“I-assess ang Iyong Pagkatuto 5: Ruth–1 Mga Hari 11,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“I-assess ang Iyong Pagkatuto 5: Ruth–1 Mga Hari 11,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
2 Samuel 11–12; 1 Mga Hari 3; 6–9; 11: Lesson 80
I-assess ang Iyong Pagkatuto 5
Ruth–1 Mga Hari 11
Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga mithiing itinakda nila at ang pag-unlad na naranasan nila sa kanilang kamakailang pag-aaral ng Lumang Tipan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan mga estudyante na isipin ang kanilang espirituwal na pag-unlad sa seminary sa taong ito. Hikayatin silang suriin ang kanilang mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagrerebyu sa mga entry sa journal, mga banal na kasulatan na minarkahan nila, at mga tala na ginawa nila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pag-aaral ng mga estudyante mo ng Lumang Tipan ay maaaring tumuon sa mga resultang naiiba sa mga ina-assess sa lesson na ito. Kung gayon, iakma ang mga aktibidad upang ma-assess ang pag-unlad na naranasan ng mga estudyante mula sa mga resultang pinili mo para sa iyong klase.
Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong i-assess ang kanilang pagkatuto alinsunod sa mga sumusunod na resulta:
-
Ipaliwanag ang mga titulo at tungkulin ni Jesucristo na pinag-aralan ng mga estudyante ngayong taon. (Tandaan: Ang aktibidad na ito ay nagbibigay-daan sa mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila tungkol sa mga titulo at tungkulin ni Jesucristo, tulad ng Tinapay ng Buhay, Hari ng Sion, Tagapaglikha, Tagapagligtas, at Manunubos).
-
Makadama ng mas matinding hangaring sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa templo. (Tandaan: Inihahanda ng mga aktibidad sa pag-aaral mula sa Lesson 52: “Exodo 25, 35–40” at Lesson 79: “1 Mga Hari 6–9” ang mga estudyante para sa aktibidad na ito sa assessment.)
-
Pahusayin ang kanilang kakayahan na tumanggap at makahiwatig ng personal na paghahayag. (Tandaan: Ang aktibidad na ito ay tumutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang isang mithiin na itinakda nila sa Lesson 70: “1 Samuel 3” at naghihikayat sa mga estudyante na balikan ang mga pagkakataon sa klase na anyayahan ang Espiritu Santo na gampanan ang Kanyang tungkulin sa proseso ng pagkatuto.)
Pagsusuri sa ating espirituwal na pag-unlad at progreso
Maaaring ipakita ang larawan sa itaas, o katulad na larawan, na nagpapakita ng pagtubo ng binhi para maging isang halaman o puno sa buong lesson. Sa bawat aktibidad, titingnan ng mga estudyante sa larawang ito sa panahon ng kanilang pagninilay o para sagutin ang mga tanong tulad ng mga sumusunod.
-
Bakit kapaki-pakinabang na maglaan ng oras para regular na tingnan ang pagtubo ng isang halaman?
-
Paano maaaring mag-iba ang pag-aalaga sa halaman sa bawat yugto? Ano ang maaaring magkatulad?
Maaaring banggitin ng mga estudyante ang pagdidilig, pag-aalis ng damo, paggamit ng pataba, o pagtiyak na naaarawan o nalililiman nang tama ang halaman, depende sa yugto ng pagtubo. Maaari mong banggitin na ang isang maliit na binhi ay maaaring mangailangan ng ibang pangangalaga, sikat ng araw, at tubig kaysa sa isang malaking puno.
-
Ano ang ilang paraan kung paano maihahalintulad ang ating espirituwal na pag-unlad sa pagtubo ng isang halaman?
