Tampok na Debosyonal
Malugod na Tinatanggap ang Hindi Inaasahang Mesiyas
Ang magiliw na Cristo ay papasok sa inyong kani-kanyang buhay, kung tatanggapin ninyo Siya.
Isipin ang makasaysayang Linggo ng Palaspas nang si Jesucristo, ang Hari ng mga hari, ay matagumpay ngunit mapagpakumbabang pumasok sa banal na lungsod ng Jerusalem.
Ang mga lansangan ng lungsod ay siksikan sa mga taong nagtipon sa Jerusalem para sa kapistahan ng Pascua. Mabilis na kumalat ang balita na darating si Jesus ng Nazareth, at lumikha ito ng matinding kaguluhan.
Naiisip mo ba kung ano ang naramdaman ng mga disipulo ng Tagapagligtas? Ito na ang sandaling pinakahihintay nila! Sa wakas ay kinikilala na ng mga tao si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas. Sa wakas natapos na ang paghihintay! Ang mga anak ni Israel ay mapapalaya na dahil dumating na ang kanilang Hari!
Ang mga tao ay napuno ng sabik na pag-aasam—pero inaasahan ba nila ang mga tamang bagay?
Mga Maling Inaasahan
Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, ang mga sigaw ng papuri at pagsasaya ay humupa, gaya ng madalas mangyari sa buhay. Nag-alisan ang mga tao. Bumalik na ang mga tao sa kanilang mga regular na nakatakdang gawain.
Samantala, si Jesus ay nagkaroon ng tahimik na Huling Hapunan kasama ang Kanyang mga Apostol. Tinuruan Niya sila, hinikayat sila, at ipinagdasal sila. Ibinigay Niya sa kanila ang ordenansa ng sakramento, isang bagay na magpapaalala sa kanila tungkol sa Kanya.
Pagkatapos ay naglakad Siya papunta sa isang halamanan na tinatawag na Getsemani, at doon—nag-iisa—inako Niya ang mga kasalanan ng sanlibutan. Naglakad Siya “sa pisaan ng alak nang mag-isa,” at wala Siyang kasamang sinuman (Isaias 63:3).
Sa pagtatapos ng susunod na araw, si Jesus ay nakapako na sa krus na napapagitnaan ng dalawang kilalang magnanakaw, at dumanas ng malupit at mapanghamak na pagbitay. Sa halip na pagsamba, tinuya Siya ngayon. “Kung siya ang Hari ng Israel,” sabi ng mga tao, “bumaba siya ngayon mula sa krus, at maniniwala tayo sa kanya” (Mateo 27:42).
Tiyak na talagang nalito ang ilang nagmamasid. Hindi ba’t ito rin ang lalaking gumawa ng lahat ng kaguluhan ilang araw na ang nakalipas? Hindi ba’t Siya dapat ang ating Tagapagligtas? Paano Niya tayo ililigtas kung hindi nga Niya kayang iligtas ang Kanyang sarili?
Sa bentaha ng pagbabalik-tanaw, malinaw nating makikita na ang mga tao ay may maling inaasahan tungkol sa tunay na misyon ni Jesus.
Kapag Tila Hindi Nagtutugma ang mga Bagay
Hindi ba’t paminsan-minsan ay nararanasan nating lahat ang hindi pagtutugma ng inaasahan natin sa buhay at sa aktuwal na nangyayari? Hindi ba’t bahagi na ng ating buhay ang mga hindi inaasahang sorpresa?
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo na may matataas na pamantayan.
Pero hindi dapat ikagulat na hindi laging tumutugma ang mga ito sa magulo at makamundong realidad ng mortalidad.
Sa isang perpektong mundo, lahat ay laging susunod sa mga utos ng Diyos. Sa isang perpektong mundo, lahat tayo ay makakaramdam na pinagpala at masaya tayo, at bawat tapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay magkakaroon ng matibay at kasiya-siyang buhay may-asawa at pamilya.
Pero ang totoo ay ilan sa atin ang nahaharap sa napakasalimuot at nakakatakot na mga hamon na nagpapahirap sa atin na tila halos imposibleng makamit ang mga pagpapalang ito.
Kaya ano ang gagawin natin kapag ang magaganda, pangkalahatan, at walang hanggang mga mithiin ng ebanghelyo ay sumasalungat sa masasakit, kani-kanya, at mortal na realidad ng buhay?
Mayroong hindi bababa sa dalawang bagay na dapat mong tandaan:
Huwag isuko ang ideal.
Huwag balewalain angtotoo.
Hindi madali para sa ating mga mortal na isipan at puso na maunawaan ang dalawang konseptong tila magkasalungat.
Kaya, para malutas ang pagkalito sa ating mga isipan, maaari tayong mabilis na magpalagay na: “Kung ako ay nagdurusa, malamang na may nagawa akong mali.” O “Kung hindi ko nakikita ang mga biyayang inaasam ko, malamang na hindi totoo ang mga pangako.”
