Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 3: Exodo at Levitico


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 3: Exodo at Levitico,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 3: Exodo at Levitico,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Exodo 35–40; Levitico 1; 4; 16; 19: Lesson 55

I-assess ang Iyong Pagkatuto 3

Exodo at Levitico

A young black man sitting as he thinks and ponders.  He has a worried or contemplative expression.

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang mga mithiing itinakda nila at ang paglago na naranasan nila sa kanilang pag-aaral ng Lumang Tipan kamakailan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila o ang mga paraan na umunlad sila sa espirituwal na aspeto nang pag-aralan nila ang Lumang Tipan ngayong taon. Maaari mong imungkahi na rebyuhin nila ang kanilang study journal o mga tala sa kanilang mga banal na kasulatan upang matulungan sila na mapansin ang kanilang pag-unlad at pagkatuto.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pag-aaral ng iyong mga estudyante tungkol sa Exodo at Levitico ay maaaring tumuon sa mga resultang naiiba sa mga resultang ina-assess sa lesson na ito. Kung gayon, iakma ang mga aktibidad upang i-assess ang pag-unlad na naranasan ng mga estudyante mula sa mga resultang pinagtuunan ng klase mo.

Sa lesson na ito, ia-assess ng mga estudyante ang mga sumusunod na resulta:

  1. Ipaliwanag ang tungkulin ng mga propeta ng Panginoon. (Paalala: Sa aktibidad na ito, magagamit ng mga estudyante ang natutuhan na nila tungkol sa mga tungkulin ng mga propeta mula sa sinuman sa mga propeta na napag-aralan na nila sa Lumang Tipan, tulad nina Adan, Enoc, Noe, at Moises.)

  2. Makadama ng mas matinding hangaring umasa sa Panginoon para sa lakas at kaligtasan. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay partikular na nauugnay sa nakaraang Lesson 47: “Exodo 16”, ngunit maaari ding makatulong ang ibang lesson, tulad ng Lesson 42: “Exodo 12–13, Bahagi 1” at Lesson 45: “Exodo 14.”)

  3. Sundin ang mga propeta ng Panginoon. (Paalala: Ang aktibidad na ito ay partikular na nauugnay sa nakaraang Lesson 39: “Exodo 2–4.”)

Pagsusuri sa ating espirituwal na pag-unlad

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagdrowing ng tatlong larawan o stick figure sa isang linya. Ang mga figure ay kumakatawan sa tatlong magkakaibang bersiyon ng mga estudyante, at ang linya ay kumakatawan sa haba ng kanilang buhay. Sa ibaba ng bawat kaukulang stick figure, magsulat ng label na: nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Pagkatapos ay ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag.

Line art image of three stick figure people with a horizontal line passing through them.

Inilarawan ni Elder J. Devn Cornish ng Pitumpu ang isang paghahambing na maaari nating gawin upang matulungan tayong matukoy ang ating espirituwal na pag-unlad:

Former Official Portrait of Elder J. Devn Cornish.  Photographed August 2017.  Replaced June 2021.

Kung dapat tayong magkumpara, ikumpara natin ang ating sarili kung ano tayo noon sa kung ano tayo ngayon—at alamin kung ano ang gusto nating kahinatnan sa hinaharap. (“Sapat na ba ang Kabutihan Ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?,” Liahona, Nob. 2016, 33)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano naiiba kung sino sila ngayon sa kung sino sila noon o kung paano nila inaasahang magbago sa hinaharap. Maaari mong itanong sa kanila kung bakit makatutulong na isipin at pagsikapan ang pag-unlad. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na hingin ang tulong ng Espiritu Santo habang sinasagot nila ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pag-aaral mo ng Lumang Tipan na nagpalakas sa iyong ugnayan sa Kanila?

  • Ano ang magagawa mo upang mapalakas ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang patuloy mong pinag-aaralan ang Lumang Tipan?

Matapos magkaroon ang mga estudyante ng sapat na oras upang magnilay at magsulat, maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na magbahagi. Ipaliwanag na ang natitirang bahagi ng lesson ay magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong pagnilayan ang ilang partikular na bagay na natutuhan at naipamuhay nila mula sa kanilang pag-aaral ng Lumang Tipan kamakailan.

Ipaliwanag ang tungkulin ng mga propeta ng Panginoon

Upang matulungan ang mga estudyante na maghandang ipaliwanag ang mga tungkulin ng mga propeta ng Panginoon, maaari mo silang anyayahan na alalahanin ang ilan sa mga propetang napag-aralan na nila sa Lumang Tipan. Kung kailangan nila ng tulong sa pag-alaala ng mga propeta, maaari mong ipakita ang ilang larawan ng mga propetang pinag-aralan ninyo.

