Mula sa Lingguhang YA
Ang Pinakamagandang Araw sa Kasaysayan ay Higit Pa sa Lahat ng Ating Pinakamasasamang Araw
Ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo ay hindi lamang isang sandali sa kasaysayan—ito ay araw-araw na pinagmumulan ng pag-asa para sa akin.
Naranasan mo na ba ang isang pangyayaring lubos na nagpabago sa buhay mo—yung tipong tila sumira sa lahat? Mayroon ako, at wala akong nagawa para pigilan ito.
Isang minuto, nakaupo kami ng mga kapatid ko sa sopa sa sala, tahimik na naghihintay. Ang sumunod na nangyari, parang gumuho ang buong mundo ko.
Ang kaswal na paliwanag ng aking ama tungkol sa kanyang desisyon na maghain ng diborsyo ay sumalungat sa lahat ng akala kong alam ko. Akala ko masayang pamilya kami. Akala ko ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin ng pamilya ang dapat na magpanatili sa amin na magkakasama.
Mula sa sandaling iyon, marami ang nagbago. Nagsimulang maging malungkot ang masasayang alaala ko noong bata pa ako. Nagpakasal muli sa iba ang mga magulang ko. Nagsimulang pumili ng sasamahan ang mga kapatid ko.
Napaisip tuloy ako kung ano na nga ba ang nangyari sa buhay ko.
Sa Araw na Mangako Tayong Susunod kay Cristo
Parang hindi patas—bakit ba nasira ng desisyon ng ibang tao ang buhay ko?
O nasira nga ba? Sa loob ng ilang panahon, ang diborsyo ng mga magulang ko ang parang pinakamahalagang araw ng buhay ko. Pero isang mensahe ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang nagpaisip sa aking muli:
Itinuro niya, “Ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng sangkatauhan ay ang araw na si Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos, ay nagtagumpay laban sa kamatayan at kasalanan para sa lahat ng mga anak ng Diyos.”
Pagkatapos ay idinagdag niya na ang pinakamahalagang araw sa atin ay ang araw kung kailan nangangako tayong susundin si Jesucristo—isang araw na “paulit-ulit na mangyayari sa atin habambuhay.”
Kaya, oo, bagama’t binago ng diborsyo ng aking mga magulang ang buhay ko, binago ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang landas ng kasaysayan ng tao. At hindi lang iyon; nalaman ko na dahil sa mga kaganapan noong Pasko ng Pagkabuhay, kayang baguhin ni Cristo ang takbo ng buhay ko—araw-araw.
Pagpapanumbalik ng Pag-asa
Habang tinatahak ko ang buhay pagkatapos ng diborsyo ng aking mga magulang, nalaman ko na si Jesucristo talaga ang pinakapinagmumulan ng kapayapaan at pag-asa.
Tinawag ni Apostol Pablo si Cristo na “pinakapunong [saserdote] ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11). Ang mga pinakapunong [saserdote] bago Siya [isinilang] ay nag-alay ng mga hain na hayop na kahalintulad ng Kanyang gagawing paghahandog sa hinaharap. Pagkatapos ay inialay ni Jesucristo ang Kanyang sariling buhay bilang walang hanggang pagbabayad-sala—tinutubos tayo mula sa kasalanan at kamatayan magpakailanman at itinuturo tayo tungo sa pag-asa ng pagkabuhay na muli at buhay na walang hanggan. Dahil sa Kanyang sakripisyo, makatitiyak tayo na may darating na mabubuting bagay sa atin sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.
Ang katiyakang iyon—na ang kinabukasan ko ay magiging mas maaliwalas kaysa sa kasalukuyan kong mga sitwasyon—ay nagbigay sa akin ng pag-asang kailangan ko para magpatuloy. Para sa akin, ang Pasko ng Pagkabuhay ay pagdiriwang ng pag-asang iyan.
Noong araw na ipinako sa krus si Cristo, tila naglaho ang pag-asa. Sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa palagay ko, sa lahat ng araw sa simula pa lang ng kasaysayan [ng mundong ito], ang Biyernes na iyon ang pinakamadilim.”
Patuloy niya:
“Bawat isa sa atin ay magkakaroon ng sarili nating mga Biyernes—mga araw na parang durog ang mismong sansinukob at ang mga piraso ng ating mundo ay nagkalat sa ating paligid. …
“Pinatototohanan ko sa inyo sa ngalan Niyaong lumupig sa kamatayan—sasapit ang Linggo.”
Ang unang Linggo ng Pagkabuhay na iyon ay dumating, na winawakasan ang kadiliman ng mga nakaraang araw. Ang Pagkabuhay na Muli ni Cristo ay nagpanumbalik ng pag-asa sa Kanyang mga disipulo sa bawat panahon. Ang pag-asang ito ay maaaring dalhin sa ating pang-araw-araw na buhay.
Pagpapagaling sa Nasira
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “[Si Jesucristo] ay buhay—hindi lang noon, kundi ngayon; hindi lang para sa iilan, kundi para sa lahat. Siya ay dumating at darating upang pagalingin ang mga bagbag na puso, palayain ang mga bihag, ibalik ang paningin ng mga bulag, at palayain ang mga naaapi. Iyan ang bawat isa sa atin. Makakamtan ang Kanyang mapantubos na mga pangako, anuman ang ating nakaraan, kasalukuyan, o mga alalahanin sa hinaharap.”
Tunay ang kapangyarihang magpagaling ni Cristo. Sa loob ng maraming taon, hindi ko nakausap ang aking ama. Sinubukan kong kalimutan ang ginawa niya. Nagmakaawa ako sa biyaya ni Cristo na tulungan akong maalis ang galit ko. Tinulungan ako ng Espiritu na maunawaan ang gagawin, at kalaunan, napatawad ko siya. Ang aming relasyon, bagama’t bumabawi pa, ay binigyan ng panibagong buhay.
Ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang paalala na sa pamamagitan ni Jesucristo, ang pag-asa ay magtatagumpay laban sa kawalan ng pag-asa, ang buhay ay magtatagumpay laban sa kamatayan, at ang liwanag ay magtatagumpay laban sa kadiliman. Ang pagpiling sumunod sa Kanya ang desisyong humuhubog sa buhay ko—hindi ito desisyong gawa ng iba.
Darating ang panahon, lahat tayo ay haharap sa mga sandali na magpapabago sa ating buhay. Ang kagandahan ng ebanghelyo ay ang malaman na hindi ang mga araw na iyon ang pinakamahalaga. Nangyari na ang pinakamahalagang araw, at maaaring maging bahagi ito ng buhay natin sa bawat araw.