Seminary
2 Mga Hari 17; 24–25: Ang Pagkalat ng Israel


“2 Mga Hari 17; 24–25: Ang Pagkalat ng Israel,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“2 Mga Hari 17; 24–25: Ang Pagkalat ng Israel,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

2 Mga Hari 16–25: Lesson 88

2 Mga Hari 17; 24–25

Ang Pagkalat ng Israel

A group of youth reading scriptures together in Florida.

Ang mga propeta at iba pa ay madalas na nagsasalita tungkol sa pagtitipon ng Israel. Upang maunawaan ang pagtitipon, makatutulong na maunawaan and dahilan kung bakit ikinalat ang Israel. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na gamitin ang pagkalat ng Israel upang matukoy ang mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Ipabasa sa mga estudyante ang Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: “Si Cristo’y Sasambit, ‘Halina’t Magbalik’” mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026. Sabihin sa kanila na dumating sa klase na handang magbahagi ng mga ideya o tanong tungkol sa pagkalat ng Israel.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pagkalat ng Israel

Bago magklase, maaari kang maglagay sa iba’t ibang bahagi ng silid-aralan ng label na Hilagang Kaharian (Israel), Katimugang Kaharian (Juda), Asiria, ang Amerika, at Babilonia/Persia.

  • Paano at kailan maaaring maging tanda ng pagmamahal ng magulang ang pagdidisiplina sa anak?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 95:1, at alamin ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo tungkol sa mga taong kailangan nilang itama o kastiguhin.

Sa Lumang Tipan, ilang beses naghimagsik ang Israel laban sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kinailangan silang ituwid. Nagresulta ito sa tinatawag na pagkalat ng Israel. Habang pinag-aaralan mo ang pagkalat ng Israel, alamin kung paano ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang pagmamahal.

Sa susunod na dalawang bahagi ng lesson, maglilibot ang mga estudyante sa silid-aralan upang maunawaan kung paano ikinalat ang Israel.

Hatiin ang mga estudyante sa dalawang grupo na pareho ang dami ng mga miyembro. Papuntahin ang isang grupo malapit sa bahagi ng silid-aralan na may label na Hilagang Kaharian (Israel), at ang isa pang grupo malapit sa Katimugang Kaharian (Juda).

Sa halip na lumibot ang mga estudyante sa silid-aralan, maaari mong ipakita ang graphic na “Ang Kaharian ng Israel at ang Kaharian ng Juda sa Isang Sulyap.” Maaaring basahin ng mga estudyante ang magkakaparehong talata at talakayin ang magkakaparehong tanong mula sa lesson, ngunit sundan lamang gamit ang graphic na ito.

Hilagang Kaharian ng Israel

Noong 975 BC, matapos mamatay si Solomon, naging hari ang kanyang anak na si Rehoboam. Nagbigay si Rehoboam ng mabibigat na pasanin sa mga tao. Sampu sa mga lipi ang naghimagsik laban kay Rehoboam at sumunod kay Jeroboam (tingnan sa 1 Mga Hari 12:6–11, 19–20). Ang paghihiwalay na ito ang bumuo sa Hilaga at Katimugang Kaharian.

Basahin ang 2 Mga Hari 17:7–18, 22–23, at alamin kung ano ang nangyari sa Hilagang Kaharian ng Israel.

  • Ano ang nangyari sa kanila at bakit ito nangyari?

    Ipaliwanag na nang sinakop ng Asiria ang Hilagang Kaharian ng Israel at dinala sa Asiria ang marami sa mga Israelita, dito nagsimula ang pagkalat ng Israel. Sabihin sa karamihan sa mga estudyante na nakatayo malapit sa Hilagang Kaharian (Israel) na lumipat sa bahagi ng silid na may label na Asiria. Banggitin na madalas nating tawagin ang mga lipi na ito na mga nawawalang lipi ng Israel. Maaari mong bigyan ang mga estudyante na lumipat sa Asiria ng label na nagsasabing Mga Nawawalang Lipi. Maaari mong bigyan ang mga estudyanteng nananatili sa Israel ng label na nagsasabing Mga Samaritano. Maaari mong ipaliwanag na ang mga Samaritano ay bahagyang Israelita at bahagyang Gentil (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga,” Gospel Library).

  • Paano ninyo ibubuod kung bakit nakalat ang Israel?

Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng: Dahil hindi tinanggap ng Israel ang mga propeta at nilabag nila ang kanilang tipan sa Panginoon, sila ay ikinalat Niya sa mga bansa.

Katimugang Kaharian ng Juda

  • Ano ang natutuhan ninyo ngayon tungkol sa Katimugang Kaharian ng Juda, at maging sa mga hari na naghari roon?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang anumang salaysay na naaalala nila. Halimbawa, maaari nilang banggitin si Haring Hezekias o si Haring Josias. Kung gagawin nila ito, maaari kang gumawa ng label para sa bawat hari at ipataas sa mga estudyante ang mga ito. Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga hari na ito at ang mga tao dahil sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Ang mga matwid na haring ito ay kapwa naghari matapos sakupin ng Asiria ang Kaharian ng Israel.

