Seminary
Jeremias 2–3: “Manumbalik Ka … Sapagkat Ako’y Maawain, Sabi ng Panginoon”


“Jeremias 2–3: ‘Manumbalik Ka … Sapagkat Ako’y Maawain, Sabi ng Panginoon,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Jeremias 2–3: ‘Manumbalik Ka … Sapagkat Ako’y Maawain, Sabi ng Panginoon,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20: Lesson 131

Jeremias 2–3

“Manumbalik Ka … Sapagkat Ako’y Maawain, Sabi ng Panginoon”

Jesus Christ

Katulad ng panahon ngayon, malakas ang makamundong impluwensya noong panahon ni Jeremias. Marami sa mga tao ng Panginoon ang tumalikod sa Kanyang mga turo at kalaunan ay nasakop ng kanilang mga kaaway. Sa kabila ng kanilang kasamaan, ipinadala si Jeremias upang ituro na inaanyayahan pa rin sila ng Diyos na bumaling sa Kanya at gumaling. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapasidhi ang kanilang hangaring bumaling sa Tagapagligtas para sa awa at pagpapagaling.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng isang banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa mga pagpapala ng pagsisisi. Maaari silang maghandang magbahagi kung bakit makabuluhan sa kanila ang mga pagpapalang iyon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Tipunan ng tubig na hindi malagyan ng tubig

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kalagayan ng mga tao noong panahon ni Jeremias, ipaliwanag na madalas tayong tinutulungan ng Panginoon na makita ang mga espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng paghahambing ng mga ito sa mga bagay na pamilyar sa atin.

Maaari kang magdala sa klase ng isang pitsel ng tubig, isang palanggana o malaking mangkok, at isang basong may ilang maliliit na butas sa ilalim.

Itaas ang pitsel ng tubig habang binabasa ng mga estudyante ang sumusunod na talata.

Basahin ang Jeremias 2:13, at alamin ang titulo ng Tagapagligtas na maaaring kumatawan sa tubig. (Ang “tipunan” ay isang lugar sa ilalim ng lupa na ginawa para mag-imbak ng tubig.)

Photo of a cistern in Masada.
  • Ano ang maituturo sa atin ng titulong “bukal ng mga tubig na buhay” tungkol kay Jesucristo?

    Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga bagay tulad ng si Jesus ay palaging source ng pagiging malinis at espirituwal na kasiglahan.

    Sabihin sa isang estudyante na hawakan ang baso sa ibabaw ng palanggana (para matiyak na hindi matatapon ang tubig) at magbuhos ng kaunting tubig sa baso mula sa pitsel. Maaaring makatulong sa mga estudyante na muling tingnan ang talata 13 bago itanong ang isa o ang lahat sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang maaaring kinakatawan ng pagbuhos ng tubig sa baso mula sa talata?

  • Ano ang maituturo sa atin ng mga butas sa mga tipunan ng tubig tungkol sa espirituwal na kalagayan ng mga tao noong panahon ni Jeremias?

Ibahagi sa mga estudyante na ang mga tao sa panahon ni Jeremias ay bumaling sa mga bagay ng mundo, tulad ng mga diyus-diyusan sa halip na sa Panginoon, para sa layunin at lakas sa kanilang buhay.

Pagnilayan sandali kung gaano kayo nagkukusang bumaling kay Jesucristo para sa layunin at lakas sa inyong buhay. Habang nag-aaral kayo ngayon, maging bukas sa mga impresyon o damdamin mula sa Espiritu Santo tungkol sa pagbaling sa Tagapagligtas sa halip na sa ibang mga source para sa mga pagpapala at pagpapagaling.

Pakiramdam na malayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Upang matulungan ang mga estudyante na makaugnay sa sumusunod na sitwasyon, maaari kang magpakita ng larawan ng isang kabataan tulad ng nakapakita rito. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng pangalan at ilang detalye tungkol sa kanya.

Isipin kunwari na may isang binatilyo sa inyong klase sa seminary na nadarama na tila isang sirang tipunan ng tubig ang kanyang buhay dahil sa mga maling desisyong nagawa niya noon. Pakiramdam niya ay malayo siya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at hindi siya umaasa na bubuti pa ang kanyang sitwasyon.

Young Man Outside

Basahin ang Jeremias 3:12–15, 22, at alamin ang mga paglalarawan tungkol kay Jesucristo na makatutulong kapag naunawaan ng kabataang ito. (Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng “taksil” sa mga talatang ito ay walang pananampalataya o alibugha.)

