“Exodo 14: ‘Huwag Kayong Matakot,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 14: ‘Huwag Kayong Matakot,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 14–18: Lesson 45
Exodo 14
“Huwag Kayong Matakot”
Maaari tayong makadama ng kawalan ng pag-asa kung minsan, tulad ng maaaring nadama ng mga Israelita noong nasukol sila sa pagitan ng Dagat na Pula at ng hukbo ni Faraon. Gayunpaman, ang payo ni Moises sa kanila ay angkop pa rin sa atin ngayon: “Huwag kayong matakot, huwag kayong magsitigil, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon” (Exodo 14:13). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang hangaring magtiwala sa Panginoon para sa lakas at kaligtasan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang Exodo 14:13–14 at isipin ang mga aspeto ng kanilang buhay kung saan makatutulong ang mga talatang ito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Napaliligiran ng mga pagsubok
Tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga hamon sa kanilang buhay na maaaring makapagdulot sa kanila ng paghihirap o kawalan ng pag-asa. Isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag ni Brother Milton Camargo ng Sunday School General Presidency. Maaari mong isulat ang payo ng kanyang ama sa gitna ng pisara.
Si Brother Milton Camargo, Unang Tagapayo sa Sunday School General Presidency, ay nagbahagi ng payo mula sa kanyang ama:
Madalas akong sabihan noon ng tatay ko, “Huwag kang gaanong magtuon sa mga problema mo na hindi mo nakikita ang solusyon.” (“Magtuon kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 64)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano sa palagay nila ang itinuturo ng ama ni Brother Camargo. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang anumang problema, hamon, o pagsubok na maaaring mahirap para sa kanila na hanapan ng mga solusyon.
Maaaring sagutin nang malakas ng mga estudyante ang una sa mga sumusunod na tanong. Sa pangalawang tanong, makabubuting anyayahan silang tahimik na pag-isipan ang kanilang mga sagot.
Isipin ang mga pagkakataon na maaaring nadama ninyo na walang solusyon sa mga problemang nararanasan ninyo.
-
Ano ang ilan sa mga paraan kung paano maaaring tumugon ang isang tao sa mga ganoong sitwasyon?
-
Paano kayo karaniwang tumutugon sa mga ganoong sitwasyon?
Habang pinag-aaralan ninyo ang Exodo 14 ngayon, maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo para tulungan kayong maragdagan ang inyong hangaring magtiwala sa Panginoon habang nahaharap kayo o naghahandang humarap sa mga hamon at pagsubok.
Ang pagdurusa ng mga Israelita
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sitwasyon ng mga Israelita sa Exodo 14, ipakita o tulungan silang hanapin ang mapa 2 sa Bible Maps, matatagpuan sa Latter-day Saint edition ng King James Bible. Habang ibinabahagi mo ang sumusunod na talata, sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Pi-hahiroth (#3) sa mapa.
Nang lisanin ng mga anak ni Israel ang Ehipto, iniutos ng Panginoon kay Moises na akayin sila patungo sa Pihahirot (Exodo 14:2). Hindi nagtagal matapos hayaan ang mga Israelita na umalis, napagtanto ni Faraon na “sila’y nakukulong ng ilang” (Exodo 14:3), kaya pinatigas niya ang kanyang puso at sinundan sila.
Ipinaliwanag ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa mga sitwasyon ng mga Israelita.
Ang mga anak ni Israel [ay nasa] napakalagim na sitwasyon. … May mga karuwahe sa likod nila, may mga buhangin sa lahat ng dako, at malaking katubigan sa kanilang harapan. … Sa sitwasyong ito, talagang buhay ang nakataya. (“Cast Not Away Therefore Your Confidence,” Ensign, Mar. 2000, 9)
Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan ang salaysay na ito, maaari mong ipakita sa kanila ang sumusunod na larawan ng Dagat na Pula. Sabihin sa kanila na kunwari ay kasama sila ng mga Israelita sa sandaling ito.
-
Paano kayo tutugon sa ganitong mga sitwasyon?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ikumpara ang tugon ng mga Israelita sa kanilang sitwasyon sa tugon ni Moises. Ang pagpansin sa mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga tao, turo, at pangyayari sa mga banal na kasulatan ay mahalagang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang pagkukumparang ito ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo na maaaring hindi nila nakikita sa ibang paraan. Maaari mong ipaliwanag nang maikli ang kasanayan ng paghahambing at pagkukumpara. Sabihin sa mga estudyante na praktisin ito sa sumusunod na aktibidad sa pag-aaral.
Sa inyong study journal, gumawa ng maliit na chart na may dalawang column. Lagyan ng label ang isang column na Mga Israelita at ang isa pa ng Moises.
Basahin ang Exodo 14:10–14, at alamin ang sinabi ng mga Israelita at ang sinabi ni Moises. Isulat ang nalaman ninyo sa angkop na column.
-
Ano ang pinagtuunan ng mga Israelita sa mga sitwasyong ito? Ano ang pinagtuunan ni Moises?
-
Ano ang napansin ninyo sa pagkukumpara sa sinabi nila?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa salaysay na ito na makatutulong sa inyo sa mga hamon ninyo?
