Seminary
Levitico, Bahagi 1: “Ang Bagay na Ito Ay Kahalintulad”


“Levitico, Bahagi 1: ‘Ang Bagay na Ito Ay Kahalintulad,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Levitico, Bahagi 1: ‘Ang Bagay na Ito Ay Kahalintulad,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Exodo 35–40; Levitico 1; 4; 16; 19: Lesson 53

Levitico, Bahagi 1

“Ang Bagay na Ito Ay Kahalintulad”

Composite of an image of an Old Testament priest offering a sacrifice, and Jesus Christ on the cross.

Bagama’t tila kakaiba ang pag-aalay ng mga hayop ngayon, ang mga sakripisyong ito ay nakatulong sa sinaunang Israel na malaman at mapahalagahan ang ipinangako ng Tagapagligtas na gagawin Niya para sa kanila. Ang pag-aaral tungkol sa mga sinaunang sakripisyong ito ay makatutulong din sa atin na malaman at mapahalagahan ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng pasasalamat kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang payo na ibibigay nila sa isang taong nahihirapang maunawaan ang ginawa ni Jesucristo para sa kanila. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na tanungin ang isang kapamilya o kaibigan kung ano ang maipapayo niya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang ginawa Niya para sa akin?

Upang maihanda ang mga estudyante na pag-usapan si Jesucristo, maaari mong ibahagi ang sumusunod na karanasan.

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod na pakikipag-ugnayan niya sa isang miyembro ng Simbahan:

12:44
Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Sa miting ng Sabado ng gabi sa isang stake conference maraming taon na ang nakararaan, nakilala ko ang isang babaeng nagsabi na pinababalik siya ng kanyang mga kaibigan sa simbahan pagkaraan ng maraming taon ng hindi pagiging aktibo, ngunit wala siyang maisip na dahilan para gawin iyon. Para mahimok siya, sinabi ko, “Kapag pinag-isipan mo ang lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo, marami kang dahilan para bumalik upang sumamba at maglingkod sa Kanya.” Nagulat ako nang sumagot siya ng, “Ano ang nagawa Niya para sa akin?” (“Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 75)

Isipin kung ano ang sasabihin ninyo sa babae kung itinanong niya ito sa inyo.

  • Paano maaaring maapektuhan ang ating buhay kung hindi natin nakikita o naaalala ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin?

    Upang matulungan ang mga estudyante na gawing personal ang lesson ngayon, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong. Bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo?

  • Ano ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo dahil sa nagawa niya para sa iyo?

Habang pinag-aaralan ninyo ang Levitico ngayon, humingi ng patnubay sa Espiritu Santo tungkol sa kung paano ninyo mapapalalim ang inyong pasasalamat sa nagawa ng Panginoon para sa inyo.

Paghahanap kay Cristo sa mga sakripisyo

Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang Levitico, maaari mong ipakita ang mga larawan mula sa simula ng lesson. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang nalalaman nila tungkol sa sinaunang ordenansa ng pag-aalay ng hayop. Halimbawa, maaari mong itanong sa kanila kung kailan unang iniutos ng Diyos sa Kanyang mga anak na magsagawa ng mga pag-aalay ng hayop at kung bakit Niya ibinigay ang utos na iyon. Kung kinakailangan, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Moises 5:6–7. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod.

  • Ano ang kinakatawan ng mga sakripisyong ito?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na mula pa noong panahon nina Adan at Eva, iniutos na ng Diyos sa Kanyang mga tao na magsagawa ng mga pag-aalay ng hayop upang matulungan silang umasa sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang kaugalian na ito ay nagwakas sa kamatayan ni Jesucristo, na siyang “dakila at huling hain” (Alma 34:10).

