Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 8: Isaias–Jeremias 20


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 8: Isaias–Jeremias 20,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 8: Isaias–Jeremias 20,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20: Lesson 133

I-assess ang Iyong Pagkatuto 8

IsaiasJeremias 20



A young man sits in his home in Malaysia. He is studying.

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pag-unlad ay tumutulong sa atin na maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga mithiing itinakda nila at ang pag-unlad na naranasan nila sa kanilang kamakailang pag-aaral ng Lumang Tipan.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong ibigay sa mga estudyante ang pahayag ni Elder David A. Bednar sa lesson. Sabihin sa kanila na isipin kung paano naaangkop ang pahayag na ito sa kanilang espirituwal na pag-unlad sa seminary ngayong taon. Hikayatin silang suriin ang kanilang mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagrerebyu sa mga entry sa journal, mga banal na kasulatan na minarkahan nila, at mga tala na isinulat nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang espirituwal na pag-unlad habang ipinagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral ng Lumang Tipan. Maaaring tumuon ang iyong klase sa mga resultang naiiba sa mga ina-assess sa lesson na ito. Kung gayon, iakma ang mga aktibidad para ma-assess kung ano ang natutuhan ng mga estudyante sa mga lesson sa seminary kamakailan. Maaari mo ring piliing gamitin ang mga aktibidad sa I-assess ang Iyong Pagkatuto para sa anumang kategorya ng Paghahanda sa Buhay na natapos mo nang ituro. Ang mga ideya ay makikita sa appendix ng manwal na ito.

Sa lesson na ito, ia-assess ng mga estudyante ang kanilang progreso sa ilan sa o sa lahat ng sumusunod na aspeto:

  1. Pagpapaliwanag sa mga titulo at tungkulin ni Jesucristo (Paalala: Ang aktibidad na ito ay hango sa Lesson 113: “Pambungad sa Isaias,” ngunit maiaangkop din ang iba pang lesson.)

  2. Pagdama ng mas matinding hangaring madaig ang kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (Paalala: Ang aktibidad na ito ay hango sa Lesson 114: “Isaias 1,” ngunit ang Lesson 103: “Mga Awit 24” at Lesson 124: “Isaias 53” ay maiaangkop din.)

Pagsusuri sa ating espirituwal na pag-unlad at progreso

Maaari mong simulan ang klase sa pagbabahagi ng video clip na “Isang Porsyento na Mas Mahusay,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 2:11. Bilang alternatibo, maaari mong basahin ang buod sa ibaba o isalaysay ito gamit ang sarili mong mga salita.

10:1

Ang sumusunod ay buod ng isang salaysay na ibinahagi ni Elder Michael A. Dunn ng Pitumpu.

Sa loob ng mahigit isang siglo, ang koponan ng mga siklista ng mga British ay itinuring na “katatawanan” sa mundo ng mga siklista. Gayunpaman, noong 2003, nabago iyon. Ang kinuhang bagong coach na si Sir Dave Brailsford ay gumamit ng bagong istratehiya sa pagpapahusay. Sa halip na tumuon sa “mga agarang pagbabago,” nagtuon si Sir Brailsford sa tinawag niyang “pagsasama-sama ng maliliit na paghusay sa kakayahan.” Sa madaling salita, hinikayat niya ang kanyang mga siklista na gumawa ng maliliit na paghusay sa lahat ng aspeto.

Sinabi niya, “Ang alituntuning ito ay nanggaling sa ideya na kung iisa-isahin mo ang bawat bagay na may kinalaman sa pagbibisikleta, at babaguhin ang mga iyon nang kahit 1 porsyento, magkakaroon ng makabuluhang pagbabago kapag pinagsama-sama ang lahat ng ito” (tingnan sa “Isang Porsyento na Mas Mahusay,” Liahona, Nob. 2021, 106).

  • Paano naaangkop ang alituntuning ito sa ating espirituwal na pag-unlad habang nagsisikap tayong maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo?

Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Ang maliit, matatag, at nag-iibayong espirituwal na pagpapaunlad ay ang mga hakbang na gusto ng Panginoon na gawin natin. Ang paghahandang makalakad nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos ay isa sa mga pangunahing layunin ng buhay at panghabambuhay na mithiin; hindi ito bunga ng pabugso-bugsong pagdating ng masidhing espirituwal na pangyayari. (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Liahona, Nob. 2007, 82)

Ibahagi sa mga estudyante na ang layunin ng mga lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto ay para huminto sila nang sandali at anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan sila na mahiwatigan kung paano sila natututo at lumalago.

Para matulungan ang mga estudyante na maghandang sagutin ang mga sumusunod na tanong, maaari mong tiyakin sa kanila na hindi madali at nangangailangan ng panahon at pagsasanay ang pagkilala sa tinig ng Espiritu. Maaari mong ipaalala sa kanila ang salaysay tungkol kay Samuel (tingnan sa 1 Samuel 3:2–10) o Elijah (tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12).

Maglaan ng kaunting oras upang pag-isipan kung ano ang natutuhan ninyo kamakailan sa inyong pag-aaral ng Lumang Tipan. Maaari ninyong rebyuhin ang mga banal na kasulatan na nabasa ninyo at ang mga ideyang naisulat ninyo sa inyong notes o study journal.

  • Anong mga pagsisikap ang ginawa ninyo kamakailan upang matanggap at mahiwatigan ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo?

