“Genesis 19: ‘Huwag Kang Lumingon,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 19: ‘Huwag Kang Lumingon,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 18–23: Lesson 26
Genesis 19
“Huwag Kang Lumingon”
Noon pa man ay nag-aalala na ang Panginoon tungkol sa masasamang impluwensya sa ating buhay. Ang mga kapamilya ni Lot ay naimpluwensyahan ng mga kasamaang nakapaligid sa kanila sa lungsod ng Sodoma. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maiwasan ang masasamang impluwensya sa kanilang buhay upang mas lubos nilang masunod ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga impluwensya sa kanilang buhay o mga tuksong kinakaharap nila na humahadlang sa kanila na sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Sabihin sa kanila na isipin kung bakit kailangan nilang alisin ang mga balakid na ito sa kanilang buhay at kung paano nila ito magagawa.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maliliit na pagpili na may malalaking bunga
Ibinahagi ni Elder Massimo De Feo ng Pitumpu ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa epekto ng ating mga pagpili:
Maaaring tila maliliit ang mga desisyong ginagawa natin sa araw-araw, ngunit palaging may mga tunay na implikasyon at malalaking bunga ang mga ito, mabuti man o masama. (“Maliliit na Pagpili, Malalaking Bunga,” Liahona, Ago. 2019, 34)
-
Ano ang ilang halimbawa ng maliliit na pagpiling ginagawa natin na maaaring magkaroon ng malalaking bunga?
Kung kinakailangan, maaari kang magbahagi ng ilang halimbawa, tulad ng media na ginagamit natin; uri ng mga kaibigang pinipili natin; o mga pagpiling ginagawa natin tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsisimba, o pagdarasal. Ang iba pang halimbawa ay maaaring mas nauugnay sa iyong mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung paano magkakaroon ng malalaking bunga ang mga pagpiling ito, sa kabutihan o kasamaan.
Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na espirituwal na maihanda ang kanilang sarili para sa lesson ngayon.
Isipin ang mga pagpiling ginagawa ninyo sa kasalukuyan na nagpapalapit sa inyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Isipin din ang mga pagpiling maaaring magpalayo sa inyo sa Kanila. Habang nag-aaral kayo ngayon, bigyang-pansin ang mga espirituwal na impresyon tungkol sa kung paano kayo mas mapapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Itinayo ni Lot ang kanyang tolda na nakaharap sa Sodoma
Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng salaysay tungkol sa isang lalaking nagngangalang Lot, ang pamangking lalaki ni Abraham. Si Lot at ang kanyang pamilya ay nanirahan sa lungsod ng Sodoma, na kilala dahil sa matinding kasamaan nito (tingnan sa Genesis 13:13; 18:20; Ezekiel 16:49–50; Judas 1:7–8). Ito ay tila maliit na pagpili na humantong sa paninirahan ni Lot at ng kanyang pamilya sa Sodoma.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga sitwasyon na humantong kay Lot na manirahan sa Sodoma. Maaaring gamitin ang sumusunod na paliwanag kung kinakailangan.
Matapos lumipat nina Abraham, Lot, at ng kanilang mga pamilya mula sa Egipto patungo sa lupain ng Canaan, nagkaroon ng di-pagkakasundo sa pagitan ng mga pastol nina Abraham at Lot dahil sa mga lupaing pinagpapastulan. Upang maiwasan ang lalo pang pagtatalo, inihiwalay nina Abraham at Lot ang kanilang mga pamilya, at ang bawat pamilya ay nagpasiya kung saan sila maninirahan (tingnan sa Genesis 13:8–9).
Sa halip na basahin ang mga sumusunod na talata bilang isang klase, maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kapartner. Maaaring basahin ng magkakapartner ang mga talata at magdrowing ng larawang nagpapakita sa mga ginawa nina Lot at Abraham.
Basahin ang Genesis 13:10–13, 18, at alamin kung saan nagpasiyang manirahan ang bawat pamilya. (Sa mga talatang ito, si Abram ay si Abraham. Kalaunan ay binago ng Panginoon ang kanyang pangalan sa Abraham, tulad ng nakatala sa Genesis 17:5.)
-
Anong mga pagkakaiba ang napansin ninyo sa desisyon ng bawat pamilya?
-
Anong mga desisyon ang magagawa ng isang tao ngayon na maaaring katulad ng pagtatayo ni Lot ng kanyang tolda na nakaharap sa Sodoma? Anong payo ang maibibigay ninyo sa mga ganitong sitwasyon?
Kung nahihirapan ang mga estudyante na mag-isip ng mga desisyon sa makabagong panahon na katulad ng pagtatayo ni Lot ng kanyang tolda na nakaharap sa Sodoma, maaari kang magbahagi ng ilang halimbawa, pagkatapos ay bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpayo sa mga sitwasyong ito. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang paggamit ng bulgar na pananalita, pagpili ng media na may hindi angkop na nilalaman, pagbaba ng mga pamantayan ng pananamit o hindi pagiging disente, o pag-uukol ng oras sa mga kaibigan na hindi pinahahalagahan ang mga turo ng Tagapagligtas.