Ibahagi sa mga estudyante na ang layunin ng mga lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto ay para huminto nang sandali at anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan sila na matukoy ang kanilang mga pagsisikap at progreso, at maging mas katulad ng Tagapagligtas. Maaaring pagnilayan ng mga estudyante ang mga pagbabagong kailangan nilang gawin habang sumusulong sila sa landas ng tipan patungo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na ang ating espirituwal na progreso ay nagpapatibay ng ating ugnayan sa Kanila at tumutulong sa atin na maging mas katulad Nila.
Pagnilayan kung nasaan ka na sa espirituwal na aspeto nang simulan mo ang iyong pag-aaral ng Lumang Tipan at kung nasaan ka na ngayon. Iugnay ang iyong espirituwal na pag-unlad sa larawan ng tumutubong binhi. Sa iyong study journal, kumpletuhin ang sumusunod na pagsasanay.
-
Sa kaliwang pahina ng iyong study journal, idrowing ang halaman (A, B, C, D, o E) na pinakamainam na kumakatawan sa kung nasaan ka na sa espirituwal na aspeto sa simula ng taon.
-
Sa kanang pahina ng iyong study journal, idrowing ang halaman (A, B, C, D, o E) na pinakamainam na kumakatawan sa kung nasaan ka na ngayon sa espirituwal na aspeto.
Magsulat ng maikling talata na naglalarawan sa pagsisikap mong sumulong patungo kay Jesucristo sa iyong espirituwal na pag-unlad sa seminary ngayong taon. Pagkatapos ay anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang makilala ang isa o dalawang pagbabagong magagawa mo para mas mapalapit sa Tagapagligtas. Isulat ang mga pagbabagong iyon sa iyong study journal.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila, kung hindi ito masyadong personal. Maaaring hikayatin ang mga estudyante na hindi nakadarama na umunlad sila sa espirituwal sa pamamagitan ng pagpapabatid sa kanila na, tulad ng mga tumutubong binhi, ang espirituwal na pag-unlad ay nangangailangan ng oras at pagsisikap. Bigyan ng katiyakan ang mga estudyante na mahal sila ng Panginoon at inaanyayahan silang maging matiyaga at patuloy na magsikap.
Ipaliwanag ang mga titulo at tungkulin ni Jesucristo
Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga banal na kasulatan at study journal para matukoy ang ilan sa mga titulo ni Jesucristo na napag-aralan nila sa Lumang Tipan.
Para matulungan ang mga estudyante na maipakita ang kanilang pag-unawa, maaari mong isulat sa pisara ang ilan sa mga titulo o tungkulin ni Jesucristo na pinag-aralan ninyo sa taon na ito. Maaaring kapaki-pakinabang na bigyan ang mga estudyante ng kaukulang scripture reference sa Lumang Tipan. Maaari kang magbahagi ng mga titulo at tungkulin tulad ng mga ito:
-
Manunubos (Ruth)
-
Tagapagligtas (Mga Hukom 2–4)
-
Tagapaglikha (Genesis 1:1–23)
-
Tagabigay ng Batas (Exodo 20)
-
Hari ng Sion (Moises 7)
Isipin na kunwari na hinilingan kang magbigay ng maikling mensahe sa Linggo tungkol sa kung paano ginagampanan ng Tagapagligtas ang tungkulin o titulong ito. Magsulat ng maikling outline na sumasagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang itinuturo sa atin ng titulo o tungkulin na ito tungkol kay Jesucristo?
-
Paano ipinapakita ni Jesucristo ang titulo o tungkulin na iyan sa Lumang Tipan (magsama ng talata o kuwento para ilarawan ang Kanyang tungkulin)?
-
Paano mapagpapala ang mga tinedyer sa pamamagitan ng pagtupad ng Tagapagligtas sa tungkulin na ito sa kanilang buhay?
Maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang outline. Maaaring angkop na anyayahan ang ilang handang estudyante na magbahagi sa klase ng kanilang mga ideya.
Makadama ng mas matinding hangaring sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa templo
Para matulungan ang mga estudyante na maghanda para sa aktibidad na ito sa assessment, maaari kang magpakita ng larawan ng templo. Maaaring ang templo ni Solomon, Kirtland Temple, o isang kalapit na templo.