Kabilang sa iba pang mga katotohanan na maaaring ibahagi ng mga estudyante, tulungan sila na makita ang sumusunod: Ang pagtuon kay Jesucristo ay makadaragdag sa ating pag-asa sa panahon ng mga hamon at pagsubok.
-
Sa inyong palagay, anong mga problema ang maaaring mangyari kung magtutuon lamang tayo sa ating mga hamon at pagsubok?
Pagtuon kay Cristo
Maaari mong ibahagi ang natitirang bahagi ng pahayag ni Brother Camargo mula sa simula ng lesson.
Ibinahagi ni Brother Camargo ang sumusunod tungkol sa kapangyarihan ng pagtuon kay Jesucristo:
Madalas akong sabihan noon ng tatay ko, “Huwag kang gaanong magtuon sa mga problema mo na hindi mo nakikita ang solusyon.”
Pinatototohanan ko na ang Panginoong Jesucristo ang solusyon kahit sa pinakamahihirap nating problema. (“Magtuon kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 64)
-
Sa inyong palagay, bakit nakatutulong ang pagtuon kay Jesucristo kapag napaliligiran o naiipit tayo ng ating mga hamon o pagsubok?
Upang maipakita ang itinuro ni Brother Camargo, sabihin sa mga estudyante na ituon muna ang kanilang isipan sa mga hamong isinulat nila sa pisara. Sabihin sa kanila na magtuon sa mga hamong iyon sa loob ng 30 segundo. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pagnilayan ang nadarama nila.
Pagkatapos, maglagay ng larawan ni Jesucristo sa harapan ng klase. Sabihin sa mga estudyante na ituon lamang ang kanilang isipan sa Kanyang kapangyarihan at pagmamahal sa loob ng 30 segundo. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
-
Anong kaibhan ang mapapansin mo kapag nagtuon ka kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan kaysa sa mga hamong kinahaharap mo?
Ipakita ang mga tanong sa ibaba, at paghiwa-hiwalayin ang mga estudyante nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Sabihin sa kanila na pumili ng dalawa o tatlo sa mga hamon sa pisara at talakayin ang mga tanong na ito.
-
Sa anong mga paraan nagiging solusyon si Jesucristo sa mga napili ninyong problema, hamon, o pagsubok?
-
Paano kikilos ang isang tao nang may pananampalataya kay Jesucristo sa partikular na problema, hamon, o pagsubok na iyon?
Magtawag ng ilang handang estudyante para ibahagi ang natutuhan o nadama nila.
Ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon
Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang mga sumusunod na talata nang mag-isa o magkakapartner. Maaari ding idrowing ng mga estudyante ang binasa nila sa kanilang study journal.
Kung makabubuti sa iyong mga estudyante, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na maikling isadula ang talata 19–22. Halimbawa, maaari kang lumikha ng isang maliit na harang na maaaring alisin o paghiwalayin, na magbibigay-daan sa mga estudyante na makapaglakad-lakad.
Ang isa pang opsiyon ay ipanood ang animated video na “The Passover” mula sa time code na 1:28 hanggang 2:32. Ang video ay makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
Basahin ang Exodo 14:15–31, at alamin kung paano ipinaglaban at iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita.
-
Anong bahagi ng salaysay na ito ang nagbibigay-inspirasyon sa inyo?
-
Ano ang nalaman ninyo na tumutulong sa inyo na hangaring magtiwala sa Panginoon?
Personal na lakas at kaligtasan
Ang susunod na tanong ay maaaring maging mahirap para sa mga estudyante na masagot. Ang pakikinig sa mga karanasan ng iba ay makatutulong sa kanila na isipin din ang sarili nilang karanasan. Maaari kang magbahagi ng karanasan mo o ng isang taong kilala mo na maaaring makatulong na masagot ang tanong. O ipanood ang video na gaya ng sumusunod na nagpapakita ng kahalagahan ng pagtuon sa Tagapagligtas sa ating mga pagsubok:
“Finding Christ During Difficult Times” (4:35)
“Feeling the Lord’s Love and Goodness in Trials” (4:18)
Makikita ang parehong video sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Paano nakatulong sa inyo o sa isang taong kilala ninyo ang pagtuon kay Jesucristo sa panahon ng hamon o pagsubok?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kung minsan ay hindi tayo maliligtas mula sa ating mga hamon sa mga paraang inaasahan natin. Gayunpaman, ang pagtuon kay Jesucristo ay makatutulong sa atin na magkaroon ng pag-asa at lakas anuman ang kinahaharap natin.
Maaari mong tapusin ang klase sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa kahalagahan ng pagtuon sa Kanya sa ating mga pagsubok. Maaari mong isama sa iyong patotoo ang pahayag sa ibaba.
Nagpatotoo si Brother Camargo na matutulungan tayo ng Tagapagligtas:
Ang Panginoong Jesucristo ay nabubuhay ngayon. Maaari Siyang magkaroon ng aktibong presensya sa ating buhay araw-araw. Siya ang solusyon sa ating mga problema, ngunit kailangan nating mag-angat ng mga mata at magtaas ng tingin para makita Siya. Sinabi na Niya, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip, huwag mag-alinlangan, huwag matakot” [Doktrina at mga Tipan 6:36]. (“Magtuon kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 67)