Seminary
Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 2: Pag-unawa sa Doktrina at Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman


“Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 2: Pag-unawa sa Doktrina at Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 2: Pag-unawa sa Doktrina at Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 18–23: Lesson 28

Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 2

Pag-unawa sa Doktrina at Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman

A group of youth sitting at desks in a Seminary class.  There are scriptures open on their desks.

Ang doctrinal mastery ay makatutulong sa mga estudyante na maitayo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ang pundasyon para sa kanilang buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga katotohanang itinuro sa mga doctrinal mastery passage at maipamuhay ang mga banal na alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumili ng doctrinal mastery passage na gusto nilang higit na maunawaan pa. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pag-aralan ang passage, pagnilayan ang kahulugan nito, at isipin kung bakit mahalaga ang doktrinang itinuro.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagrerebyu ng doctrinal mastery: Unawain

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang pagkakataon na nahirapan silang matutuhan o magawa ang isang bagong bagay. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang pag-aaral ng bagong wika, pagsasanay ng instrumento, o paglalaro ng sport. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga bagay na nakatulong sa kanila na matuto at madaig ang mga hamon sa pag-aaral ng bagong bagay. Kung hindi ito mababanggit ng mga estudyante, maaari mong idagdag na makatutulong na maging matiyaga at iwasan na ikumpara ang inyong pag-unlad sa iba.

Tulad din na maaaring mahirap na matutuhan ang isang bagong kasanayan, maaari ding maging mahirap na maunawaan kung minsan ang mga banal na kasulatan dahil sa lengguwahe nito.

  • Ano ang ilang bagay na nakatulong sa inyo o sa iba na mas maunawaan ang lengguwahe ng banal na kasulatan?

Ang isang paraan upang madagdagan ang ating pag-unawa sa isang scripture passage ay sa pamamagitan ng pag-aaral nito nang mabuti, paggamit ng mga tool sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang matukoy at mabigyang-linaw ang lengguwahe at kahulugan.

Ipaliwanag na sa bahaging ito ng lesson, magkakaroon ang mga estudyante ng mga pagkakataon na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa isa sa mga doctrinal mastery passage na napag-aralan na nila sa taon na ito. Maaari mong ipakita ang unang anim na doctrinal mastery reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan sa Lumang Tipan, na makikita sa Doctrinal Mastery Core Document (2022). Sabihin sa mga estudyante na pumili ng doctrinal mastery passage na nais nilang maunawaan nang mabuti.

Para sa aktibidad sa pag-aaral na ito, maaaring gumawa nang mag-isa ang mga estudyante o makipagtulungan sa maliliit na grupo kasama ang iba pang estudyante na pumili ng parehong passage. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin.

  1. Basahin nang dahan-dahan at nang mabuti ang doctrinal mastery passage, at mapanalanging anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang madagdagan ang iyong pag-unawa. Markahan ang anumang salita at parirala na makabuluhan para sa iyo.

  2. Isulat ang anumang tanong mo o ng iba tungkol sa lengguwahe o kahulugan ng talata sa banal na kasulatan.

  3. Gamitin ang mga tool sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na magagamit sa paghahanap ng mga kahulugan, paglilinaw, cross-reference, pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, o anumang iba pang impormasyon na makapagdaragdag ng pag-unawa sa talata o sa mga salita o pariralang minarkahan mo.

  4. Talakayin ang itinuturo ng passage tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Sa iyong palagay, bakit mahalaga para sa isang tinedyer na malaman at maunawaan ang passage na ito?

Para sa isang halimbawa ng pattern sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na ito, panoorin ang video na “Analyzing a Passage” (8:12), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

8:12

Kung may oras pa, maaaring ibahagi ng mga estudyante sa iba ang natuklasan nila at kung paano nito nadagdagan ang kanilang pag-unawa sa passage. Bilang alternatibo, maaaring magsanay ang mga estudyante na ipaliwanag ang doktrina ng passage sa isang kapartner gamit ang karagdagang kaalamang natamo nila sa pamamagitan ng aktibidad sa pag-aaral.

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga pamamaraang ito sa kanilang mga personal na pagsisikap sa pag-aaral ng banal na kasulatan.

