“Pambungad sa Isaias: ‘Dakila ang mga salita ni Isaias,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pambungad sa Isaias: ‘Dakila ang mga salita ni Isaias,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Isaias 1–12: Lesson 113
Pambungad sa Isaias
“Dakila ang mga salita ni Isaias”
May napakahalagang responsibilidad ang propetang si Isaias na magturo tungkol sa pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang mensaheng ito ay para sa mga tao sa panahon ni Isaias, pati na rin para sa atin sa ating kasalukuyang panahon. Makabuluhang pag-aralan nang masigasig ang mga turo ni Isaias tungkol kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mahikayat na matuto tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Isaias.
Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na dumating sa klase na handang magbahagi ng isang mahalagang katotohanan tungkol kay Isaias. Maaari nilang hanapin ang Isaias sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Inirerekomendang aklat
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod na pahayag at pag-anyaya sa mga estudyante na pagsunud-sunurin ang mga ito mula sa pinakamalamang na mahikayat hanggang sa pinakamalamang na hindi mahikayat na basahin nila ang isang partikular na aklat.
-
Mukhang lubos na kawili-wili
-
Inirekomenda ng isang kapamilya o kaibigan
-
Itinalaga para sa isang klase sa paaralan
-
May magagandang online review
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang kanilang nangungunang dahilan at kung bakit.
Basahin ang 3 Nephi 23:1–3, at alamin ang aklat na nais ng Tagapagligtas na pag-aralan natin.
-
Ano ang naiisip ninyo tungkol sa utos ng Tagapagligtas na masigasig na saliksikin ang mga salita ni Isaias?
-
Paano maaaring makaimpluwensya ang utos ng Tagapagligtas sa paraan ng pag-aaral ninyo ng Isaias?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ipakita ang kanilang kumpiyansa sa kanilang kakayahan na masigasig na pag-aralan ang mga salita ni Isaias. Ang isang paraan upang magawa ito ay lagyan ng label ang isang pader ng silid-aralan ng “malaki ang kumpiyansa“ at ang isa pang pader ng “hindi malaki ang kumpiyansa.“ Anyayahan ang mga estudyante na tumayo sa pagitan ng mga pader ayon sa antas ng kanilang kumpiyansa. Maaaring ipaliwanag ng mga handang estudyante ang antas ng kanilang kumpiyansa.
Ibahagi sa mga estudyante na matutulungan sila ng Espiritu Santo na magkaroon ng kumpiyansa na matutulungan sila ng mga turo ni Isaias na mapalapit kay Jesucristo.
Ano ang kapaki-pakinabang na malaman tungkol sa propetang si Isaias?
Upang matulungan ang mga estudyante na bahagyang maunawaan ang tungkol sa propetang si Isaias, maaari mong ipakita ang infographic na “Ang Kaharian ng Israel at Kaharian ng Juda sa Isang Sulyap.“ Anyayahan ang mga estudyante na hanapin si Isaias.
Maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa infographic:
-
Sa anong kaharian naninirahan si Isaias? (Juda)
-
Sino pang ibang mga propeta ang nangaral sa kapanahunan ni Isaias? (Mikas, Hoseas, Jonas)
-
Anong mahalagang pangyayari ang naganap humigit-kumulang isang siglo matapos itong ipropesiya ni Isaias? (Ang Juda ay nadalang bihag ng Babilonia)
Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang mga entry para sa “Isaias“ sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang iba pang natutuhan nila tungkol kay Isaias sa kanilang paghahanda ng estudyante.
Basahin o ibuod ang sumusunod na talata.
Noong siya ay nabubuhay pa, nangaral ang propetang si Isaias sa mga taong tumalikod sa pananampalataya kay Jehova (Jesucristo). Ang mensahe ni Isaias sa kanila ay makikita sa kanyang sariling pangalan na ang ibig sabihin ay, “Ang Panginoon ay kaligtasan.“ Ang mga turo ni Isaias ay angkop din sa iba pang panahon kung kailan tatalikod ang mga tao kay Jesucristo—tulad ng panahon ni Cristo at ng kasalukuyang panahon, habang naghahanda tayo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Ang mga salita ni Isaias ay makatutulong sa atin na mas lubos na maniwala kay Jesucristo
Maaaring interesado ang mga estudyante na malaman na “Binanggit ni Jesus si Isaias ng maraming ulit kaysa sa pagbanggit sa iba pang propeta. Madalas ding banggitin si Isaias nina Pedro, Juan, at Pablo sa Bagong Tipan. Naglalaman ang Aklat ni Mormon at ang Doktrina at mga Tipan ng maraming sipi mula sa Isaias kaysa sa ibang mga propeta at naglalaan ng labis na tulong sa pagpapaliwanag ng Isaias” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan,“Isaias,” Gospel Library).
Basahin ang 1 Nephi 19:23, at alamin kung bakit binasa ni Nephi ang mga salita ni Isaias sa kanyang mga kapatid.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Kung hindi ito babanggitin ng mga estudyante, tulungan silang maunawaan ang katotohanang ito: Ang pag-aaral ng mga salita ni Isaias ay makatutulong sa atin na mas lubos na maniwala kay Jesucristo.
Maaaring magandang pagkakataon ito para pagnilayan ng mga estudyante ang kahalagahan ng mas pagkilala kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga salita ni Isaias. Ang isang paraan upang magawa ito ay anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap sa kanilang journal: “Ang mas malalim na paniniwala kay Jesucristo ay maaaring makaapekto sa buhay ko sa pamamagitan ng …“ Kapag nagkaroon na ng pagkakataon ang mga estudyante na magsulat, maaari mong anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi sa klase ang isinulat nila. Tandaan na magpasalamat sa bawat estudyanteng nagbabahagi.
Bilang alternatibo, sa halip na ipasulat sa kanila sa mga journal, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kumausap ng isang kapartner at ibahagi ang kanilang mga saloobin.
Mga pangalan at titulo ni Jesucristo
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang isa sa mga paraan kung paano tayo inaakay ni Isaias na mas lubos na maniwala kay Jesucristo ay sa pamamagitan ng pagtuturo tungkol sa Kanyang mga titulo at tungkulin. Ang isang paraan kung paano pag-aaralan ang mga titulo at tungkuling ito ay sa paggamit ng diagram. Maaari mong idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram. O, hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan silang idrowing ito sa isang papel. Isulat ang “Jesucristo“ sa bilog sa gitna. Pagkatapos ay maaaring anyayahan ang mga estudyante na isulat sa iba pang mga bilog ang mga titulo at tungkulin ni Jesucristo na natuklasan nila.
Basahin ang mga sumusunod na talata at tukuyin at pag-isipang markahan ang mga titulo o tungkulin ni Jesucristo.
-
Isaias 7:14
-
Isaias 9:6–7
-
Isaias 33:22
-
Isaias 40:28
Matapos mabasa ng mga estudyante, maaari mong ipakita ang ilang larawan ni Jesucristo na pinili mula sa media library ng Simbahan. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante kung anong mga titulo o tungkulin ang nakikita nilang naisasakatuparan sa larawan.
Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng grupo na pumili ng titulo o tungkulin at alamin pa ang tungkol dito sa pamamagitan ng paggamit ng mga footnote o paghahanap ng “Jesucristo“ sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magdagdag sa diagram sa pamamagitan ng paggawa ng mga bilog na nagmumula sa titulo o tungkulin na pinagtuunan nila. Maaari nilang ilista ang mga natutuhan nila tungkol sa titulo o tungkuling iyon. (Paalala: ang aktibidad na ito ay tutukuyin sa Lesson 133: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 8.“)
Maaari mo silang anyayahan na ibahagi sa kanilang grupo ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas.
-
Bakit kailangang gampanan ng Tagapagligtas ang isa o higit pa sa mga tungkuling ito sa inyong buhay?
-
Paano ninyo nakitang ginampanan ng Tagapagligtas ang isa sa mga tungkuling ito sa inyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala ninyo?