Mula sa Lingguhang YA
Nadidismaya sa Modernong Kultura ng Pakikipagdeyt? 3 Bagay na Kailangan Mong Malaman
Ang awtor ay nakatira sa Montréal, Québec, Canada.
May natutuhan akong ilang mga trick na makakatulong sa atin na makipagdeyt nang may pagmamahal at hindi nang may takot.
Mahilig ako sa pakikipagdeyt. Gustung-gusto ko ang pag-ibig.
At ang ebanghelyo ay isang plano ng pagmamahal at kaligayahan. Pero kung minsan, kapag sinusubukang makipagdeyt at naghahanap ng tamang taong mapapangasawa, ang kultura ng pakikipagdeyt ay maaaring magdulot ng mga hadlang.
Halimbawa, dito sa Montréal, kaming grupo ng mga young adult ay malapit sa isa’t isa. Kung makikipagdeyt ka sa isang tao, pinag-uusapan ito ng iba, at mahirap makilala ang mga tao nang romantiko nang hindi ito nagmumukhang seryoso.
Gaya nitong pakikipagdeyt ko sa iba’t ibang tao, may naririnig akong mga bulung-bulungan na tulad ng, “Naghahanap si Nina ng mapapangasawa. Desperado na siyang magpakasal!” Pero hindi iyon totoo—sinusubukan ko lang na maging mas masigasig sa larangan ng pakikipagdeyt. Ang pagbuo ng pamilya ay isa sa mga priyoridad ko sa buhay.
Ang sadyang pakikipagdeyt ay hindi nangangahulugang desperado ka na—kundi tungkol lamang ito sa pagsisikap na makita kung anong mga relasyon ang maaaring ihatid sa iyo ng Ama sa Langit. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson (1924–2025), “Nais ng Panginoon na may pagsisikap.”
Kung nahihirapan ka pagdating sa pakikipagdeyt, hindi ka nag-iisa. Narito ang tatlong bagay na dapat gawin habang sinisikap mong maging masigasig sa iyong pakikipagdeyt:
1. Alamin Kung Sino Ka
Pakiramdam ko ay may ilan sa atin na hindi alam kung sino talaga tayo. Hindi natin alam kung paano maging tayo, kung ano ang ating mga layunin, o kung paano gumawa ng mga desisyon nang may kumpiyansa. Kung sino tayo ang siyang humuhubog sa ating buhay, sa ating mga priyoridad, at sa ating mga pinahahalagahan.
Itinanong ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“‘Ano ang mga bagay na pinagninilayan ninyo?’ ‘Ano ang mga bagay na talagang mahalaga sa inyo?’ ‘Ano ang mga bagay ng inyong kaluluwa?’
“Ang mga bagay ng ating kaluluwa ay kadalasang nalilinawan at [napapalalim] sa pamamagitan ng pagtatanong.”
Noong nasa kolehiyo ako, itinuro sa akin ng mga klase ko sa social media marketing ang lahat ng tungkol sa paghahanap ng aking audience at pagbuo ng aking brand identity. Maaari din itong gamitin sa buhay! Hindi ito nangangahulugan ng paggawa ng pekeng persona—ibig sabihin nito ay pagiging totoo sa iyong sarili, umuunlad, at natututo kung paano ka tunay na makakakonekta sa iba.
Kapag namumuhay tayo bilang mga disipulo ni Jesucristo, alam natin kung ano ang ating mga pinahahalagahan. Lahat tayo ay gumagawa ng parehong mga tipan at sumusunod sa parehong mga utos. At ang maganda rito ay bukod sa mga personalidad at interes, kapag may kapareho tayo ng mga pinahahalagahan sa isang mundong puno ng magkakaibang interes at pananaw, maaari nating makasundo ang iba pang mga disipulo ni Cristo sa pakikipagdeyt.
Kapag hinahayaan mong hubugin ng iyong banal na pagkakakilanlan ang iyong buhay, makakakita ka ng iba na gumagawa rin ng gayon.
2. Alamin ang Gusto Mo
Sadya akong nakikipagdeyt dahil may layunin akong magpakasal kalaunan.
Hinikayat tayo ni Pangulong Nelson na “magsimula na isinasaisip ang nasa dulo.” Ang pagsisimula nang nasa isip ang dulo sa pakikipagdeyt ay nangangahulugan ng pag-alam sa iyong mga layunin. Ano ang layunin ng isang deyt? Sana ay malaman mo kung may nakikita kang potensyal para sa isang relasyon na maaaring humantong sa kasal. Pero pareho ba ang inyong mga layunin? Magkatugma ba ang inyong personalidad at interes? Tanungin ang sarili mo ng mga ganitong klaseng tanong!
Para malaman kung anong mga katangian ang hahanapin, paunlarin ang mga ito sa iyong sarili, ituon ang pansin sa Ama sa Langit, at mamalagi sa mga lugar kung saan naroon ang ibang mga banal na tao (tulad sa institute, simbahan, at mga aktibidad at kumperensiya ng YSA).
Ibinigay ni Elder Jeremy R. Jaggi ng Pitumpu ang payong ito sa mga young adult: “Kung hahanapin natin [ang Diyos], maaakit tayo sa iba na naghahanap din sa Kanya. Mahalaga ito sa pagbuo ng matibay at pangmatagalang pagkakaibigan at pagsasama ng mag-asawa.”
3. Matuto Kung Paano Makipag-ugnayan sa Iba
Sa mundong ito na mahirap bumuo ng koneksyon sa iba, gusto kong alalahanin ang payo na ibinigay sa mga missionary na makipag-eye contact, ngumiti sa mga tao, at mag-usisa sa ibang tao tungkol sa kanilang sarili.
Ang pagtutok sa mga telepono ay nakakaapekto sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan sa iba. At kahit na gusto mong makipag-usap sa mga tao, maaaring humadlang ang pagkabalisa at takot.
Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang unang payo ko sa inyo ay maging matapang. Pilitin ang inyong sarili na magkaroon ng matatalik na kaibigan. Hindi mo kailangang isipin na bawat pagkakaibigan ay kailangang humantong sa pag-iibigan, pero maraming matutuklasan sa matalik na pakikipag-ugnayan.”
Maaaring nakakatakot na kilalanin ang ibang tao, pero ang kahandaang lumabas sa iyong comfort zone ay makakatulong sa iyo na makita ang hinahanap mo.
Labis ang kagalakan ko sa pagiging single ngayon, pero kahit gaano ko kamahal ang buhay ko, may mabubuting hangarin pa rin akong pinagsisikapan—isa na rito ang walang hanggang kasal. Alam ko na habang patuloy akong nagpapatibay ng mga ugnayan sa iba, gumagawa ng mga pagpiling hahantong sa magandang kinabukasan, at nagtitiwala sa Panginoon, matutupad ang aking mabubuting hangarin.