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga paraan para makumpleto ang pahayag gamit ang mga salita o parirala mula sa mga talata.

Para sa mga nagsisisi at bumabaling sa Panginoon, Siya ay …”

Maaaring kabilang sa mga sagot ang magiging “maawain,” “hindi [maga]galit,” (talata 12), “dadalhin kayo sa Sion,” (talata 14), “bibigyan kayo ng mga pastol (mga lider) na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa,” (talata 15), “pagagalingin ang inyong kataksilan,” (talata 22), at iba pa.

Maaaring makatulong na maglaan ng ilang oras sa pagtalakay ng anumang parirala mula sa mga talatang ito kung saan maaaring may mga tanong ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang journal ang isa o dalawang parirala na sa tingin nila ay makatutulong para maunawaan ng binatilyo sa sitwasyon ang tungkol kay Jesucristo. Ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataon na ibahagi ang pipiliin nila kalaunan.

Awa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Para matulungan ang mga estudyante na madagdagan ang kanilang tiwala sa hangarin ng Panginoon na pagpalain at pagalingin ang mga bumabaling sa Kanya, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag.

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pagalingin ang mga nagsisisi:

Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006.Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008.Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Sino sa atin ang hindi lumisan sa landas ng kabanalan, na hangal na nag-aakalang mas liligaya tayo sa sarili nating makasariling paraan?

Sino sa atin ang hindi nakadama ng pagpapakumbaba, nabagbag ang puso, at naging desperado na mapatawad at kaawaan?

Marahil ay iisipin pa ng ilan, “Posible pa kayang bumalik? Habang panahon ba akong babansagan, tatanggihan, at iiwasan ng mga dati kong kaibigan? Mas mabuti pa kaya na manatili na lamang na nawawala? Paano tutugon ang Diyos kung susubukan kong bumalik?”…

Patakbo tayong sasalubungin ng ating Ama sa Langit, na puspos ng pagmamahal at habag ang Kanyang puso. …

Pinatototohanan ko na sa sandaling magpasiya kayong bumalik at lumakad sa landas ng ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Kanyang kapangyarihan ay papasok sa inyong buhay at magbabago ito. (“Ang Alibugha at ang Daan Pauwi,” Liahona, Nob. 2023, 88)

Isulat sa inyong journal ang mga natutuhan ninyo mula sa pahayag na ito na magpapala sa binatilyo sa sitwasyon. Magkakaroon kayo ng pagkakataong ibahagi ang mga ito kalaunan.

Kung hindi mo ginamit ang video na “The Savior Wants to Forgive” sa Lesson 77: “2 Samuel 11–12,” maaari itong ipalabas dito bilang halimbawa ng pagmamahal at hangarin ng Panginoon na pagpalain at pagalingin ang lahat ng babaling sa Kanya.

5:50

Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang “Ang Himala ng Pagbabayad-sala” ni Elder C. Scott Grow ng Pitumpu, mula sa time code na 0:20 hanggang 2:12 (Liahona, Mayo, 2011, 108).

10:27

Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo.

  • Ano ang nakita mo sa buhay ng taong ito na maihahambing sa baso na may mga butas at sa pitsel ng tubig sa simula ng klase?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa buhay ng taong ito?

Maaaring idagdag ng mga estudyante sa kanilang journal ang anumang naiisip nila na makatutulong sa binatilyo sa sitwasyon.

Pangwakas

Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring maging magandang pagkakataon para sa mga estudyante na madamang nagpapatotoo ang Espiritu Santo sa sinasabi nila at sa naririnig nila mula sa ibang estudyante.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin. (Ang unang punto sa ibaba ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na ibahagi ang ginawa nila para sa kanilang paghahanda bago magklase.)

Maghandang ibahagi ang sasabihin mo sa binatilyo sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagrerebyu sa isinulat mo sa iyong journal. Maaari mo ring isama ang mga sumusunod:

Isang bagay mula sa isa pang banal na kasulatan o kuwento sa banal na kasulatan na nagpapakita ng mga pagpapala ng pagsisisi (Maaari mong hanapin ang magsisi, pagsisisi sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

Ang iyong nadarama tungkol sa pagmamahal at hangarin ng Tagapagligtas na tulungan ang lahat ng babaling sa Kanya

Matapos ang sapat na oras na makapaghanda ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi sa kapartner o sa maliliit na grupo ang mga naisip nila.

Kapag nagkaroon na ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi, maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilang boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na maaaring makaimpluwensya sa iyong hangaring bumaling sa Tagapagligtas para sa Kanyang awa at pagpapagaling?