Lingguhang YA
Kung Paano Ako Dinala ng Aking Relasyon sa Diyos Mula sa Isang Magulong Pagkabata Tungo sa Pagganap Bilang Cristo
Abril 2026 Lingguhang YA


Mula sa Lingguhang YA

Kung Paano Ako Dinala ng Aking Relasyon sa Diyos Mula sa Isang Magulong Pagkabata Tungo sa Pagganap Bilang Cristo

Ang mga hamon sa buhay ko ay nakatulong sa akin para makita na ang isang malalim na relasyon sa Tagapagligtas ay maaaring magdulot ng pag-asa sa anumang sitwasyon.

Si Cristo na nakangiti

Matapos magdiborsyo ng mga magulang ko noong apat na taong gulang ako, lumipat kami ng nanay ko sa ibang panig ng bansa. Wala kaming kabuhayan at wala kaming pera. Sa loob ng ilang buwan, wala pa nga kaming bahay na matirhan.

Pero lagi akong tinuturuan ng nanay ko tungkol sa Tagapagligtas. Lumaki siyang Kristiyano at gusto niyang maniwala rin ako kay Jesucristo.

Ang pag-alam tungkol kay Jesucristo ay nagbigay sa akin ng pag-asa na kahit papaano, magiging maayos din ang lahat.

Paghahanap ng Kapanatagan sa Pamamagitan ng Panalangin

Habang nakatira sa isang silungan para sa mga walang tirahan, ipinakilala sa amin ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mahal ko ang ebanghelyo. Bagama’t nahirapan pa rin kami sa mga sumunod na ilang taon, habang mas nakatuon ako sa pagpapatibay ng aking relasyon sa Diyos, mas gumaan ang mga pasanin ko.

Wala akong komunikasyon sa tatay ko, at dahil nahihirapan ang nanay ko sa mga sakit sa pag-iisip na hindi nagagamot, madalas na may galit sa aming tahanan.

Hindi ko makontrol ang mga hamon sa buhay ko, pero palagi akong nakakahanap ng kanlungan sa aking relasyon sa Diyos at kay Jesucristo. Iyon ay isang lugar na hindi kayang panghimasukan ng kahit ano sa mundo. Pinahahalagahan ko ang mga tahimik na sandali sa panalangin, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagsusulat sa aking journal, at kapag naging napakahirap ng mga bagay-bagay sa bahay, nagpapalipas ako sa katahimikan ng kalikasan.

Gaya ng itinuro ni Elder Sandino Roman ng Pitumpu:

“Manalangin sa inyong Ama sa Langit na tila ba ito ang unang pagkakataon. Ipahayag ang inyong pagmamahal at pasasalamat sa Kanyang mga pagpapala. …

“Kung kayo ay tapat at mapagpakumbaba, maririnig ninyo ang Kanyang sagot at magsisimula kayong magkaroon ng personal at matatag na relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.”

Noong gumugol ako ng oras kasama ang Diyos, nakita ko ang Kanyang kamay sa buhay ko, at iyon ang pinagmulan ng aking pag-asa. Minsan kapag masakit ang relasyon namin ng nanay ko at mukhang malungkot ang kinabukasan ko, nagdarasal ako para humingi ng tulong, at pinapanatag ako ng Espiritu.

Pag-iisip sa Ginawa ng Tagapagligtas para sa Akin

Ang banal na ugnayang iyon ang naging puwersang nagtutulak sa buhay ko, kasama na ang aking pag-arte. Noong ako ay 12 taong gulang, nahikayat akong subukang gumanap sa papel ng batang si Jesus sa mga Bible Video. Higit sa lahat ng anupamang bagay, gusto kong ilarawan ang Tagapagligtas na mahal ko. Ni-record ko ang audition ko sa isang sirang digital camera, suot ang pink na bathrobe ni mama, at ipinadala ito.

Hindi ko nakuha ang papel na gusto ko, pero hindi ako nawalan ng pag-asa na kaya ko pa ring maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-arte. Ipinagpapasalamat ko na nagkaroon ako ng mas maliliit na papel sa ibang mga proyekto ng Simbahan. Kalaunan, nag-audition akong muli para gumanap bilang Tagapagligtas—sa pagkakataong ito bilang isang young adult para sa kampanya ng Simbahan para sa Pasko ng Pagkabuhay na “Greater Love [Higit Pang Dakilang Pag-ibig].”

Habang nag-aayuno ako at espirituwal na naghahanda para sa aking audition, naisip ko ang lahat ng ginawa ng Tagapagligtas para sa akin. Ibinigay ko ang aking pinakamahusay na interpretasyon kung sino talaga ang Tagapagligtas para sa akin noon pa man, na nakatuon sa kagalakan, pagmamahal, kapayapaan, at pagiging di-makasarili na alam kong perpekto Niyang ipinapahayag.

At nakuha ko ang papel. Bumalik sa isip ko kung paano ako nahikayat na subukang gumanap sa isa pang papel noong bata pa ako. Nakita ko kung paano ang Ama sa Langit ay laging gumagabay sa akin pasulong sa mga detalye ng aking buhay.

Ang aking relasyon sa Tagapagligtas ay nakaimpluwensya sa kung paano ko Siya inilarawan—dahil kilala ko Siya. Hangad Niyang magdala ng kapayapaan at pagpapagaling sa mga nagdurusa at nangangailangan ng Kanyang liwanag.

Alam kong ang paglalarawan ko sa Tagapagligtas ay hindi talaga tungkol sa akin. Tinutulungan ko ang mga tao na makita at makilala si Jesucristo sa paraang umaasa akong magpapasiklab ng kanilang paniniwala at pag-asa sa Kanya, ang Prinsipe ng Kapayapaan.

Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa

Ang mga hamon ng buhay ay maaaring magparamdam sa iyo ng kawalan ng pag-asa at pagkawalay sa iyong mas mataas na layunin. Ngunit kung aalalahanin mo ang iyong banal na pagkakakilanlan at relasyon kay Cristo, bawat pakikipag-ugnayan mo sa iba, bawat proyektong ginagawa mo, at bawat paghakbang mo ay maaaring maglapit sa iyo sa Tagapagligtas.

Kahit na mahirap ang sitwasyon, kapag nakakonekta ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, makakatagpo ka ng kagalakan, kahulugan, at direksyon sa anumang sitwasyon. Maaari kang magkaroon ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20). Minahal ka Nila nang perpekto. At Sila ay naglalakad na kasama mo.

Ganoon nagpapakita palagi para sa akin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. At alam ko na dahil sa Kanila, magiging maayos talaga ang lahat.