Sa buong araw, pag-isipan ang pinili ninyong doctrinal mastery passage, at alamin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo na nagtuturo sa inyo kung paano mapagpapala ng banal na kasulatang iyon ang buhay ninyo.

Alamin at ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman

Ang natitirang bahagi ng lesson ay nakatuon sa pagtulong sa mga estudyante na magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga nauugnay na sitwasyon. Bago magpatuloy, maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang mga iminumungkahing aktibidad sa pagrerebyu ay kasama sa seksyon ng appendix na may pamagat na “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.” Ang mga paglalarawan sa mga alituntunin ay makikita sa talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document (2022).

Tandaan na ang mga lesson na pagsasanay sa doctrinal mastery ay hindi nilayong magturo ng bagong nilalaman. Ang mga lesson na pagsasanay sa doctrinal mastery ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong rebyuhin ang kanilang natutuhan, magsanay na ipaliwanag ito, at magamit ito sa isang nauugnay na sitwasyon. Madaragdagan nito ang kakayahan ng mga estudyante na alalahanin at gamitin ang mga doktrinal na alituntunin sa kanilang buhay.

Upang matulungan ang mga estudyante na magsanay na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, maaari mong ipakita ang sumusunod na sitwasyon. Maaari mong iakma ang mga detalye ng sitwasyon sa paraang pinakamainam sa mga pangangailangan ng iyong klase.

Sa halip na ang sitwasyon, maaari mong gamitin ang video na “Find Answers through Jesus” (1:04).

1:4

Ibinahagi ng kaibigan mong si Andy na hindi siya nasisiyahan sa kanyang buhay. Gumugugol siya ng maraming oras sa kanyang telepono, paglalaro ng mga video game, at pakikipag-usap sa mga kaibigan, ngunit napansin niya na wala siyang gaanong oras para sa Diyos o sa kanyang pamilya. Nitong mga nakaraan, pinagninilayan niya kung may mas higit pang layunin at kahulugan ang kanyang buhay kaysa sa kasalukuyan niyang nararanasan.

Ipakita sa pisara ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang mga sumusunod na tanong. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo upang talakayin ang mga alituntunin at kung paano nila mailalarawan ang mga ito. Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng polyeto o poster na makatutulong sa isang tao na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang matugunan ang kanilang mga alalahanin. Maaari kang magbigay ng papel at mga art supply. Para sa polyeto, maaaring itupi ng mga estudyante ang papel sa tatlong bahagi at maglarawan ng isang alituntunin sa bawat bahagi. Hikayatin ang mga estudyante na maging malikhain sa paglalarawan ng tatlong alituntunin.

Kung kinakailangan, ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung paano maipamumuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Tandaan na ang aktibidad na ito ay naglalayong bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataong magsanay na ibahagi ang kanilang natutuhan. Bagama’t makatutulong ka bilang titser para mapadali ang kanilang mga talakayan at makakapagbigay ka ng tulong kung kinakailangan, gawin ang iyong makakaya para makalikha ng sitwasyon kung saan ang mga estudyante ang nangunguna sa talakayan.

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Paano makatutulong ang pagpapanatili ng walang-hanggang pananaw sa sitwasyong ito?

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Anong mga doctrinal mastery passage, iba pang scripture reference, o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan ang maaaring makatulong kay Andy at sa kanyang sitwasyon?

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang Gospel Library para maghanap ng tatlo o mahigit pang sources na mairerekomenda nila na pag-aralan ni Andy. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa paghahanap ng mga scripture reference, maaari mong imungkahi ang mga talata na tulad ng Genesis 12:1–3; Moises 1:6, 39; Moises 6:26–33; at Abraham 3:22–23.

Kumilos nang may pananampalataya

  • Ano ang ilang partikular na bagay na magagawa ni Andy upang madama ang mas malalim na kahulugan at layunin ng kanyang buhay?

    Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga poster o polyeto sa ibang grupo.

    Para tapusin ang klase, maaari mong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong sagutin ang mga sumusunod na tanong bilang isang talakayan o isulat ang mga ideya nila sa kanilang study journal.

  • Anong mga ideya ang naging makabuluhan sa inyo habang nag-aaral kayo ngayon?

  • Paano makatutulong sa inyo ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?