Seminary
Jeremias 16: “Ibabalik Ko Sila”


“Jeremias 16: ‘Ibabalik Ko Sila,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Jeremias 16: ‘Ibabalik Ko Sila,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20: Lesson 132

Jeremias 16

“Ibabalik Ko Sila”

Men and women sharing the book of Mormon with another person as they walk.

Iniuutos sa atin ng Tagapagligtas na makibahagi sa pinakadakilang gawain sa mundo ngayon: ang pagtitipon ng Israel, na kasama ang pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo. Dahil napakahalaga ng pagtitipon ng Israel, binigyang-inspirasyon ng Tagapagligtas ang mga sinaunang propeta tulad ni Jeremias na magpropesiya tungkol dito libu-libong taon na ang nakalilipas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makibahagi sa pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga alalahanin na posibleng magkaroon ang mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw sa pagbabahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at ang mga paraan para madaig ang mga alalahaning iyon. Maaari silang maghandang magbahagi sa klase ng mga naisip nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapatalakay sa mga estudyante ng sumusunod na tanong. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mong ipaalala sa kanila ang mga himalang napag-aralan nila sa Lumang Tipan. (Huwag pahabain ang talakayang ito para magkaroon ka ng sapat na oras para sa lesson.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ilan sa mga pinakadakilang himala o pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos?

Kung hindi binanggit ng mga estudyante ang paghahati ng Dagat na Pula, maaari kang magpakita ng larawan ni Moises at ng Dagat na Pula. Ipaliwanag na dahil lubos na mahimala ang pangyayaring ito, binabanggit ito ng mga tao dito sa loob ng maraming siglo kapag nagtuturo sila tungkol sa malakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas (tingnan sa Mga Hebreo 11:29; 1 Nephi 4:2; Helaman 8:11).

Isipin ang mga kamangha-manghang himalang ginawa noon ng Diyos habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Napakaraming magagandang bagay na mangyayari. Sa mga darating na araw, masasaksihan natin ang mga pinakadakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na hindi pa nasasaksihan ng mundo kailanman. (“Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95)

Basahin ang Jeremias 16:14–15, at alamin ang isang bagay na gagawin ng Tagapagligtas sa mga huling araw na magiging mas mahalaga pa kaysa sa Kanyang pagliligtas sa Israel mula sa Egipto.

  • Ano ang nalaman ninyo?

    Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong ipaliwanag na sa mga talatang ito, ipinropesiya ni Jeremias ang tungkol sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw.

    Kung kinakailangan, ipaliwanag na itinuro ni Pangulong Nelson na ang ibig sabihin ng pagtitipon ng Israel ay “ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing” (sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library). Ang lesson na ito ay nakatuon sa pagtitipon ng Israel sa bahaging ito ng tabing.

  • Kapag iniisip ninyo ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak, bakit maaaring higit na mas malaking himala ang pagtitipon ng Israel kaysa sa pagliligtas sa Israel mula sa Egipto?

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Mahalaga ba sa iyo ang pagtitipon ng Israel? Bakit oo o bakit hindi?

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa pakikibahagi rito?

Tulad ng ginawa Niya sa pamamagitan ni Moises, maipapakita ng Tagapagligtas ang Kanyang mahimalang kapangyarihan sa pamamagitan mo kapag nakikibahagi ka sa pagtitipon ng Israel. Sa pag-aaral mo ng Jeremias 16 ngayon, bigyang-pansin ang anumang impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu Santo. Pagnilayan kung paano ka magagamit ng Tagapagligtas sa dakilang pagtitipon na ito.

Pagkalat at pagtitipon

Sa Jeremias 16:10–18, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Jeremias na ipropesiya ang pagkawasak ng mga Israelita, na nangyari dahil sa kanilang pagsuway. Itinuro sa kanila ng Panginoon na “[hindi] nalilingid ang kanilang kasamaan sa harap ng [Kanyang] mga mata” (talata 17) at magpapadala Siya sa kanila ng makatarungang parusa kung patuloy silang susuway.

Basahin ang Jeremias 16:13, at alamin ang mga kahihinatnan na mararanasan ng mga Israelita dahil sa kanilang kasamaan.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ipinropesiya ni Jeremias na ikakalat ng Diyos ang mga Israelita sa Jerusalem sa iba’t ibang lupain dahil sa kanilang pagsuway. Natupad ito nang maraming Israelita ang dinalang bihag sa Babilonia. Sa panahong ito, ikinalat din ng Panginoon ang mabubuting tao, tulad ni Lehi at ng kanyang pamilya, na inakay sa kontinente ng Amerika upang mailigtas ang kanilang buhay mula sa masasamang tao (tingnan sa 2 Nephi 10:20–21).

Sa Jeremias 16:14–15, ipinropesiya ni Jeremias na sa mga huling araw, ipapakita ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihang tipunin ang Israel pabalik sa Kanya at sa Kanyang Simbahan.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod sa kapartner o sa maliit na grupo.

Basahin ang Jeremias 16:16, at alamin ang mga paghahambing ng Panginoon tungkol sa mga taong tumutulong sa pagtitipon ng Israel.