Ang pagkawasak ng Sodoma at Gomorra
Si Lot at ang kanyang pamilya ay hindi nanatili sa kanilang tolda na itinayo na nakaharap sa Sodoma. Kalaunan, sila ay lumipat at “[tumira] sa Sodoma” (Genesis 14:12; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Maaaring i-cross reference ng mga estudyante ang Genesis 14:12 sa Genesis 13:12 sa kanilang mga banal na kasulatan. Kung gumawa ang mga estudyante ng drowing sa naunang bahagi ng lesson, maaari mo rin silang anyayahang i-update ang kanilang drowing upang maipakita ang bagong lokasyon ni Lot.
Hindi tinanggap ng mga naninirahan sa Sodoma at sa kalapit na lungsod ng Gomorra ang mga propetang isinugo ng Panginoon upang balaan sila (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 233). Sa Kanyang awa, ang Panginoon ay nagpadala ng mga sugo sa Sodoma upang balaan si Lot at ang kanyang pamilya na umalis bago mawasak ang lungsod (tingnan sa Genesis 19:12–13). Dahil hindi tinanggap ng mga tao ang mga propeta at nagpatuloy sa kasamaan, sila ay nalipol.
Basahin ang Genesis 19:14–19, 24–26, at alamin kung paano tumugon si Lot at ang kanyang pamilya sa mga tagubilin na agad na lisanin ang lungsod.
-
Ano ang pinakanapansin ninyo sa mga talatang ito? Bakit?
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito sa inyo tungkol sa Panginoon?
Maaari mo ring itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila na makatutulong sa isang tao na nakadarama na tila hindi seryosong bagay ang makibahagi sa tila maliliit na gawain ng kasamaan.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung bakit ang asawa ni Lot ay naging “haliging asin” (talata 26), maaaring makatulong na ipaliwanag na ang asawa ni Lot ay maaaring hindi lamang lumingon sa likuran ngunit maaaring bumalik rin sa Sodoma (tingnan sa Lucas 17:28–32). Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland.
Ibinahagi ni Pangulong Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga posibleng dahilan kung bakit naging “haliging asin” (talata 26) ang asawa ni Lot:
Malinaw na ang kamalian ng asawa ni Lot ay hindi lamang paglingon sa likuran; sa puso niya ay gusto niyang bumalik. …
Maaaring lumingon ang asawa ni Lot nang may galit sa Panginoon dahil sa mga iniutos ng Panginoon na iwan niya. (“Remember Lot’s Wife” [Brigham Young University devotional, Ene. 13, 2009], 2, speeches.byu.edu)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang sumusunod na tanong sa kapartner o sa maliit na grupo bago nila ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.
-
Ano ang ilang katotohanang natutuhan mo mula sa salaysay tungkol kay Lot at sa kanyang pamilya na naaangkop sa mga sitwasyong kinakaharap mo sa iyong buhay?
Gamit ang sarili nilang mga salita, maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod:
Ang pagtutulot sa masasamang impluwensya sa ating buhay—kahit sa tila maliliit na bagay—ay maglalayo sa atin kay Jesucristo.
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating takasan ang kasamaan at huwag itong lingunin.
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng mga katotohanang ito, maaari mong talakayin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod.
-
Ano ang makatutulong sa inyo na matukoy ang tila maliliit na impluwensya na maglalayo sa inyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na iwaksi ang ating mga nakaraang pagkakamali at sumulong nang may pananampalataya?
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila na may kaugnayan sa mga katotohanang tinatalakay ninyo. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong mga karanasan.
Ipamuhay ito
Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang mga katotohanang napag-aralan nila, ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at tanong. Sabihin sa mga estudyante na humingi ng inspirasyon mula sa Diyos upang malaman ang mga pagbabagong nais Niyang gawin nila.
Isipin ang mga gawaing nadama mong dapat mong gawin dahil sa napag-aralan mo ngayon. Sa iyong study journal, magsulat ng isang plano para sa kung ano ang gagawin mo at kailan mo ito gagawin. Kung kinakailangan, ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo na gumawa ng plano:
-
Ano ang ilang tila maliliit na desisyon na kasalukuyan mong ginagawa na maaaring magpalayo sa iyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kalaunan? Anong mga pagbabago ang gagawin mo?
-
Ano ang gagawin mo para maiwaksi ang mga nakaraang pagkakamali at sumulong nang may pananampalataya kay Jesucristo?
Isiping patotohanan ang mga katotohanang pinag-aralan ninyo ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon kanilang mga plano.