Seminary
Levitico, Bahagi 2: Pagsasakripisyo para sa Panginoon


“Levitico, Bahagi 2: Pagsasakripisyo para sa Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Levitico, Bahagi 2: Pagsasakripisyo para sa Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Exodo 35–40; Levitico 1; 4; 16; 19: Lesson 54

Levitico, Bahagi 2

Pagsasakripisyo para sa Panginoon

Young man strides toward the Tucson Arizona Temple, his sister follows

Nagsagawa ang sinaunang Israel ng mga ritwal na sumisimbolo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kabilang sa mga ritwal na ito ay ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog. Ipinakita rin ng mga handog na ito ang patuloy na katapatan ng Israel sa pagsasakripisyo ng anumang hinihiling sa kanila ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na malaman ang mga sakripisyong magagawa nila upang maging mas katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na gawin ang isang bagay na sa palagay nila ay magiging mabuting sakripisyo para sa Panginoon. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang pagbabayad ng ikapu o mga handog-ayuno, pagsasakripisyo ng oras upang tulungan ang isang taong nangangailangan, o pagsasakripisyo ng ilang minuto ng tulog para pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung paano nakaaapekto ang sakripisyong ito sa kanilang ugnayan sa Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kahandaang magsakripisyo

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na makita ang kahalagahan ng pagiging handang magsakripisyo para sa Panginoon. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagsusulat ng sumusunod na pahayag sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga tanong na kasama nito.

Ang susi upang maging matagumpay ang ating araw ay …

  • Paano ninyo tatapusin ang pahayag na ito?

  • Sa palagay ninyo, bakit makatutulong ang sagot ninyo sa isang tao para magkaroon siya ng matagumpay na araw?

Ibinahagi ni Elder Taylor G. Godoy ng Pitumpu ang sumusunod tungkol sa pagkakaroon ng matagumpay na araw:

Official Portrait of Elder Carlos A. Godoy.  Photographed in March 2017.

Ang susi para gawing matagumpay ang ating araw ay ang maging handang magsakripisyo. (“Isa Pang Araw,” Liahona, Mayo 2018, 34)

  • Sa palagay ninyo, bakit magiging matagumpay ang ating araw dahil sa pagiging handang magsakripisyo?

    Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa sumusunod na tanong. Maaari mong banggitin ang mga sagot na ito sa iba’t ibang bahagi ng lesson.

  • Ano ang ilang sakripisyong hinihiling sa atin ng Panginoon na sa palagay ninyo ay maaaring humantong sa matagumpay na araw, linggo, o buhay?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang kahandaan nilang magsakripisyo para sa Panginoon. Ang isang paraan para magawa mo ito ay magpakita sa mga estudyante ng isang pie chart. Ibigay ang mga sumusunod na tagubilin.

Blue pie chart graphic with percentage symbol

Gumawa ng pie chart sa inyong study journal. Maglagay ng porsiyento (0 porsiyento hanggang 100 porsiyento) na sa palagay mo ay sumasalamin sa inyong kahandaang magsakripisyo para sa Panginoon sa nakalipas na linggo. Pagkatapos ay pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Kung sa palagay mo ay mataas ang iyong porsiyento, bakit ka handang magsakripisyo para sa Panginoon?

  • Kung sa palagay mo ay mababa ang iyong porsiyento, ano ang maaaring humadlang sa iyo na maging mas handang magsakripisyo?

Maaari kayong maghandog ng tahimik na panalangin. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong maunawaan ang nais Niyang ipaalam at ipagawa sa inyo tungkol sa mga personal na sakripisyo ninyo. Sa lesson na ito, bigyang-pansin ang mga naiisip at nadarama na maaaring dumating sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Mga handog na sinusunog

Sa Levitico 1, iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na mag-alay ng mga handog na sinusunog. Araw-araw na ginagawa ng mga saserdote ang ganitong pag-aalay. Ang mga handog ay sumisimbolo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang mga handog na ito ay sagisag din ng patuloy na katapatan ng Israel sa Panginoon.

Basahin ang Levitico 1:3, 8–9, at hanapin ang mga salita at parirala na maaaring may kaugnayan sa mga sakripisyong maaari nating gawin para sa Panginoon ngayon.

  • Ano ang nahanap ninyo?

Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante, maaari mong banggitin ang ilan sa mga sumusunod:

  • “Ito ay kanyang dadalhin [sa sarili niyang pagkukusa]” (talata 3).

  • “Ulo,” “taba,” “mga lamang loob,” at “mga paa” (talata 8–9). Ang iba’t ibang bahaging ito ng katawan ng hayop ay maaaring simbolo ng pag-aalay sa Panginoon ng anumang hinihiling Niya sa atin, kabilang ang ating puso, isipan, at katawan.

  • “Susunugin ang kabuuan nito sa ibabaw ng dambana” (talata 9). Ang pagsunog sa buong hayop sa ibabaw ng dambana ay sumasagisag sa lubos na katapatan sa Panginoon.

  • “Mabangong samyo sa Panginoon” (talata 9). Maaari itong manghulugan na ang ating mga sakripisyo ay mabangong samyo at nakalulugod sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng paghahandog ng sakripisyo.

  • Paano makatutulong sa atin ang ating kahandaang magsakripisyo na maging mas katulad ng Tagapagligtas?

