kanila.

2. Alam ng Panginoon ang Nangyayari sa Atin

Kahit natagpuan ko na ang katotohanang hinahanap ko, hindi pa rin tiyak ang aking kinabukasan. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako.

Matapos dumalo sa institute isang araw, nagpasiya akong magdasal para humingi ng tulong na makahanap ng mabubuting kaibigan na maglalapit sa akin kay Cristo. Pagkalipas ng ilang buwan, natanto ko na ako ay napapaligiran ng mga tao na espirituwal na tumutulong sa akin. Hindi lang sila basta-basta kaibigan kundi mga taong nagmahal at sumuporta sa akin.

Noong panahong iyon, nahikayat akong magmisyon, pero nag-aalangan ako sa maraming kadahilanan. Isang gabi nanaginip ako na naglilingkod ako sa isang misyon sa Dominican Republic. Sa malinaw na panaginip na ito, naglingkod ako sa iba at nakadama ng labis na pagmamahal para sa kanila.

Pagkagising ko, hinanap-hanap ko ang mga taong hindi ko pa nakita kailanman at isang lugar na hindi ko pa napuntahan kahit kailan. Pakiramdam ko kailangan kong mahanap ang mga taong naghahanap ng pag-asa at gabay. Kaya isinumite ko na ang mga papeles ko.

Pagdating ng [mission] call ko, natawa ako sa sobrang gulat nang mabasa ko ito. Tinawag akong maglingkod sa Dominican Republic—ang lugar na napanaginipan ko!

Muli, alam kong ginagabayan ako ng Panginoon. Ang pagmimisyon ay magiging malaking sakripisyo, pero may tiwala ako na ang Diyos ay magbibigay ng paraan. Nakakatakot na hindi laging nakikita ang malinaw na daan pasulong, pero ang mabatid na alam Niya ang kalagayan ko ay nagbibigay sa akin ng pag-asang kailangan ko para magpatuloy.

3. Maaari Tayong Magkaroon Lagi ng Pag-asa kay Cristo

Isa sa mga talata sa Biblia na nagbibigay sa akin ng kapanatagan ay mula kay Apostol Pablo:

“Sapagkat tayo’y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?

“Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin ito nang may pagtitiis. …

“At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya” (Roma 8:24-25, 28).

Ang pag-asa ay isang gawa ng pananampalataya. Kahit hindi natin nakikita ang agarang mga pagbabago o hindi alam kung paano magiging maayos ang lahat, kapag umaasa tayo sa mga pangako ng Diyos, lagi Siyang kikilos sa likod ng mga eksena, gagabayan tayo tungo sa magagandang pagpapala.

Natututo pa rin ako, pero alam kong binibigyan ako ng lakas ni Jesucristo na sundan Siya. Tinutulungan Niya akong magmahal ng iba kahit may panahong mahirap gawin iyon. Tinuturuan Niya akong maging matiyaga at magtiwala sa Kanyang takdang panahon. Higit sa lahat, binibigyan Niya ako ng pag-asa—hindi lamang para sa buhay ko ngayon kundi pati na rin para sa aking kinabukasan.

Kapag ang mundo ay parang wala nang pag-asa, naniniwala akong kaya ka rin Niyang bigyan ng parehong pag-asa.