“Exodo 25; 35–40: ‘Pinuno ng Kaluwalhatian ng Panginoon ang Tabernakulo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 25; 35–40: ‘Pinuno ng Kaluwalhatian ng Panginoon ang Tabernakulo,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 35–40; Levitico 1; 4; 16; 19: Lesson 52
Exodo 25; 35–40
“Pinuno ng Kaluwalhatian ng Panginoon ang Tabernakulo”
Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, nagtayo ang mga Israelita ng tabernakulo, o templo, sa ilang. Ang tabernakulong ito ay isang naililipat na santuwaryo kung saan maaaring manahan ang Panginoon kasama ng Kanyang mga tao habang naglalakbay sila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas matinding hangaring sambahin ang Panginoon sa Kanyang templo.
Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang Gospel Library o temples.ChurchofJesusChrist.org upang maghanap ng mga larawan ng mga templo o video na nauugnay sa templo. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang nadarama nila tungkol sa templo ng Panginoon. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano sila natutulungan ng mga makabagong templo na maalala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang layunin ng mga templo?
Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon. Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang mga tanong kasunod ng sitwasyon at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa kapartner.
Isipin kunwari na malapit nang ilaan ang templo sa inyong lugar. Inaanyayahan ninyo ang isang kaibigan na sumama sa inyo sa temple open house. Tinanggap ng kaibigan ninyo ang imbitasyon ninyo ngunit binanggit niya na wala siyang alam tungkol sa mga templo.
-
Ano ang gusto ninyong maunawaan ng inyong kaibigan tungkol sa mga templo at sa layunin ng mga ito?
-
Paano kayo tutugon kung tatanungin kayo ng kaibigan ninyo kung bakit mahalaga sa inyo ang mga templo?
Matapos talakayin ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa kanilang kapartner, anyayahan silang isipin ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong.
-
Gamit ang scale mula 1 (mababa) hanggang 5 (mataas), paano ninyo ire-rate ang inyong hangaring patuloy na sambahin ang Panginoon sa templo?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin kung bakit ganoon ang sagot nila sa naunang tanong.
Sa pag-aaral ninyo ngayon, bigyang-pansin kung ano ang maituturo sa inyo ng Espiritu Santo tungkol sa mga templo at kung paano tayo naiuugnay ng mga ito sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maghangad ng inspirasyon upang matulungan kayong makadama ng mas matinding hangarin na sambahin ang Panginoon sa Kanyang mga templo.
Iniutos ng Panginoon sa mga Israelita na magtayo ng tabernakulo
Habang nakikipag-usap kay Moises sa Bundok ng Sinai, hiniling ng Panginoon sa mga Israelita na ialay ang kanilang ginto, pilak, at iba pang mahahalagang materyal upang makapagtayo ng santuwaryo, o tabernakulo, para sa Kanya. Sa ating panahon, hinihiling din sa atin na magtayo ng mga templo upang magsilbing santuwaryo o lugar ng kabanalan.
Basahin ang Exodo 25:8, at alamin kung bakit nais ng Panginoon na magtayo ang mga Israelita ng santuwaryo.
-
Ano ang nalaman ninyo?
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng dahilan ng Panginoon sa kautusang ito tungkol sa Kanya at sa nadarama Niya tungkol sa atin?
Simbolismo ng tabernakulo
Ipaalala sa mga estudyante na maraming simbolo sa mga banal na kasulatan na makapagtuturo sa atin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang pagkatuto mula sa mga simbolo ay isang kasanayan sa pag-aaral na makatutulong sa kanila na mas maraming matutuhan mula sa mga banal na kasulatan.
Para sa karagdagang training sa paggamit ng simbolismo, tingnan ang “Maghanap ng mga simbolo na nagpapatotoo kay Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro (2022), 9.
May sinisimbolo ang mga bagay at ordenansa sa tabernakulo. Layunin ng mga ito na turuan ang Israel tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung paano maglakbay sa buhay pabalik sa Kanila.