  • Bakit magandang paghahambing ang pangingisda at pangangaso para sa mga taong tumutulong sa pagtitipon ng Israel?

  • Ano ang natututuhan mo tungkol sa ating tungkulin sa pagtitipon ng Israel?

Kasama ng iba pang katotohanan na maaaring ibahagi ng mga estudyante, tulungan silang makita na tinatawag tayo ni Jesucristo para hanapin ang nakalat na Israel at ibalik sila sa Kanya.

Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa dakilang pagtitipon na ito:

13:47
Official Portrait (as of June 2016) of Elder Ronald A. Rasband of the Quorum of the Twelve Apostles.

Ang pagtitipon na ito ang pinakapatunay na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” [Doktrina at mga Tipan 18:10]. Ganoon lang iyon kasimple. Tinitipon natin ang mga anak ng Diyos sa mga huling araw na ito upang ang mga “dakilang pagpapala [ay maibuhos] sa kanilang mga ulo” [3 Nephi 10:18] at matanggap nila ang mga pangako ng “mga kayamanan ng kawalang-hanggan” [Doktrina at mga Tipan 78:18]. Kung kaya’t upang matipon ang Israel, kailangan natin ng mga missionary. (“Anong Laki ng Inyong Kagalakan,” Liahona, Nob. 2023, 52)

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng pahayag ni Elder Rasband tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Pakikibahagi sa pagtitipon

Maaaring magbigay ang mga estudyante ng mga sagot sa sumusunod na tanong. Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na ilista ang mga sagot na ito sa pisara.

  • Ano kaya ang mga alalahanin ng mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at pagtitipon ng Israel?

Upang matulungan ang mga estudyante na matugunan ang mga alalahaning ito, maaari mong ipakita ang mga tagubilin sa ibaba.

Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo, kung saan ang bawat estudyante ay magtutuon sa ibang opsiyon sa pag-aaral. Kapag natapos na sila, maaari nilang ituro sa isa’t isa ang natutuhan nila.

Pumili ng isa sa mga sumusunod na opsiyon sa pag-aaral. Maghandang ibahagi kung aling alalahanin o mga alalahanin ang nadarama mong pinakamahusay na natutugunan ng scripture passage at kung bakit.

  1. Basahin ang Jeremias 1:6–9, at alamin ang sinabi ng Panginoon nang tawagin Niya si Jeremias para ibahagi ang ebanghelyo.

  2. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 123:12, 16–17, at alamin ang itinuro ni Joseph Smith sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw na may kaugnayan sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

  3. Basahin ang Moises 6:32–34, at alamin ang sinabi ng Panginoon nang tawagin Niya si Enoc para ibahagi ang ebanghelyo.

  4. Maghanap ng ibang banal na kasulatan na sa palagay mo ay makatutulong sa alinman sa mga alalahanin sa pisara.

Maaaring talakayin ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong bilang klase o nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

  • Habang pinag-aaralan at sinusubukan mong lutasin ang isang alalahanin sa pisara, ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Paano makakaapekto ang natutuhan mo tungkol sa Kanya sa iyong hangaring ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba?

Gumawa ng plano

Ihanda ang mga estudyante na gumawa ng plano sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Halimbawa, maaari kang magpanood ng video tulad ng “Mga Simpleng Paraan para Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya” (2:50), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga paraan kung paano nila maibabahagi ang ebanghelyo. Pagkatapos ay maaari silang magbahagi ng mga karagdagang paraan na maiisip nila.

2:50
  • Ano ang mga naranasan mo o ng mga taong kakilala mo sa pagbabahagi sa iba ng ebanghelyo ng Tagapagligtas?

Maaari mong ibahagi ang anumang karanasan mo. Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na pahayag upang makasangguni rito ang mga estudyante habang ginagawa nila ang kanilang plano.

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na paanyaya:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Walang nangyayari sa daigdig na ito na mas mahalaga pa kaysa sa pagtitipon ng Israel para sa Kanya. Ipaalam sa inyong Ama sa Langit na gusto ninyong tumulong. Hilingin sa Kanya na patulungin kayo sa maluwalhating layuning ito. (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], Gospel Library)

Sa iyong study journal, gumawa ng personal na plano sa pagbabahagi sa iba ng ebanghelyo ng Tagapagligtas. Bago gawin ang planong ito, maaari mong sundin ang paanyaya ni Pangulong Nelson na mapanalanging magpahayag sa Ama sa Langit ng iyong mga hangarin na tumulong sa pagtitipon ng Israel.

Maaari mong isama sa iyong plano ang anumang impresyon mula sa Espiritu Santo na maaaring natanggap mo. Halimbawa, maaari mong isama kung sino ang gusto mong pagbahaginan ng ebanghelyo, tulad ng mga indibiduwal na hindi miyembro ng Simbahan o ng mga hindi aktibong nakikibahagi sa Simbahan. Maaari mo ring isama kung paano at kailan ka maaaring magbahagi sa kanila.

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagsasabi ng iyong nadarama tungkol sa Tagapagligtas at tungkol sa pagtulong na dalhin ang mga kaluluwa sa Kanya.