“Isaias 54: ‘Titipunin Kita sa Pamamagitan ng Malaking Pagkahabag,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Isaias 54: ‘Titipunin Kita sa Pamamagitan ng Malaking Pagkahabag,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Isaias 50–57: Lesson 125
Isaias 54
: “Titipunin Kita sa pamamagitan ng Malaking Pagkahabag”
Maaaring madama ng mga tao na kinalimutan at nag-iisa sila kung minsan. Kung minsan, maaaring isipin ng mga tao na hindi sila tutulungan ng Diyos. Dahil nilabag ng sambahayan ni Israel ang tipan na ginawa nila kay Jehova, sila ay ikinalat. Maaaring nadama nila na kinalimutan sila ng Diyos. Gayunpaman, sa pamamagitan ni propetang Isaias, pinaalalahanan ng Panginoon ang Kanyang pinagtipanang tao, noon at ngayon, na titipunin Niya sila nang may mga malaking pagkahabag at bibigyan sila ng kapayapaan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal at pangako ng Tagapagligtas sa kanila.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Isaias 54, at maghanap ng mga salita at parirala na ibabahagi nila sa isang tao na nadaramang nag-iisa siya o kinalimutan siya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pakiramdam na kinalimutan
Maaari mong simulan ang klase sa sumusunod na sitwasyon. Maaaring pumili ang mga estudyante ng bersyon ng sitwasyon na pagtutuunan nang mag-isa o pumili ng bersyon na para sa buong klase. Ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataong tumugon sa sitwasyon na kanilang pinili sa huling bahagi ng lesson.
Pakiramdam ni Carlos ay nag-iisa at kinalimutan siya dahil …
-
Nagkasala siya at hindi siya naniniwala na patatawarin siya ng Diyos sa kanyang nagawa.
-
Kamakailan ay lumipat siya sa isang bagong lugar at nahihirapan siyang makipagkaibigan.
-
Pakiramdam niya ay hindi dinidinig ang kanyang mga panalangin.
Isipin kung ano ang maaari mong sabihin kay Carlos upang matulungan siya. Pagnilayan kung ano ang gusto mong malaman niya tungkol kay Jesucristo.
Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na isipin ang kanilang mga kalagayan at kung paano sila tumugon kung madama nilang nag-iisa o kinalimutan sila.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Isaias 54, maaari mong ipakita sa mga estudyante ang larawan, “Ang Kaharian ng Israel at Kaharian ng Juda sa Isang Sulyap“ habang ipinapaliwanag mo ang sumusunod na talata (tingnan din sa Lesson 88: 2 Mga Hari 17; 24–25).
Sa buhay ni Isaias, nasaksihan niya ang pagkalat ng Hilagang Kaharian ng Israel dahil sa kasamaan nito (tingnan sa 2 Mga Hari 17:6–23). Ipinropesiya rin niya na dahil sa kasamaan ng Katimugang Kaharian ng Juda, ito rin ay masasakop (tingnan sa Isaias 39:5–7). Dahil dito, marami sa sambahayan ng Israel ang maaaring nakadama na kinalimutan sila ng Diyos.
Sa Isaias 54, ipinropesiya ni Isaias ang gagawin ng Panginoon para sa Kanyang mga pinagtipanang tao. Kalaunan ay ginamit ng Tagapagligtas ang kabanatang ito para turuan ang mga Nephita kung paano Niya titipunin ang Israel sa mga huling araw (tingnan sa 3 Nephi 22).
Habang pinag-aaralan mo ang Isaias 54, pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo upang makatulong sa iyo na malaman kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa Kanilang ugnayan sa iyo.
Ang mga pangako ng Panginoon sa Kanyang mga tao
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na madalas gumamit si Isaias ng imagery o matalinghagang paglalarawan sa kanyang mga isinulat. Ang paghinto sandali upang isipin ang mga aral na natutuhan mula sa mga matalinghagang paglalarawan na ginamit niya ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo na ituro sa atin ang mensahe ng Panginoon sa mga banal na kasulatang ito. Sa Isaias 54, ginamit ni Isaias ang imagery ng ugnayan ng mag-asawa para ituro ang pakikipagtipan ng Panginoon sa sambahayan ni Israel. Ang asawang lalaki ay kumakatawan sa Tagapagligtas, at ang asawang babae ay kumakatawan sa sambahayan ni Israel. Maaari mong hatiin ang pagbabasa ng susunod na hanay ng mga talata sa mas maliliit na segment, tulad ng talata 1–4, 5–8, 9–10, 13, 17. Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kanilang binabasa, maaari kang huminto sandali pagkatapos ng bawat hanay ng mga talata at anyayahan ang mga estudyante na magtanong.
