“2 Mga Hari 18–19: Pagtitiwala sa Panginoong Diyos ng Israel,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“2 Mga Hari 18–19: Pagtitiwala sa Panginoong Diyos ng Israel,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
2 Mga Hari 16–25: Lesson 86
2 Mga Hari 18–19
Pagtitiwala sa Panginoong Diyos ng Israel
Mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at tutulungan Nila tayo kapag nagtiwala tayo sa Kanila. Matapos masakop ng mga taga-Asiria ang Samaria, sinimulan nilang salakayin ang Juda. Si Haring Hezekias at ang kanyang mga tao ay bumaling sa Panginoon para sa lakas at proteksyon. Iniligtas sila ng Panginoon mula sa mga taga-Asiria. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang tiwala na tutulungan sila ng Panginoon na harapin ang kanilang mga hamon.
Paghahanda ng mga estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa klase na handang magbahagi ng isang karanasan kung kailan nadama nila ang suporta ng Diyos sa panahon ng pagsubok.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Sa mahihirap na panahon
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga sumusunod na salita sa gitna ng pisara: walang magagawa, nababalisa, pinanghihinaan ng loob, natatakot, at nagdududa. Pagkatapos ay maaari mong isulat ang isa sa mga sumusunod na tanong sa kaliwang bahagi ng pisara at ang isa pang tanong sa kanang bahagi ng pisara. Maaaring isulat ng mga estudyante sa pisara ang kanilang mga sagot sa bawat tanong.
-
Ano ang mga sitwasyon kung saan maaaring madama ng isang tinedyer ang isa o mahigit pa sa mga emosyon na ito?
-
Saan maaaring humingi ng tulong ang mga tinedyer kapag naranasan nila ang mga emosyong ito?
Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin o isulat sa kanilang study journal ang tungkol sa isang sitwasyon sa kasalukuyan o sa hinaharap kung saan maaari silang makaramdam ng gayon ding emosyon. Ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataong balikan ang mga emosyon na ito kalaunan sa lesson.
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong ayon sa kung paano nauugnay ang mga ito sa personal na sitwasyon mo:
-
Kapag nararanasan mo ang mga emosyong ito, saan ka humihingi ng tulong?
-
Gaano ka nagtitiwala na tutulungan ka ng Panginoon kapag bumaling ka sa Kanya?
Sa buong lesson ngayon, isipin kung paano ka matutulungan ng Panginoon kapag mararanasan mo ang mga emosyon na ito ngayon o sa hinaharap. Bigyang-pansin ang mga impresyong naiisip o nadarama ninyo mula sa Espiritu Santo.
Si Hezekias ay nagtiwala sa Panginoon
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang lesson na ito ay magtutuon sa kung paano pinili ni Hezekias, ang hari ng Juda, na bumaling sa Panginoon para sa tulong noong humarap siya at ang kanyang mga tao sa malalaking hamon.
Basahin ang 2 Mga Hari 18:1–7, at alamin ang ginawa ni Hezekias nang maging hari siya.
-
Ano ang nalaman ninyo?
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 5–7?
Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga alituntuning tulad ng: Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon at sinunod natin ang Kanyang mga kautusan, makakasama natin Siya.
Paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa ating buhay
Ang Israel, ang bansang nasa hilagang hangganan ng Juda, ay nalupig ng Asiria. Pagkatapos, sinalakay ng mga taga-Asiria ang mga tao ni Hezekias at nasakop ang lahat ng pinatibay na lungsod sa kanilang kaharian (tingnan sa 2 Mga Hari 18:9–13). Pagkatapos ay pumunta ang mga sugo ng Asiria sa Jerusalem, ang kabisera ng Juda, upang maghatid ng babala kay Hezekias at sa kanyang mga tao.
-
Tingnan ang mga emosyon sa pisara. Sa inyong palagay, anong mga emosyon ang nadama ng mga tao ng Jerusalem?
Maaari mong gamitin ang handout na “Isang Halimbawa ng Pagtitiwala sa Panginoon” upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning natukoy nila kanina at maiugnay ang kanilang buhay kay Ezechias.
Maaaring sagutan ng mga estudyante ang handout sa mga grupo o nang magkakapartner. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na muling maggrupo-grupo pagkatapos makumpleto ang bawat bahagi ng handout, na magbibigay sa mga estudyante ng mga pagkakataong gumawa kasama ang iba pang kaklase at makilala sila.
Ang mga tanong na tumutulong sa mga estudyante na makahanap ng personal na kaugnayan sa scripture block ay maaaring magbigay-daan sa Panginoon na personal silang turuan at bigyang-inspirasyon. Ang mga tanong sa handout ay makatutulong sa mga estudyante na maiugnay ang mga talatang pinag-aralan nila sa sarili nilang buhay.
Para sa karagdagang training sa pagtulong sa mga estudyante na makahanap ng kaugnayan sa scripture block, tingnan ang: “Tulungan ang mga mag-aaral na makahanap ng personal na kaugnayan sa doktrina ni Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.
Kasama natin ang Panginoon
Basahin ang 2 Mga Hari 19:32–35, at alamin kung paano iniligtas ng Panginoon si Hezekias at ang kanyang mga tao.
-
Ano ang nalaman ninyo?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang pariralang “Sapagkat ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito” sa 2 Mga Hari 19:34. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang pagliligtas ng Panginoon ay darating sa Kanyang panahon at paraan.
Upang matulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga paraan kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon na harapin ang ating mga hamon, maaari mong ipanood ang “Heavenly Father Knows Me” (3:18) at sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano iniligtas ng Ama sa Langit ang dalagitang ito mula sa isang hamon na kinaharap niya. Pagkatapos, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang sarili nilang karanasan. Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan sa pagtitiwala sa Panginoon o kung paano ka Niya tinulungan sa mahihirap na panahon.
-
Paano kayo sinuportahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo o ang isang kakilala ninyo sa isang mahirap na sitwasyon?
Maaari mo ring ipadama sa mga estudyante ang kapangyarihan ng patotoo ng propeta tungkol sa Tagapagligtas upang tapusin ang klase. Para magawa ito, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Alma 36:3 o ang sumusunod na pahayag.
Pinatotohanan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ang tungkol sa kapangyarihan ng pagtitiwala sa Diyos.
Sa halip na pagtuunan ang bigat ng ating mga pagsubok, hindi ba mas mahalagang magtuon sa walang hanggang kadakilaan, kabutihan, at walang katapusang kapangyarihan ng ating Diyos, magtiwala sa Kanya at maghanda nang may galak ang puso sa pagbalik ni Jesus ang Cristo?
Bilang Kanyang mga pinagtipanang tao, hindi tayo kailangang maparalisa dahil sa takot na may masamang mangyayari. Sa halip, sumulong tayo nang may pananampalataya, tapang, determinasyon, at tiwala sa Diyos sa pagharap natin sa mga darating na hamon at oportunidad. (“Ang Sakdal na Pag-ibig ay Nagpapalayas ng Takot,” Liahona, Mayo 2017, 106)
Hikayatin ang mga estudyante na magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa mahihirap na panahon.