“Jeremias 1: ‘Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita at … Hinirang Kita,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Jeremias 1: ‘Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita at … Hinirang Kita,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20: Lesson 130
Jeremias 1
“Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita at … Hinirang Kita”
Naisip mo na ba kung ano ang nangyari sa premortal na buhay na naghanda sa iyo para sa iyong mga responsibilidad sa mortalidad? Sa premortal na buhay, nagbigay ang Ama sa Langit ng mga banal na responsibilidad na gagampanan ng Kanyang mga anak sa mortalidad. Kabilang sa mga halimbawa nito si Jesucristo (tingnan sa 1 Pedro 1:19–20) at si Jeremias (tingnan sa Jeremias 1:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng hangaring tuparin ang kanilang banal na layunin.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na may karga sila na bagong silang na sanggol at pag-isipan ang dalawang tanong na ito:
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maghandang matuto
Para matulungan ang mga estudyante na maghandang matutuhan na kilala sila ng Ama sa Langit at Siya ay mayroong banal na layunin para sa kanila, sabihin sa kanila na isipin ang sumusunod na sitwasyon. (Maaari mong i-adjust ang sitwasyon upang mas maging angkop sa iyong mga estudyante. Halimbawa, maaaring isa itong guro na humahamon sa kanila na makakuha ng isang partikular na marka sa isang mahirap na klase.)
Isipin kunwari na hinahamon ka ng isang coach na magsikap para makamit ang isang mahirap na layunin, tulad ng pagtakbo ng isang milya sa loob ng isang partikular na oras pagsapit ng itinakdang petsa.
-
Paano maaapektuhan ng mga sumusunod na sitwasyon ang iyong hangaring maisakatuparan ito at ang iyong kumpiyansa na makakamit mo ito?
-
Ang coach, na lubos na nakakakilala sa iyo, ay matagal mo nang nakasama sa paglalaro at iniakma niya ang hamon na partikular sa iyo.
-
Isang bagong coach na hindi ka kilala na nagbigay ng parehong hamon sa buong team.
Ipakita ang sumusunod na self-assessment para matulungan ang mga estudyante na pagnilayan kung gaano sila lubos na nakikilala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nalalaman ang kanilang banal na layunin. (Paalala: Aanyayahan ang mga estudyante na balikan ang self-assessment na ito sa Lesson 148: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 9.”)
Paano mo susuriin ang iyong sarili (1 – totoo sa akin; 10 – hindi totoo sa akin) gamit ang mga sumusunod na pahayag? Isulat sa iyong study journal kung bakit ganoon ang rate mo sa bawat pahayag.
-
Naniniwala ako na mas kilala ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kaysa sa sinumang nakakakilala sa akin.
-
Naniniwala ako na binigyan Nila ako ng banal na layunin na magagawa ko sa tulong Nila.
-
Gusto kong malaman at matupad ang banal na misyon na ibinigay sa akin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Sabihin sa mga estudyante na bigyang-pansin ang mga naiisip at nadarama nila mula sa Espiritu Santo habang mas marami pa silang natututuhan tungkol sa kanilang banal na layunin.
“Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita at … hinirang kita”
Para matulungan ang mga estudyante na makaugnay kay Jeremias, maaari mong itanong sa kanila kung ano ang madarama nila kung hihilingin sa kanila ng Panginoon na gumawa ng mahirap na bagay, tulad ng pagsasalita sa simbahan, pagtuturo ng lesson, paglilingkod sa misyon, at iba pa.
Maaaring ganoon din ang nadama ni Jeremias nang tawagin siya ng Panginoon na maglingkod bilang propeta sa kaharian ng Juda. Maaaring interesado ang mga estudyante na malaman na si Jeremias ay nagpropesiya sa Jerusalem kasabay ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 7:14).
Ang Jeremias 1:4–5 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Jeremias 1:4–5 at ang sumusunod na pahayag mula kay Pangulong Russell M. Nelson. Pagkatapos, ibuod kung ano ang natutuhan mo tungkol sa ating ugnayan sa Panginoon.
Ang inyong espiritu ay walang hanggang nilalang. Sinabi ng Panginoon sa Kanyang propetang si Abraham: “Ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang” (Abraham 3:23). Kahalintulad nito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias at maraming iba pa. Sinabi niya ito maging sa inyo.
Matagal na kayong kilala ng inyong Ama sa Langit. Kayo, bilang Kanyang anak na lalaki o anak na babae, ay pinili Niyang isilang sa mundo sa panahong ito mismo, upang maging mga pinuno sa Kanyang dakilang gawain sa mundo. Pinili kayo hindi dahil sa mga katangian ng inyong katawan kundi dahil sa inyong espirituwal na mga katangian. … (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 107)
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa Jeremias 1:4–5 at sa pahayag ni Pangulong Nelson?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, tulungan silang matukoy na bago tayo isinilang, kilala na tayo ng Panginoon at binigyan Niya tayo ng mga partikular na responsibilidad na gagampanan sa mortalidad.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magtanong ng anumang tanong na mayroon sila tungkol sa katotohanang ito. Kung magtatanong sila ng mga bagay na hindi pa malinaw na sinagot ng Panginoon, pasalamatan sila para sa kanilang mga pinag-isipang tanong, ngunit maging maingat at huwag magbigay ng mga haka-hakang sagot.