Makakakita ka ng impormasyon sa ilang partikular na salita at parirala sa mga talatang ito sa bahaging Karagdagang Resources.
Basahing mabuti ang Isaias 54:1–10, 13, 17, at alamin ang ipinangako ni Jesucristo sa Kanyang mga pinagtipanang tao.
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng imagery ng mag-asawa tungkol sa ugnayan ng Panginoon sa sambahayan ni Israel?
-
Ano ang itinuturo ng mga pangalan at titulo ng Tagapagligtas sa talata 5 tungkol sa Kanya?
Maaari kang maglaan ng oras para hayaan ang mga estudyante na magbahagi ng mga makabuluhang salita at parirala mula sa mga talatang ito at talakayin kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa Panginoon. Maaari nila itong gawin bilang isang klase o sa maliliit na grupo.
Isulat sa pisara ang Si Jesucristo na ating Manunubos … at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag gamit ang nalaman nila sa Isaias 54:4–10, 13, 17.
-
Ano ang ilang paraan kung paano mo maaaring tapusin ang pahayag na Si Jesucristo na ating Manunubos …?
Maaaring tapusin ng mga estudyante ang pahayag sa maraming paraan, kabilang ang:
Si Jesucristo na ating Manunubos …
-
ay titipunin ang Kanyang mga tao nang may pagkahabag.
-
ay may walang hanggang kagandahang-loob para sa Kanyang mga tao.
-
ay tutuparin ang tipan na ginawa Niya sa Kanyang mga tao.
-
ay nangangako ng kapayapaan.
Kapag nakita ng mga estudyante na may kaugnayan ang mga banal na kasulatan sa kanilang buhay, mas malamang na maunawaan nila kung paano naaangkop sa kanila nang personal ang doktrina ng Tagapagligtas. Ang mga sumusunod na tanong, o ibang maaaring maisip mo, ay makatutulong sa kanila na talakayin ang kahalagahan ng mga katotohanang natukoy nila.
-
-
Sa palagay ninyo, alin sa mga katotohanang ito ang pinakamakatutulong sa mga kabataan ngayon? Bakit?
Pagnilayan kung alin sa mga katotohanang ito ang personal na pinakamakabuluhan sa inyo.
-
Sa palagay ninyo, paano tinutupad ni Jesucristo ang mga pangakong ito ngayon?
Pinatotohanan ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
… Sa isang mundong “pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw,” tulad ng sinabi ni Jehova na mangyayari, paano tayo magkakaroon ng tinawag Niyang “tipan ng … kapayapaan”? Mahahanap natin ito sa paglapit sa Kanya na nagsabing maaawa Siya sa atin “sa walang hanggang kabutihan” at bibigyan ng kapayapaan ang [ating] mga anak. (“Hindi Gaya ng Ibinibigay ng Sanlibutan,” Liahona, Mayo 2021, 36)
-
Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa inyo?
Upang matulungan ang mga estudyante na makakita ng halimbawa ng kung paano tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao nang may pagkahabag at tinutulungan silang madama na sila ay kabilang sa Kanyang Simbahan, maaari mong ipanood ang video na “Angels in the Mirror“ (5:47), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang pinakanagustuhan nila.
Ipakita ang natutuhan
Ang sumusunod na aktibidad ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na maipakita ang natutuhan at nadama nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa pag-aaral ng Isaias 54. Pumili ng paraan na pinakamahusay na nakakatugon sa mga pangangailangan ng iyong klase. Ang ilang halimbawa ng maaari mong gawin ay anyayahan ang mga estudyante na isadula ang sitwasyon, magsulat ng ipapadalang text message, o gumawa ng comic strip ng pakikipag-usap kay Carlos.
Alalahanin kung bakit nadarama ni Carlos na siya ay kinalimutan at nag-iisa. Isipin kung ano ang maaari ninyong ibahagi sa kanya mula sa natutuhan ninyo sa Isaias 54. Mayroon bang anumang personal na karanasan na maaari ninyong ibahagi sa kanya?
-
Ano ang gusto ninyong maalala tungkol sa Tagapagligtas mula sa pag-aaral ninyo ng Isaias 54?
Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at ang iyong mga naisip at nadama habang pinag-aaralan ang Isaias 54.