Ang aklat ng Levitico ay naglalaman ng mga tagubilin ng Panginoon sa pag-aalay ng hayop at iba pang uri ng sakripisyo na hiningi Niya sa Kanyang mga tao. Ang Levitico ay parang isang hanbuk na nagbibigay ng mga tagubilin para sa mga ordenansa, ritwal, at sagradong responsibilidad ng sinaunang Israel.

icon ng seminary Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na pag-aralan ang ilan sa mga sakripisyong inilarawan sa Levitico. Ang isang paraan upang magawa ito ay ipamahagi ang handout na may pamagat na “Sinaunang Sakripisyo: Isang Simbolo ni Jesucristo.” Maaari mong ipamahagi nang magkahiwalay ang dalawang aktibidad mula sa handout, o maaari mo itong ipamahagi bilang iisang handout.

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Maaari mong atasan ang bawat magkapartner na gawin ang isa sa mga aktibidad. Pagkatapos ay maaaring ituro ng mga estudyante ang natutuhan nila sa isa pang magkapartner na gumawa ng ibang aktibidad. O maaari mong ipagawa sa isang kapartner sa bawat magkapartner ang Aktibidad sa Pag-aaral 1 at ipagawa sa isa pang kapartner ang Aktibidad sa Pag-aaral 2. Pagkatapos gawin ng mga estudyante ang kani-kanyang aktibidad, maaari nilang turuan ang isa’t isa.

Pagkatapos mag-aral ng mga estudyante, ipabahagi sa kanila ang ilan sa mga sagot nila sa mga tanong sa handout. Maaari mong gamitin ang sumusunod na tanong upang tulungan ang mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila.

  • Paano ninyo ibubuod sa isang simpleng pahayag ang natutuhan ninyo ngayon tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, tulad ng:

  • Kusang-loob na inialay ni Jesucristo ang Kanyang sarili bilang sakripisyo para sa atin.

  • Mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan dahil kay Jesucristo.

  • Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, si Jesucristo ay nagbayad para sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpasan Niya sa mga ito.

Upang mapalalim ang pasasalamat ng mga estudyante sa mga katotohanang ito, maaari mong gamitin ang sumusunod na pahayag at mga tanong. Maaaring nagamit mo na ang pahayag na ito sa Lesson 27: “Genesis 22.”

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan kung bakit ginawa ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala:

Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Ginawa ni Jesucristo ang lahat ng ito dahil mahal Niya ang lahat ng anak ng Diyos. Pagmamahal ang dahilan ng lahat ng ito, at gayon na ito noong una pa man. …

[D]alangin ko na maalala nating lahat ang nagawa ng ating Tapagligtas para sa bawat isa sa atin. (“Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 77)

  • Paano nakatutulong sa inyo na malaman na hinayaan ni Jesucristo na isakripisyo ang Kanyang sarili dahil mahal Niya kayo?

  • Ano ang ilang paraan upang maalala natin ang Panginoon at ang Kanyang sakripisyo?

    Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang isang paraan upang maalala natin ang sakripisyo ng Tagapagligtas ay ang pagtanggap ng sakramento linggu-linggo.

    Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang kaugnayan ng sinaunang sakripisyo at ng sakramento, maaari mong ipanood ang video na “Always Remember Him” (5:27), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Pagkatapos ay maaari mong itanong ang mga sumusunod.

    5:28
  • Paano natutulad ang sakramento sa mga sinaunang sakripisyo?

  • Paano ninyo sinisikap na alalahanin ang Tagapagligtas sa inyong buhay sa araw-araw?

Ang ginawa ni Jesus para sa akin

Bigyan ng panahon ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang nadarama kay Jesucristo. Upang maihanda sila na gawin ito, maaari mong anyayahan ang klase na kantahin ang “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Maaaring tumukoy ang mga estudyante ng mga parirala mula sa himno na nagpapakita ng nadarama nila sa Tagapagligtas.

Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumili ng ibang himno o banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Maaari silang magbahagi ng mga pariralang nagpapakita ng nadarama nila sa Kanya.

Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas at sa ginawa Niya para sa iyo?

Maaaring ipahayag ng mga handang estudyante ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol sa Tagapagligtas. Maaari mo ring ibahagi ang iyong sariling nadarama at patotoo tungkol sa Kanya.