Maaaring makatulong ang mga pahayag sa Karagdagang Resources sa pagsagot sa mga tanong ng estudyante.
Para sa mga halimbawa ng iba pang mga tao na tinawag para gampanan ang mga partikular na responsibilidad sa mortalidad, maaaring basahin ng mga estudyante ang isa o mahigit pa sa sumusunod: Lucas 1:13–17, 1 Nephi 11:14–20, Mosias 3:5–10, Doktrina at mga Tipan 138:53–56.
Batay sa mga tanong at pangangailangan ng iyong mga estudyante, pumili ng isa o mahigit pa sa sumusunod na tatlong bahagi ng lesson na sa tingin mo ay pinakamakatutulong sa kanila.
Opsiyon 1: Ang mga pangako ng Panginoon
Para sa susunod na pag-aaral ng banal na kasulatan, maaari mong anyayahan ang kalahati ng klase na markahan ang payo na ibinigay ng Panginoon at para sa natitirang kalahati ng klase, mamarkahan naman nila ang mga pangakong ginawa ng Panginoon. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na maghanap ng pagbabahagiang ka-partner na nagmarka ng ibang bagay.
Pagkatapos ay talakayin ang sumusunod na tanong sa ibaba bilang isang klase.
Basahin ang Jeremias 1:6–9, 17–19 at markahan ang payo at pangakong ibinigay ng Panginoon bilang tugon sa pakiramdam ni Jeremias na may kakulangan siya.
-
Paano maaaring nakatulong ang mga pangako ng Panginoon kay Jeremias na makita niya ang kanyang tungkulin nang may walang-hanggang pananaw?
-
Ano ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias na makatutulong sa mga kabataan ngayon sa mga responsibilidad na ibinigay sa inyo ng Panginoon?
Opsiyon 2: Mahalagang malaman ang aking banal na layunin
Para matulungan ang mga estudyante na makadama ng hangaring alamin at isakatuparan ang kanilang banal na layunin, maaari mong ipanood ang “Ang Piling Henerasyon,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 5:43 hanggang 7:14. Ipinapakita nito kung paano pinagpala ang isang binatilyo sa pamamagitan ng pag-alam ng kanyang banal na layunin.
-
Paano makatutulong sa inyo na nalalaman ninyo kung anong mga banal na responsibilidad ang ibinigay sa inyo ng Panginoon?
Opsiyon 3: Pag-alam sa aking banal na layunin
Sabihin sa mga estudyante na mag-brainstorm sa maliliit na grupo ng iba’t ibang sagot sa mga sumusunod na tanong hangga’t makakaya nila sa loob ng dalawang minuto. Pagkatapos, anyayahan silang ilista sa pisara ang mga ideyang naisip nila.
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga sagot tulad ng pagbabasa ng mga patriarchal blessing, panalangin, personal na paghahayag, pakikipagsanggunian sa mga mahal sa buhay, at pagtupad sa mga tungkulin.
-
Paano ko malalaman ang tungkol sa mga banal na responsibilidad na ibinigay sa akin ng Panginoon?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag. Anyayahan ang bawat grupo na pumili ng isa sa apat na mungkahi ni Elder Pingree at talakayin kung paano makatutulong sa isang tinedyer ang pagsunod sa mungkahing iyon para maunawaan ang mga banal na responsibilidad na ibinigay sa kanila ng Ama sa Langit.
Ibinahagi ni Elder John C. Pingree Jr. ng Pitumpu ang apat na bagay na magagawa natin para maunawaan ang mga responsibilidad na ibinigay sa atin ng Panginoon:
Una, pagtuunan ng pansin ang iba. …
Pangalawa, tuklasin at pagbutihin ang mga espirituwal na kaloob. …
Pangatlo, gamitin ang natutuhan mula sa paghihirap. …
At pang-apat, umasa sa Diyos. Kapag humihingi tayo sa Kanya nang may pananampalataya at may tunay na layunin, ipahahayag Niya ang mga banal na gawain natin. (“Ako ay May Gawain Para sa Iyo,” Liahona, Nob. 2017, 33–34)
Kilala ako ng Panginoon
Upang matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila ngayon, anyayahan silang gawin ang sumusunod. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na maaari nilang matanggap mula sa Espiritu Santo kapag ginagawa nila ito.
Gamit ang natutuhan mo ngayon, magsulat ng mensahe sa iyong sarili sa hinaharap sa iyong study journal. Isulat kung ano ang gusto mong maalala tungkol sa nalalaman ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa iyo at sa mga banal na responsibilidad na ibinigay Nila sa iyo.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Jeremias 1:4–5 ay “Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay … hinirang kitang propeta sa mga bansa.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”