Hanapin sa iyong study journal ang mga naitala mo o ang mga banal na kasulatan na minarkahan mo na nakatulong sa iyo na mas maunawaan ang tungkol sa templo bilang bahay ng Panginoon o sa iyong hangaring sambahin Siya roon.
Kabilang sa ilang banal na kasulatan tungkol sa templo na maaaring pinag-aralan ng mga estudyante kamakailan ang sumusunod:
-
Exodo 25; 35–40
-
2 Samuel 7; Doktrina at mga Tipan 88:119–120
-
1 Mga Hari 5–9; Doktrina at mga Tipan 109:10–18
-
1 Mga Cronica 22; Doktrina at mga Tipan 97:10–16
-
2 Mga Cronica 7; Doktrina at mga Tipan 110:2–10
Matapos rebyuhin ng mga estudyante ang kanilang mga tala at banal na kasulatan, maaari mong anyayahan ang ilan sa kanila na magbahagi ng isang bagay na pinakanagustuhan nila. Maaari kang magpakita ng mga tanong na tulad ng mga ito.
-
Anong mga pagbabago ang napansin mo sa iyong nadarama tungkol sa bahay ng Panginoon sa taon na ito?
-
Kung may napansin kang mga pagbabago, ano sa palagay mo ang naging dahilan ng mga pagbabagong ito?
Maaari kang magbigay ng pagkakataon sa mga handang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa bahay ng Panginoon.
Tumanggap at makahiwatig ng personal na paghahayag
Maaari kang magpakita ng larawan ng batang propeta na si Samuel na pinakikinggan ang tinig ng Panginoon. Sa kanilang pag-aaral ng 1 Samuel 3, inanyayahan ang mga estudyante na sanayin ang pakikinig sa tinig ng Panginoon sa kanilang buhay araw-araw. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila sa kuwentong ito o rebyuhin ang 1 Samuel 3:1–16.
Ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na rebyuhin ang isang mithiing itinakda nila noon ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo na hikayatin silang ipagpatuloy ang kanilang mga pagsisikap o tulungan silang gumawa ng mga kinakailangang pagbabago sa mithiing iyon. Ang isang paraan kung paano ito magagawa ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na rebyuhin ang mithiing itinakda nila sa Lesson 70: “1 Samuel 3.” (Para sa karagdagang training sa pag-follow-up sa mga paanyaya sa klase, tingnan ang “Anyayahan ang mga mag-aaral na ipamuhay ang natututuhan nila” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro).
Sa pag-aaral mo ng 1 Samuel 3, maaaring nagtakda ka ng mithiin na mapahusay ang iyong kakayahang makahiwatig at tumanggap ng personal na paghahayag mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Rebyuhin ang iyong mithiin at sagutin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
-
Ano ang mga naging karanasan mo kamakailan sa personal na paghahayag?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na mahiwatigan na ang paghahayag ay mula sa Ama sa Langit?
-
Ano ang nakaimpluwensya sa kakayahan mong makahiwatig at makatanggap ng paghahayag?
-
Kung nadarama ng isang tao na hindi siya nakatatanggap ng personal na paghahayag, ano ang natutuhan o nadama mo na makatutulong sa kanya?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na muling mangakong tuparin ang kanilang mithiin. Para matulungan ang mga estudyante na maalala ang kanilang mithiin, maaaring kapaki-pakinabang na ipasulat ito sa isang bagay na maiuuwi nila, tulad ng sticky note o maliit na papel. Maaari ding i-text ng mga estudyante sa kanilang sarili ang mithiin. Maaari mong tiyaking sa mga estudyante na kailangan ng oras at pagsasanay para mahiwatigan ang personal na paghahayag mula sa Ama sa Langit. Purihin sila sa kanilang mga pagsisikap at kahandaang patuloy na mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.