Upang matulungan ang mga estudyante na matutuhan ang tungkol sa mga simbolo ng tabernakulo, maaari mong ipamahagi ang handout na may pamagat na “Ang Tabernakulo sa Lumang Tipan.” Maaari ka ring maglagay ng tape o tali sa sahig ng silid-aralan upang makopya ang diagram mula sa handout.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga bagay sa tabernakulo sa maliliit na grupo. Maaaring mabigyan ang bawat grupo ng iba’t ibang bagay na pag-aaralan. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga grupo sa klase ang kanilang mga nalaman. Ipaalala sa mga estudyante na humingi ng patnubay sa Espiritu habang pinag-iisipan nila ang itinuturo sa kanila ng mga bagay tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari kang magbigay ng tulong kung kinakailangan, ngunit sa pangkalahatan, maaaring mas mainam na hayaang ang mga estudyante mismo ang gumawa ng mga koneksyon habang natututo sila nang mag-isa sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Sa halip na handout, maaari mong ipaaral sa mga estudyante ang artikulong “Paglalakbay sa Pamamagitan ng Sinaunang Tabernakulo” (Liahona, Mar. 2018, 52–53) o ipanood ang video na “The Tabernacle” (7:18), na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org.
Matapos magkaroon ng sapat na oras upang makapag-aral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod bilang bahagi ng talakayang ito.
-
Anong mga simbolo ang tila partikular na makabuluhan o interesante para sa inyo?
-
Ano ang itinuro sa inyo ng mga simbolo mula sa tabernakulo tungkol sa inyong Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Mga makabagong templo
Maaari kang magpakita ng larawan ng isang makabagong templo. Ipaliwanag na kabilang sa mga templo ngayon ang mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood na ipinagkait ng Diyos sa mga sinaunang Israelita dahil sa kanilang paghihimagsik. Sa kabila ng pagkakaibang ito, maraming pagkakatulad ang ating mga templo at ang sinaunang tabernakulo.
-
Anong mga pagkakatulad ang nakikita ninyo sa ating mga templo at sa sinaunang tabernakulo?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan ninyo mula sa mga pagkakatulad na ito?
Hikayatin ang mga estudyante na magbahagi ng iba’t ibang sagot sa naunang tanong. Maaari mong ilista sa pisara ang mga katotohanang matutukoy ng mga estudyante. Gamit ang sarili nilang mga salita, maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod:
-
Iniuutos sa atin ng Panginoon na magtayo ng mga templo upang makatahan Siya kasama natin.
-
Ang mga ordenansa at simbolo ng templo ay nagtuturo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Tinutulungan tayo ng templo na maghandang bumalik sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ipaliwanag na tulad ng sinaunang tabernakulo, may nilalamang mga simbolo ang mga makabagong templo na nagtuturo sa atin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Paano tumutulong sa inyo ang mga makabagong templo na maalala ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
Bilang bahagi ng inyong talakayan sa naunang tanong, maaari kang magpakita ng mga larawan ng mga partikular na silid sa loob ng mga makabagong templo. Halimbawa, matapos ipakita ang isang larawan ng bautismuhan sa templo, maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang maituturo sa atin ng ordenansa ng mga pagbibinyag para sa mga patay tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari mong ipakita ang mga larawan sa itaas o ang mga larawan na kasama sa artikulong “Inside Temples,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
Maaari mo ring ipanood ang video na “Welcome to the Washington D.C. Temple” (11:46), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Ang video na ito ay isa pang resource na tutulong sa mga estudyante na makita kung paano tayo tinuturuan ng mga makabagong templo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kung limitado ang oras, maaari mong panoorin ang isa sa mga sumusunod na bahagi: time code na 0:00 hanggang 3:49, time code na 4:37 hanggang 7:44, o time code na 8:16 hanggang 9:04.
11:45 -
Paano makakaapekto sa ating hangaring sumamba sa templo ang kaalamang natututo tayo doon tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Kailan ninyo nadamang mas napalapit kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa templo o sa pakikibahagi sa gawain sa templo at family history?
Isulat ang inyong mga impresyon
Upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila mula sa Espiritu Santo ngayon, maaari mo silang anyayahan na sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon mula sa Espiritu Santo na nakaimpluwensya sa iyong hangaring sambahin ang Panginoon sa templo?
Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Ipaalam sa mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataong pagnilayan ang kanilang hangaring sambahin ang Panginoon sa templo sa Lesson 80: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 5”.
Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon.