Seminary
Isaias 1: “Bagaman ang Inyong mga Kasalanan ay tulad ng Matingkad na Pula, ang mga Ito’y Magiging Mapuputi na parang Niyebe”


“Isaias 1: ‘Bagaman ang Inyong mga Kasalanan ay tulad ng Matingkad na Pula, ang mga Ito’y Magiging Mapuputi na parang Niyebe,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Isaias 1: ‘Bagaman ang Inyong mga Kasalanan ay tulad ng Matingkad na Pula, ang mga Ito’y Magiging Mapuputi na parang Niyebe,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Isaias 1–12: Lesson 114

Isaias 1

“Bagaman ang Inyong mga Kasalanan ay tulad ng Matingkad na Pula, ang mga Ito’y Magiging Mapuputi na parang Niyebe”

Kahit na tayong lahat ay nagkakasala at nangangailangan ng kapatawaran, kung minsan ay maaaring pinaniniwalaan nating hindi tayo mapapatawad. Malinaw ang mensahe ng ating Tagapagligtas: “bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe” (Isaias 1:18). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng kumpiyansa na malilinis sila ng Tagapagligtas mula sa kanilang mga kasalanan.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang doctrinal mastery passage na Isaias 1:18 at hanapin ang matalinghagang paglalarawan na ginamit ni Isaias. Hikayatin ang mga estudyante na magnilay at maghanda na ibahagi kung ano ang ibig sabihin ng scripture passage sa kanila. Maaari ding magsanay ang mga estudyante sa pagsasaulo ng mahalagang parirala ng banal na kasulatan na: “bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe” (Isaias 1:18).

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang bahid ng kasalanan

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na larawan o ng isang kasuotan na namantsahan.

Stain spot on the clothes, white t-shirt

Isipin ang mga pagkakataon na nagkaroon ang damit mo ng mantsa na hindi maalis.

  • Paano maihahalintulad ang ating mga kasalanan sa mga mantsa?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring isipin ng mga tao na hindi sila malilinis mula sa kanilang mga kasalanan?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahiwatig, upang mapagnilayan ng mga estudyante ang kanilang nadarama.

Pagnilayan kung alin sa mga sumusunod na pahayag ang pinakanauugnay sa iyo. Maaari mong itanong sa iyong sarili kung bakit ganoon ang nadarama mo.

  • May kumpiyansa ako na malilinis ako ng Tagapagligtas mula sa lahat ng aking kasalanan.

  • Naniniwala ako na malilinis ako ng Tagapagligtas mula sa ilan sa aking mga kasalanan, ngunit hindi ang lahat ng ito.

  • Naniniwala ako na malilinis ng Tagapagligtas ang mga kasalanan ng ibang tao, ngunit hindi ang sa akin.

  • Hindi ako naniniwala na kayang linisin ng Tagapagligtas ang mga kasalanan.

Ang isa sa maraming tungkulin ng Espiritu Santo ay magpatotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 28:11). Sa inyong pag-aaral ng Isaias 1, bigyang-pansin ang nais ng Ama sa Langit na matutuhan ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihang linisin ang mga kasalanan.

Isang bansang makasalanan

Basahin ang Isaias 1:2–4, at alamin ang espirituwal na kalagayan ng mga Israelita.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ang sumusunod ay makatutulong sa mga estudyante na matutuhan ang mahahalagang kasanayan sa pag-aaral ng Isaias.

Sa inyong pag-aaral ng mga turo ni Isaias, makatutulong na maunawaan na kadalasan ay isinusulat niya ang mga salita ng Panginoon sa anyong patula na tinatawag na parallelism. Ang parallelism ay nagagawa kapag nagpapahayag ang isang manunulat ng isang ideya at pagkatapos ay inuulit o inihahambing niya ang ideya gamit ang ibang mga salita. Halimbawa, hanapin ang magkakaugnay na parirala sa talata 2.

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga pinagsamang parirala na “Dinggin mo, O langit” at “pakinggan mo, O lupa” (Isaias 1:2). Ito ay isang halimbawa ng parallelism.

Ginamit din ni Isaias ang matalinghagang paglalarawan upang isalarawan ang kanyang mga turo. Halimbawa, basahin ang talata 3, at alamin ang iba’t ibang imahe na ginamit ni Isaias sa pagtuturo sa mga Israelita.

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang itinuro ni Isaias sa mga Israelita sa pamamagitan ng paggamit ng mga imahe ng baka at asno. Kung kinakailangan, ipaliwanag na hindi tulad ng baka at asno, hindi nakikilala ng mga Israelita ang kanilang Panginoon.