Maaari ding banggitin ng mga estudyante si Lehi at ang kanyang pamilya. Kung gagawin nila ito, anyayahan sila na ibahagi ang nalalaman nila. Kung hindi, maaari mong ipagawa sa kanila ang sumusunod. Maaari kang gumawa ng label para sa Si Lehi at ang kanyang pamilya na hahawakan ng ilang estudyante.

Basahin ang 1 Nephi 1:4, at alamin kung sino pa ang nanirahan sa Kaharian ng Juda.

Basahin ang 1 Nephi 2:1–4; 18:22–23, at alamin ang nangyari sa pamilyang ito.

  • Anong mga pagpapala mula sa Ama sa Langit ang natanggap natin dahil inakay ng Panginoon si Lehi at ang kanyang pamilya palayo sa Jerusalem bilang bahagi ng pagkalat?

Sabihin sa mga estudyanteng may hawak sa label na Si Lehi at ang kanyang pamilya na lumipat mula sa Kaharian ng Juda patungo sa bahagi ng silid na may label na Ang Amerika.

Basahin ang 2 Cronica 36:17–20, at alamin ang ginawa ni Nebukadnezar, ang hari ng Babilonia, sa mga naninirahan sa Jerusalem kalaunan matapos makaalis si Lehi at ang kanyang pamilya.

Sabihin sa mga natitirang estudyante sa Kaharian ng Juda na lumipat sa bahagi ng silid-aralan na kumakatawan sa Babilonia/Persia. Tinatayang sa pagitan ng 605 at 587 BC, dinala ng mga taga-Babilonia ang maraming Judio sa Babilonia at kinubkob at kalaunan ay winasak nila ang Jerusalem (tingnan sa 2 Mga Hari 24:8–16; 25:1–12, 21; Jeremias 52).

Maaari mong hilingin sa mga estudyante na pangalanan ang ilang indibiduwal na dinala sa Babilonia. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mong iabot sa ilang estudyante ang mga label tulad ng Daniel, Shadrac, Meshac, Abednego (tingnan sa Daniel 1:1–7), at Ezekiel (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ezekiel,” Gospel Library).

Basahin ang sumusunod na buod. Ipaliwanag na ang ilang Judio ay nanatili sa Persia (tingnan sa Esther 2:5–7). Sabihin sa ilang estudyante sa Babilonia/Persia na bumalik sa bahagi ng silid-aralan na kumakatawan sa Kaharian ng Juda. Maaari kang gumawa ng mga label para sa Ezra at Nehemias para dalhin ng ilang estudyante na lilipat sa Kaharian ng Juda. Malalaman kalaunan ng mga estudyante ang iba pang detalye tungkol kina Ezra at Nehemias.

Sa ilalim ng pamumuno ni Haring Ciro, sinakop ng mga taga-Persia ang Babilonia. Noong 537 BC, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Haring Ciro ng Persia na pahintulutan ang mga Judio na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo (tingnan sa 2 Cronica 36:22–23; Jeremias 29:10–14; Ezra 1:1–3). Sa mga sumunod na taon, sina Ezra, Nehemias, at ang iba pa ay bumalik sa Jerusalem upang tumulong sa muling pagtatayo ng lungsod at upang matapos ang templo (tingnan sa Ezra 7:6–8; Nehemias 2:1–11).

Ang mga anak ng Ama sa Langit ay hindi kailanman nawawala sa Kanya

Maaari mong ipaliwanag na marami sa mga grupong ito ay walang alam sa nangyayari sa iba pang grupo. Sa kanilang pananaw, nawala ang iba pang grupo.

Basahin ang 3 Nephi 17:4, at alamin kung ano ang ibinahagi ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa Kanyang pagmiministeryo sa kanila.

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa talatang ito?

Maaari mong banggitin na bagama’t nakalat ang Israel, ginamit ng Panginoon ang pagkalat ng Kanyang mga pinagtipanang tao upang pagpalain ang mga bansa kung saan sila nakakalat (tingnan sa “Ang pagkalat ng Israel” sa ilalim ng “Israel,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa Gospel Library). Maaari mong ipaliwanag na ang “kagandahang-loob” sa Isaias 54:8 ay isang pagsasalin ng hesed. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kahalagahan ng hesed, tingnan ang artikulo ni Pangulong Nelson na “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 5–6.

Basahin ang Deuteronomio 4:27–31 at Isaias 54:7–10, at alamin ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya para sa nakalat na Israel.

  • Anong mga katangian ang nakikita ninyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang natututuhan ninyo ang tungkol sa pagkalat ng Israel?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang anak at sa Kanyang pangakong titipunin ang nakalat na Israel.