Pero maaaring may ibang paraan para tingnan ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t sinabi ng Panginoon, “Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip [ay higit na mataas] kaysa inyong mga pag-iisip” (Isaias 55:9)?
Umakyat sa Bundok, Tingnan ang mga Bagay sa Iba’t Ibang Paraan
Napansin mo na ba kung gaano naiiba ang hitsura ng mga bagay mula sa mas mataas na lugar? Kapag narating mo ang tuktok at tumingin pabalik sa lambak, hindi ba’t kamangha-mangha kung gaano kaliit ang lahat ng bagay?
Inaanyayahan tayo ng Diyos na sundan ang Kanyang daan tungo sa isang mas mataas at mas banal na pananaw. Makikita mo ang mundo at ang mga hamon nito sa iba’t ibang pananaw; makikita mo ang mga bagay-bagay sa konteksto ng buong nilikha at ng plano ng kaligtasan.
Mahal kong mga kaibigan, nasa isang bahagi kayo ng inyong buhay kung kailan kailangang gumawa ng mahahalagang desisyon: mahahalagang pagpili sa edukasyon at trabaho, kung sino ang pakakasalan, at kailan magsisimulang magkapamilya. Para sa lahat ng pagpiling ito, kailangan ninyo ang mga pagpapala ng langit at ang patnubay ng Espiritu Santo. At naroon ito. Ito ay available. Sundin ang huwaran ng Panginoon na itinuro kay Oliver Cowdery: “Pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos … itanong mo sa [Diyos] kung ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:8).
May utak at puso ka. At malalaman mo.
Kaya’t pakiusap, humingi kayo ng mga pagpapala at gabay sa inyong Ama sa Langit. Ibahagi sa Kanya ang inyong mga inaasam, pangarap, at hangarin. Ngunit sa paggawa nito, siguraduhing hindi mo sinusubukang hikayatin Siyang tingnan ang mga bagay-bagay sa paraang gusto mo. Hilingin sa Kanya na buksan ang inyong mga mata upang makita ang mga bagay sa Kanyang paraan. Doon nagsisimulang dumaloy ang mga sagot. Doon kayo aakyat sa bundok at magsisimulang makita ang mga bagay-bagay mula sa mas mataas na pananaw—maging ang pananaw ng Ama sa Langit.
Makikita ninyo na maraming bagay na tila napakalaki at nakakalula, na sa katotohanan ay mas maliliit at hindi gaanong nakakabahala.
Kasabay nito ay matutuklasan ninyo ang walang hanggang kahalagahan ng ilang bagay na tila maliit sa inyong mga paningin bilang mortal.
Sa ating mga panalangin, sinusunod natin ang halimbawang ipinakita sa atin ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani nang Siya ay manalangin, “Ama, … huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42).
Darating ang mga sagot sa inyong mga panalangin. Pinatototohanan ko ito. Marahil hindi sa inyong paraan, kundi tiyak na sa paraan Niya. Kung minsan ay dumarating ang mga ito sa pamamagitan ng isang talata mula sa banal na kasulatan, isang sagradong damdamin, o mga salita ng isang pinagkakatiwalaang tao, pero talagang darating ang mga ito.
Kilala kayo talaga ng Panginoon. Alam Niya ang nasa puso ninyo. Alam Niya ang pangalan ninyo. Ang mga sandaling ito ay maaaring maging katulad ng banal at mapayapang sandali sa isang magandang umaga ng tagsibol sa labas ng isang walang lamang libingan nang ang isang babae ay umiiyak at tinawag ng nabuhay na muling si Jesus ang kanyang pangalan (tingnan sa Juan 20:16).
Nararamdaman ba ninyo si Jesus, sa Kanyang malumanay na tinig, na tinatawag ang inyong pangalan? Tandaan, alam ng Tagapagligtas ang inyong pangalan. Mahal Niya kayo.
“Tingnan Mo, ang Iyong Hari ay Dumarating sa Iyo”
Noong Linggo ng Palaspas, dinagsa ng maraming tao ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem. Isa itong maluwalhati at kapana-panabik na sandali. Ngunit mas mahalaga pa ang ginawa ni Jesus pagkatapos Niyang pumasok sa Jerusalem—kahit na karamihan dito ay ginawa nang tahimik, nang pribado, at hindi pa nga napansin ng karamihan.
Maaaring hindi ito ang inaasahan ng mga tao sa Mesiyas. Ngunit iyon ang ipinangako ng Diyos. At iyon ang kailangan ng mga tao—ng sangkatauhan, ikaw at ako—nating lahat. Ito ang kaloob na mula sa langit at ang nagbabayad-salang sakripisyo na kailangan ng buong sangkatauhan, ng lahat ng anak ng Diyos.
“Narito,” sabi ng propetang si Zacarias, “ang iyong Hari ay dumarating sa iyo” (Zacarias 9:9).
Kung paanong matagumpay Siyang pumasok sa Jerusalem, gayundin ang magiliw na Cristo ay papasok sa inyong kani-kanyang buhay, kung tatanggapin ninyo Siya.