Maaari mong ibuod ang talata 5–15 sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na talata.

Binalaan ng Panginoon ang mga Israelita na ang kanilang mga kasalanan ay nagkakaroon ng masamang epekto sa kanila (tingnan sa Isaias 1:5–9). Ipinaliwanag din Niya na hindi Siya nalulugod sa kanilang mga pagsamba dahil iniaalay ang mga ito nang walang katapatan (tingnan sa Isaias 1:10–15).

Mula sa matingkad na pula na magiging maputi

Basahin ang Isaias 1:16–17, at alamin ang mga paanyaya ng Panginoon sa mga tao.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa kanila?

Basahin ang Isaias 1:18, at alamin ang pangako ng Panginoon kapag nagsisisi tayo. Mangyaring tandaan na parehong ginamit ni Isaias ang parallelism at matalinghagang paglalarawan upang ipakita ang pangakong ito.

icon ng doctrinal mastery Ang Isaias 1:18 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang matalinghagang paglalarawan na ginamit sa talata 18, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan.

  • Ano ang maituturo sa atin ng mga larawan ng matingkad na pula at mapulang-mapula tungkol sa kasalanan?

Ipinaliwanag ni Sister Sharon Eubank, na noon ay miyembro ng Relief Society General Presidency:

11:29
Official Portrait of Sister Sharon Eubank.  Photographed in 2017.

Ang tina na mapula sa Lumang Tipan ay hindi lamang matingkad kundi hindi rin ito kumukupas, ibig sabihin ang matingkad na kulay nito ay kumakapit nang husto sa lana at hindi kumukupas maraming beses man itong labhan. Ginagamit ni Satanas ang pangangatwirang ito para madama natin na hindi na tayo mapapatawad: ang maputing lana na namantsahan ng mapula ay hindi na kailanman babalik sa pagiging maputi. Ngunit ipinahayag ni Jesucristo, “Ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad,” at ang himala ng Kanyang biyaya ay na kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, ibabalik tayo ng Kanyang mapulang dugo sa kadalisayan. Hindi ito lohikal, gayunpaman ito ay totoo. (“Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 75)

  • Ano ang maituturo sa atin ng mga larawan ng niyebe at lana tungkol sa pangako ng Tagapagligtas kapag nagsisisi tayo?

  • Paano ninyo ibubuod ang talata 16–18 bilang pahayag ng katotohanan?

Magkakaiba man ang mga salitang maaaring gamitin ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kung taos-puso tayong magsisisi, lilinisin tayo ni Jesucristo mula sa ating mga kasalanan.

Ang dinanas ng Tagapagligtas upang tayo ay makapagsisi

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang naranasan ng Tagapagligtas upang malinis sila mula sa kanilang mga kasalanan. Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Maaaring basahin ng bawat magkapartner ang mga sumusunod na talata sa banal na kasulatan at talakayin ang natutuhan nila sa isa’t isa. Maaaring makatulong ang mga kasamang tanong. Pagkatapos ay maaaring magbahagi sa klase ang mga handang estudyante.

Basahin ang Alma 7:13–14 at Doktrina at mga Tipan 19:16–19, at alamin ang naranasan ng Tagapagligtas upang kayo ay makapagsisi at malinis mula sa inyong mga kasalanan.

  • Ano ang nalaman ninyo?

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga talatang ito na makatutulong sa isang tao na piliing magsisi?

    Para matulungan ang mga estudyante na madama na maaari silang linisin ng Tagapagligtas, maaari mong ipanood ang isang video, tulad ng “There Is No Limit to God’s Love” (mula sa time code na 0:00 hanggang 4:54). Makikita ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org. Maaaring isipin ng mga estudyante ang nadama ng batang babae sa video dahil sa kanyang mga kasalanan at ang katibayan ng katotohanang itinuro sa Isaias 1:18. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

    5:37

    Ang isang paraan upang maanyayahan ang Espiritu Santo ay bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataong magbahagi ng mga nadarama, patotoo, at karanasan. Ang sumusunod na tanong ay isang paraan upang magawa ito ng mga estudyante. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sagutin muna ang tanong sa kanilang journal, at pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga handang estudyante sa klase ang isinulat nila. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, ipaalala sa kanila na huwag magbahagi ng mga pangalan o ng anumang bagay na masyadong personal.

  • Ano ang nadama mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kakayahang linisin ka mula sa kasalanan?

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng iyong nadarama tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihang linisin tayo kapag nagsisisi tayo.

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Isaias 1:18 ay “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”