  • Ano ang ilang espirituwal na impresyon na natanggap ninyo kamakailan mula sa Espiritu Santo? Paano kayo kumilos ayon dito?

  • Ano ang ilang maliliit na espirituwal na pagpapaunlad na nagawa ninyo sa inyong pagiging disipulo ni Jesucristo?

  • Ano ang ilang aspeto kung saan maaaring kailanganin pa rin ninyong gumawa ng maliliit na espirituwal na pagpapaunlad?

icon ng seminary Ang mga naunang pahiwatig ay mga halimbawa ng mga pagsusuri sa sarili. Kapag isinasaalang-alang ng mga estudyante ang kanilang sariling karanasan at nadarama, maiuugnay nila ang kanilang natutuhan sa kanilang buhay at sitwasyon. (Para sa karagdagang training tungkol sa paggawa ng mga pagsusuri sa sarili tungkol sa doktrina, katotohanan, o alituntunin, tingnan ang “Lumikha ng mga kapaligiran at oportunidad upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na hindi nakadarama na nakagawa sila ng mga espirituwal na pagpapaulad na alalahaning tutulungan sila ng Panginoon. Tiyakin sa mga estudyante na mahal sila ng Panginoon at inaanyayahan Niya sila na maging matiyaga at patuloy na magsikap.

Ipaliwanag ang mga titulo at tungkulin ni Jesucristo

Bilang bahagi ng Lesson 113: “Pambungad sa Isaias,” maaaring gumawa na ng diagram ang mga estudyante tungkol sa mga titulo at tungkulin ni Jesucristo. Kung ginawa na ito ng iyong mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na rebyuhin ang kanilang diagram at magdagdag ng anumang karagdagang titulo na natutuhan nila kamakailan. Pagkatapos ay maaari mong ipatalakay sa kanila ang mga tanong na kasunod ng diagram sa ibaba.

Kung hindi ginawa ng iyong mga estudyante ang aktibidad na ito, maaari mong ipakita ang diagram sa ibaba. Ipakopya ito sa kanilang mga study journal at ibigay sa kanila ang mga sumusunod na tagubilin. Bigyan sila ng panahon na maghanap ng mga karagdagang titulo na maaaring napag-aralan nila kamakailan sa mga banal na kasulatan.

Isulat ang “Jesucristo“ sa bilog sa gitna. Basahin ang Isaias 7:14; 9:6–7 at isulat ang mga titulo at tungkulin ni Jesucristo na natuklasan mo sa iba pang bilog.

  • Ano ang iba pang mga titulo na nahanap mo kamakailan? Idagdag ang mga ito sa iyong diagram.

Diagram for Jesus Christ and his various roles

Maaaring pinakamainam na ipakita ang mga tanong na ito at ipasagot ang mga ito sa mga estudyante nang mag-isa. Pagkatapos ay maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga naiisip sa maliliit na grupo o bilang isang klase.

  • Mula nang matutuhan mo ang tungkol sa mga titulo o tungkuling ito, paano nakaimpluwensya sa iyo ang pag-iisip tungkol kay Jesus sa ganitong paraan?

  • Sa anong mga sitwasyon sa iyong buhay makatutulong ang pag-alaala sa isa sa mga titulong ito ni Jesucristo?

  • Ano ang maaari mong gawin ngayon dahil alam mo ito tungkol kay Jesucristo?

Maaari mo ring ibahagi sa mga estudyante ang isa sa iyong mga paboritong titulo o tungkulin ni Jesucristo. Sabihin sa kanila kung bakit may espesyal na kahulugan sa iyo ang titulo o tungkuling iyon para sa Kanya. Para sa iba pang titulo at tungkulin, maaari mong ituon ang pansin ng mga estudyante sa resource na matatagpuan sa Ang mga Pangalan ni Cristo (churchofjesuschrist.org).

Makadama ng mas matiding hangaring madaig ang kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan, na maaaring nakita na ng mga estudyante nang pag-aralan nila ang Isaias 1. Ipabahagi sa kanila kung ano ang itinuturo sa kanila ng mga larawan tungkol sa pagsisisi at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na balikan ang Isaias 1:18 bilang paalala.

Pagkatapos magbahagi ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan mula sa Lesson 114: “Isaias 1.”

Kung taos-puso tayong magsisisi, lilinisin tayo ni Jesucristo mula sa ating mga kasalanan.

Pagkatapos ay ipakita o basahin ang sumusunod na talata at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad.

Ipagpalagay na mayroon kang kaibigan na nakadarama na hindi na siya mapapatawad ng Panginoon. Magsulat ng liham sa kaibigang iyon, at ibahagi ang natutuhan o nadama mo tungkol sa Tagapagligtas at sa pagsisisi. Tiyaking gumamit ng mga banal na kasulatan na napag-aralan mo kamakailan. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang Isaias 1:18, Isaias 53:3–5, at Jeremias 3:12–15.

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na balikan ang anumang tala na mayroon sila tungkol sa mga passage na ito at isama sa kanilang liham ang mga partikular na bagay na natutuhan nila. Maaari din nilang isaalang-alang ang kanilang natutuhan o nadama sa nakalipas na ilang linggo habang isinasaalang-alang nila ang kakayahan at kahandaan ng Tagapagligtas na patawarin tayo kapag tayo ay nagsisi.