Pagkatapos ay maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo upang gawin ang aktibidad sa ibaba. Maaari mong atasan ang isang tao sa bawat grupo na magsulat ng mga sagot ng grupo.

Enoch, Noah and Moses Compilation

Upang marebyu ang iba’t ibang tungkulin ng mga propeta ng Panginoon, pag-aralan ang ilan o ang lahat ng sumusunod na passage. Gumawa ng listahan ng anumang tungkulin o responsibilidad na nakikita mong ibinibigay ng Panginoon sa Kanyang mga propeta. Habang nag-aaral ka, isipin kung bakit mahalagang maunawaan ang mga tungkuling ito.

Pagkatapos nilang mag-aral, bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ipaliwanag ang iba’t ibang tungkulin ng mga propeta at ang mga paraan kung paano tayo iniuugnay ng mga propeta sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga tungkuling ito. Upang magawa ito, maaari kang magtuon sa isa sa sumusunod na mga aktibidad bilang klase, o maaari kang magpakita ng dalawa o mahigit pang opsiyon at hayaang pumili ang mga estudyante ng isa.

  • Ipaliwanag ang tungkulin ng mga propeta ng Panginoon sa isang Primary class na binubuo ng mga batang pitong taong gulang.

  • Ipaliwanag ang tungkulin ng mga propeta ng Panginoon sa isang tao na kaedad mo na hindi alam kung ano ang propeta.

  • Magsulat ng entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa “Propeta, Mga.”

  • Magsulat ng paglalarawan ng gawain ng isang propeta.

  • Gumawa ng concept map. Magdrowing ng bilog sa gitna ng isang pahina, at isulat ang Mga Propeta sa loob nito. Sa paligid ng bilog na iyon, magdrowing ng iba pang bilog, at magsulat sa bawat bilog ng tungkulin ng mga propeta o ng dahilan kung bakit mahalaga ang mga propeta. Magdrowing ng mga linya mula sa pangunahing bilog papunta sa bawat isa sa mga bilog na ito.

Makadama ng mas matinding hangaring umasa sa Panginoon para sa lakas at kaligtasan

Upang matulungan ang mga estudyante na maalala ang natutuhan nila noon tungkol sa pag-asa sa Panginoon para sa lakas at kaligtasan, magpakita ng larawan ng tinapay. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila tungkol sa kaloob ng Panginoon na manna sa mga Israelita. (Upang matulungan ang mga estudyante na magrebyu, maaari mong gamitin ang quiz na tama o mali mula sa Lesson 47: “Exodo 16.” Sabihin sa kanila na alalahanin ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga detalye tungkol sa manna.)

Bread
  • Paano ninyo maihahambing ang mga kasalukuyan ninyong hangarin na umasa sa Panginoon araw-araw sa nadama ninyo ilang linggo na ang nakalipas? Kung may napansin kayong pag-unlad, ano sa palagay ninyo ang nakatulong sa pagbabagong iyon? Kung wala kayong napansin na pag-unlad, ano ang maaari ninyong ibahin?

Kabilang sa maaari mo pang itanong ang “Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kung paano umasa sa Panginoon araw-araw at ano ang pakiramdam ninyo rito?” at “Dahil nagsikap kayong umasa sa Panginoon araw-araw, ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Kanya?”

Sundin ang mga propeta ng Panginoon

Maaari kang magpakita ng larawan ng kasalukuyang propeta. Ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson (Lesson 39: “Exodo 2–4”), gumawa sila ng mithiin na sundin ang mga turo ng mga propeta ng Panginoon sa mga huling araw. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta nang kumilos ka ayon sa mga turo ng mga propeta sa panahong ito?

  • Ano ang magandang nangyayari sa iyong mga pagsisikap na sundin ang mga propeta ng Panginoon?

  • Anong mga balakid ang naranasan mo? Ano ang magagawa mo upang madaig ang balakid na iyon?

    Pagkatapos ng sapat na oras, bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi. Maaari nila itong gawin nang may kapartner, o maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na magbahagi sa klase.

    Magkakaiba ang kalagayan ng mga estudyante sa kanilang paglalakbay sa pananampalataya. Maaaring hindi sigurado ang ilang estudyante sa klase kung susundin nila ang propeta. Ang sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na magpahayag ng natutuhan nila at magbahagi ng mga patotoo na magbibigay-inspirasyon sa mga kaklase na maaaring nag-aatubili.

  • Ano ang gusto ninyong malaman ng isang kaibigan na hindi sigurado kung susundin niya ang propeta ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na hingin ang tulong ng Espiritu Santo habang sinisikap nilang patuloy na umunlad sa espirituwal, umasa sa Panginoon, at sumunod sa propeta ng Panginoon.