Seminary
Genesis 22: Isang Kahalintulad ni Jesucristo


“Genesis 22: Isang Kahalintulad ni Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Genesis 22: Isang Kahalintulad ni Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 18–23: Lesson 27

Genesis 22

Isang Kahalintulad ni Jesucristo

Abraham and Isaac. Abraham looking toward the heavens with a knife in his hand.  Isaac laying on the alter.  The Gospel in the Old Testament (Religious Tract Society, 1908).

Maaaring hindi lubos na mauunawaan ng ating mortal na isipan ang napakatinding utos ng Diyos kay Abraham na ialay ang kanyang anak na si Isaac. Pinalawak ng propetang Nephita na si Jacob ang ating pag-unawa sa makapangyarihang simbolismo ng utos na ito nang ituro niya na ang sakripisyo ay “isang kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak” (Jacob 4:5). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal sa kanila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang banal na kasulatan na nalaman nila na tumutulong sa kanila na mahiwatigan at madama ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Sabihin sa kanila na pumasok sa klase na handang ibahagi ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pagmamahal ng Diyos

Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag.

Inilarawan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan, ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak:

19:43
Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006.Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008.Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Isipin ang pinakadalisay, pinakamatinding pag-ibig na mawawari ninyo. Ngayo’y paramihin nang husto ang pag-ibig na iyan—at ganyan kalaki ang pag-ibig ng Diyos sa inyo.

Hindi tumitingin ang Diyos sa panlabas na anyo. Naniniwala ako na hindi mahalaga sa Kanya kung nakatira tayo sa palasyo o sa kubo, kung guwapo tayo o pangkaraniwan, kung tanyag tayo o kinalimutan. Kahit nagkukulang tayo, lubos tayong mahal ng Diyos. Kahit hindi tayo perpekto, sakdal ang pag-ibig Niya sa atin. Kahit nadarama nating naligaw tayo at walang gabay, yakap tayo ng pag-ibig ng Diyos. (“Ang Pag-ibig ng Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 22)

  • Dagdag pa sa mga salitang ginamit ni Pangulong Uchtdorf, ano ang ilang iba pang salita o parirala na magagamit ninyo upang ilarawan ang pag-ibig o pagmamahal ng Diyos para sa atin?

Upang matulungan ang mga estudyante na maiakma ang lesson sa kanilang buhay, anyayahan silang isipin kung gaano kadalas nila nadarama o nahihiwatigan ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila. Maaari mo rin silang anyayahang pag-isipan kung ano ang mga tanong nila sa kasalukuyan tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Hikayatin ang mga estudyante sa pag-aaral nila ngayon na bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Isang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming turo na naglalarawan ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin. Ang isang halimbawa ay matatagpuan sa Juan 3:16.

Basahin ang Juan 3:16, at alamin ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit.

Paano ninyo ibubuod ang nalaman ninyo?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng tulad ng Ipinakita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

  • Paano ipinapakita ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin?

Iniutos kay Abraham na isakripisyo ang kanyang anak

Ipaliwanag na sa araw na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang isang salaysay na makapagtuturo sa atin tungkol sa pagmamahal na ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan.

The Old Testament prophet standing beside an altar.  Abraham's son Isaac is strapped to the altar.  Abraham is holding a dagger in the air as he prepares to sacrifice Isaac. An angel is appearing before Abraham and commanding him to not sacrifice his son.
  • Ano ang nalalaman ninyo tungkol sa karanasang ito mula sa buhay nina Abraham at Isaac?

Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, ipaliwanag ang sumusunod.

Ang salaysay tungkol kina Abraham at Isaac ay makapagtuturo sa atin tungkol sa pagmamahal na ipinakita sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.

Basahin ang Jacob 4:5, at alamin ang itinuro ni Jacob tungkol sa salaysay na ito.

  • Ano ang nalaman ninyo?

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng salaysay tungkol kina Abraham at Isaac sa Genesis 22, anyayahan sila na pagtuunan ng pansin kung ano ang masimbolikong maituturo sa kanila ng salaysay na ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Upang maihanda ang mga estudyante na gawin ito, maaari kang gumawa ng dalawang column sa pisara. Pamagatan ang isang column ng Abraham at Isaac at ang isa pang column ng Ama sa Langit at si Jesucristo. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na gawin ang chart na ito sa kanilang study journal.

Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa o nang may kapartner. Maaari kang magbahagi ng isang halimbawa mula sa nakumpletong chart (na matatagpuan kalaunan sa lesson) bago simulan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral.

Mapanalanging basahin ang Genesis 22:1–14, at alamin ang mga pagkakatulad sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Markahan ang mga makabuluhang parirala ng banal na kasulatan. Itala ang iyong mga naiisip tungkol sa itinuturo sa iyo ng mga pariralang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Ang sumusunod na chart ay naglalaman ng mga halimbawa ng mga kabatirang maaaring mahanap ng mga estudyante habang pinag-aaralan nila ang salaysay na ito. Kung kinakailangan, maaari mong gamitin ang mga halimbawang ito upang matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral. Halimbawa, maaari mong ibahagi ang impormasyon tungkol sa lupain ng Moria (tingnan sa Genesis 22:2) bago o pagkatapos mag-aral ng mga estudyante.

Abraham at Isaac

Ama sa Langit at si Jesucristo

Genesis 22:2, 12—“ang iyong kaisa-isang anak”

Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Ama sa Langit (tingnan sa Juan 3:16).

Genesis 22:2—“ang lupain ng Moria”

“Ang pook na kilala noon na lugar kung saan inialay ni Abraham si Isaac ay … ang lugar ding iyon kung saan isasakripisyo ng Ama ang Kanyang Anak” (Old Testament Student Manual, 3rd ed. [2003], 77).

Genesis 22:2—“isang handog na susunugin”

Ang mga handog na susunugin ay isang uri ng pag-aalay ng hayop. Ang pag-aalay ng hayop ay simbolo ni Jesucristo (tingnan sa Moises 5:4–7).

Genesis 22:6—“dinala ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak”

Pinasan ni Cristo ang Kanyang krus (tingnan sa Juan 19:16–18).

Genesis 22:7–8—“ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin”

Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak, ang Kordero ng Diyos, bilang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Juan 1:29).

Genesis 22:9—“tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana”

Ipinako si Cristo sa krus gamit ang mga pako (tingnan sa 1 Nephi 11:33).

Kapag nabigyan na ng sapat na oras ang mga estudyante para makapag-aral, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang itinuro sa kanila ng Espiritu nang pag-aralan nila ang mga talatang ito. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod bilang bahagi ng talakayang ito.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa kuwento nina Abraham at Isaac?

  • Ano ang ilan sa mga simbolo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na naging pinakamakabuluhan sa inyo? Bakit?

Pagmamahal ng Diyos sa akin

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong pagnilayan ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila. Upang maihanda silang magnilay, maaari ninyong kantahin o pakinggan ang isang himno na nakatuon sa pagmamahal na iyon, tulad ng “Dahil Tayo’y Mahal ng Diyos” (Mga Himno, blg. 110).

Maaari mo ring ibahagi ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa Karagdagang Resources.

  • Paano nakakaapekto sa buhay ninyo ang pag-alaala sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

  • Ano ang nakatulong o maaring makatulong sa inyo upang madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan at nadama nila ngayon tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanila. Anyayahan sila na itala sa kanilang study journal ang mga saloobin at espirituwal na impresyon nila. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa ating lahat. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga karanasan na tutulong sa kanila na palaging madama ang pagmamahal sa kanila ng Diyos.