Ang isang aral na matututuhan natin sa pag-unawa sa mga handog na sinusunog ay mas magiging katulad tayo ng ating Tagapagligtas kapag naging handa tayong magsakripisyo ng anumang hihilingin sa atin ng Ama sa Langit.

Pagsunod sa batas ng sakripisyo sa ating panahon

Matapos maisakatuparan ang nagbabayad-salang sakripsyo ni Jesucristo, binago Niya ang uri ng sakripisyong hinihiling Niya sa Kanyang mga tao (tingnan sa 3 Nephi 9:19–20). Kahit na hindi tayo nag-aalay ng mga hayop sa kasalukuyan, hinihiling pa rin ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magsakripisyo. Kabilang sa mga sakripisyong ito ang higit pa sa pagbibigay ng ating mga temporal na ari-arian.

Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin, scripture passage, at tanong. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gawin ito nang mag-isa.

Pag-aralan ang dalawa o mahigit pa sa mga sumusunod na passage, at alamin ang mga kabatirang makatutulong sa iyo na sagutin ang mga tanong sa ibaba.

  1. Roma 12:1–2

  2. Omni 1:26

  3. 3 Nephi 9:19–20

  4. Doktrina at mga Tipan 4:2

    • Paano mo magagamit ang mga passage na ito upang matulungan ang isang tao na maunawaan kung ano ang nais ng Panginoon na isakripisyo natin sa ating panahon?

    • Paano makatutulong sa atin ang pagsasakripisyo sa mga ganitong paraan upang maging mas katulad ng Tagapagligtas?

    • Sa palagay mo, bakit maaaring mahirapan ang ilang tao na maging handang isakripisyo ang hinihiling ng Panginoon sa kanila?

Sabihin sa mga boluntaryo na ibahagi ang natutuhan nila at kung paano nila sasagutin ang dalawang tanong sa itaas. Maaari mo ring talakayin kung paano maiaangkop ang mga talatang ito sa mga sakripisyong inilista nila sa pisara sa simula ng lesson. Ang talakayang ito ay maaaring humantong sa susunod na tanong.

Mga pagpapala ng sakripisyo

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Sabihin sa kanila na gamitin ang kanilang mga sagot sa naunang tanong upang makagawa ng sitwasyon kung saan maaaring mag-atubili ang isang tao na isakripisyo ang hinihiling sa kanya ng Panginoon. Ang pagsunod ay isang simpleng halimbawa. Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang grupo ang tanong na kasama nito. Upang makatulong sa talakayang ito, maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang “Hain” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Isipin kunwari na may kaibigan kayo na naniniwala na wala siyang sapat na oras upang gawin ang ilan sa mga sakripisyong hinihiling sa kanya ng Panginoon.

  • Ano ang maibabahagi ninyo na maaaring makatulong sa paglutas ng ilan sa mga alalahanin ng inyong kaibigan?

Sabihin sa ilang grupo na ibahagi ang ilan sa kanilang mga ideya. Habang nagbabahagi sila, maaari ka pang magtanong ng tulad ng “Ano ang gusto ninyong malaman ng inyong kaibigan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa kanya na maging mas handang magsakripisyo para sa Kanila?” o “Anong mga personal na karanasan ang maibabahagi ninyo na nagturo sa inyo ng kahalagahan ng pagsasakripisyo para sa Panginoon?”

Upang mapalalim ang pag-unawa tungkol sa sakripisyo, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag.

Ibinahagi ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga pagpapalang ibinibigay ng Panginoon kapag nagsasakripisyo tayo para sa Kanya:

14:48
Elder Ulisses Soares, Quorum of the Twelve Apostles official portrait.

Ang ating determinasyong itatwa ang lahat ng salungat sa kalooban ng Diyos at isakripisyo ang lahat ng hinihiling na ibigay natin at pagsikapang sundin ang Kanyang mga turo ay tutulong sa atin na magtiis sa landas ng ebanghelyo ni Jesucristo—maging sa oras ng pagdurusa, kahinaan ng ating mga kaluluwa, o sa pamimilit ng lipunan at ng mga makamundong pilosopiya na sumasalungat sa Kanyang mga turo. (“Pasanin ang Ating Krus,” Liahona, Nob. 2019, 114)

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga dahilan kung bakit Niya tayo pinagsasakripisyo?

Personal na sakripisyo

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga impresyong natanggap nila. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin. Kung makatutulong, maaaring gamitin ng mga estudyante ang listahan ng mga sakripisyo sa pisara habang ginagawa nila ang aktibidad na ito.

Gawin sa iyong study journal ang isa sa mga sumusunod:

  1. Ang isang sakripisyong ginagawa ko na para sa Ama sa Langit ay …

    Ang isang bagay na natutuhan ko ngayon na makakatulong sa akin na ipagpatuloy o pagbutihin ang sakripisyong ito ay …

  2. Ang isang bagay na sisimulan o ititigil ko upang ipakita ang aking kahandaang magsakripisyo para sa Panginoon ay …

    Ang isang bagay na natutuhan ko ngayon na makatutulong sa akin na gawin ang pagbabagong ito ay …

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila kasama ng kanilang patotoo sa natutuhan o nadama nila.