Seminary
Isaias 53: “Pinasan ni Jesucristo ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan“


“Isaias 53: ‘Pinasan ni Jesucristo ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Isaias 53: ‘Pinasan ni Jesucristo ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Isaias 50–57: Lesson 124

Isaias 53

“Pinasan [ni Jesucristo] ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan“

Jesus Christ Carries His Cross through the streets on His way to be crucified on Calvary Hill. An angel shows this experience to Nephi after he inquires about Lehi's vision.

Ang ating mga mortal na paghihirap ay maaaring magpaisip sa atin kung may nakauunawa sa ating nararanasan at kung may makatutulong sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, nadama ni Jesucristo ang lahat ng maaari nating maranasan sa mortalidad. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, matutulungan tayo ni Jesucristo sa ating pagdurusa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng pasasalamat sa nagawa ng Tagapagligtas para sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na sikaping isaulo ang doctrinal mastery reference na Isaias 53:3–5 at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan na “Tunay na pinasan [ni Jesucristo] ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan.“

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga karanasan sa buhay

Upang matulungan ang mga estudyante na isaalang-alang ang naranasan ni Jesucristo para sa kanila bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari mong isulat sa pisara ang “Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.”

  • Ano ang ilang karanasan ng mga tao na maaaring maging dahilan para mag-isip sila nang ganito?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Bigyan ng oras ang ilang estudyante para magbahagi.

Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na prompt at mga tanong.

Pag-isipan ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang mga naranasan ko o maaaring nararanasan ko na maaaring maging dahilan para mag-isip ako nang ganito?

  • Ano ang gagawin ko kapag ganito ang nadama ko? Bakit?

Hikayatin ang mga estudyante na anyayahan ang Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral habang natututuhan nila ang tungkol sa naranasan ng Tagapagligtas at kung paano Niya sila matutulungan.

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, lubos na alam at nauunawaan ni Jesucristo ang ating mga karanasan sa buhay. Sa Isaias 53, itinuro ng propetang si Isaias ang tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.

icon ng doctrinal mastery Ang Isaias 53:3–5 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.

Ang mga estudyante ay makatatanggap ng kapanatagan at mapapalalim ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Isaias 53. Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan kung paano mo mahihikayat ang mga estudyante na pag-aralan ang Isaias 53.

Basahin ang Isaias 53:1–12 at Alma 7:11–13, at alamin ang sumusunod:

  • Ang naranasan ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, at

  • Ang magagawa ng Tagapagligtas para sa akin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Maaari kang gumawa ng dalawang column sa isang blangkong pahina sa iyong study journal upang isulat ang iyong malalaman.

Ang naranasan ng Tagapagligtas

Ang magagawa ng Tagapagligtas para sa akin

icon ng seminary Maaaring mahirapan ang mga estudyante na unawain ang ilan sa mga salita at parirala sa Isaias 53. Kung gayon, maaari mong ipakita ang kalakip na handout na may pamagat na “Pag-unawa sa Isaias 53“ o ibigay ito para gawing sanggunian ng mga estudyante habang nag-aaral sila. Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumamit ng mga footnote o diksyunaryo para maging malinaw ang mga hindi pamilyar na salita o parirala.

Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Alma 7:12, maaaring makatulong sa kanila na malaman na maaaring ilarawan ng salitang tutulungan kung paano nagmamalasakit sa atin ang Tagapagligtas. “Ang ibig sabihin ng tumulong ay ‘lumapit sa’” (Jeffrey R. Holland, “He Hath Filled the Hungry with Good Things,” Ensign, Nob. 1997, 66).

Pagkatapos bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para mag-aral, hatiin sila sa maliliit na grupo. Anyayahan silang talakayin at ibuod ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral. Maaaring ibahagi sa klase ng ilang grupo ang kanilang mga buod. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng:

  • Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang ating mga kalungkutan, sakit, karamdaman, paghihirap, at dalamhati, at nagdusa para sa ating mga kasalanan.

  • Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, mapapatawad at mapapagaling tayo.

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay para sa akin

Basahing muli ang Isaias 53:3–6 nang tahimik at nang mag-isa, ngunit sa pagkakataong ito, ipalit ang iyong pangalan, ako, o akin sa mga salitang atin, kami, at tayo.

  • Ano ang natutuhan mo o ano ang napansin mo na hindi mo napansin noon sa pamamagitan personal na pag-aangkop ng mga talatang ito?

Kung makikinabang ang mga estudyante sa karagdagang pag-aaral tungkol sa kung paano personal na naranasan ng Tagapagligtas ang ating pagdurusa bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar. Maaari mong ipakita ang pahayag ni Elder Bednar at anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga salita o parirala sa pahayag na makatutulong sa kanila na maunawaan ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naging lubos na personal ang sakripisyo ng Tagapagligtas:

16:23
Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Walang sakit ng katawan, walang espirituwal na sugat, walang paghihirap ng kaluluwa o sakit ng kalooban, walang karamdaman o kahinaan na nararanasan natin sa buhay na ito na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Sa sandali ng kahinaan maaari nating ibulalas, “Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakakaunawa.” Ngunit lubos itong nalalaman at nauunawaan ng Anak ng Diyos, dahil naranasan at pinasan na Niya ang mga pasanin ng bawat isa sa atin. At dahil sa Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo (tingnan sa Alma 34:14), ganap ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya sa atin ang Kanyang bisig ng awa. Maaabot, maaantig, matutulungan, mapapagaling, at mapapalakas Niya tayo nang higit kaysa makakaya natin at matutulungan Niya tayong gawin ang hinding-hindi natin makakayang gawing mag-isa. (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 90)

  • Ano ang sasabihin mo sa isang taong nakakaramdam na walang nakakaunawa sa kanyang pinagdaraanan? Subukang gamitin ang mga salita o parirala mula sa Isaias 53, Alma 7:11–13, at ang pahayag ni Elder Bednar.

Pagninilay tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pasasalamat para sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Tulungan ang mga estudyante na tumugon sa mga tanong sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ilang minuto upang pagnilayan o isulat ang kanilang mga sagot.

Ang pagbibigay ng oras sa mga estudyante na mag-isip ay makatutulong sa kanila na pagnilayan ang kanilang ugnayan kay Jesucristo. Maaari kang magpatugtog ng tahimik at sagradong musika habang pinagninilayan o isinusulat ng mga estudyante ang kanilang mga saloobin.

Gamit ang natutuhan mo ngayon tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Bakit si Jesucristo ang pinakanaaangkop na taong lalapitan kapag nakararanas ka ng kalungkutan, dalamhati, o sakit?

  • Paano mo nadama o ng isang taong kakilala mo ang pagpapanatag ng Tagapagligtas habang dumaranas ng kalungkutan, dalamhati, o sakit?

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang naisip. Habang nagbabahagi sila ng mga karanasan, maging sensitibo at mapanghikayat.

Sa pakikinig sa karanasan ng iba, maaaring maging handa ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang sariling karanasan. Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan o panoorin ang “He Will Give You Help“ (4:43), na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org. Ipinapakita ng video na ito kung paano nakahanap ng tulong ang isang binatilyo para malampasan ang pagdadalamhati sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

4:43

Pasalamatan ang mga estudyante sa pagbabahagi ng kanilang mga naisip at nadama. Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga naisip at nadama tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Isaiah 53:3–5 ay “Tunay na pinasan [ni Jesucristo] ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan.“ Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”