“Exodo 2–4: ‘Ako’y Sasaiyong Bibig,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 2–4: ‘Ako’y Sasaiyong Bibig,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 1–6: Lesson 39
Exodo 2–4
“Ako’y Sasaiyong Bibig”
Kapag nahaharap tayo sa mga paghihirap, mapagmahal tayong ginagabayan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Sa ilalim ng paghahari ni Faraon, ang mga anak ni Israel ay nahirapan sa pagkaalipin at nanangis sa Panginoon. Narinig ng Panginoon ang kanilang mga pagdaing at tinawag si Moises bilang propeta para tulungan sila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas lubos na maipamuhay ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralang muli ang mga itinuro ng propeta kamakailan. Pagkatapos ay anyayahan silang talakayin sa isang kapamilya o kaibigan kung paano napagpala ng pagsunod sa mga turo ng propeta ang kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Aling mga tinig ang pagkakatiwalaan
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pahayag na ito at pagtatanong ng mga sumusunod.
Sinabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Nabubuhay tayo sa planeta na puno ng malalakas na tinig na nag-iimpluwensya sa atin. Ang internet, ang ating mga smartphone, ang ating napakaraming mapaglilibangan ay mapilit sa pag-impluwensiya sa atin, umaasa na bibilhin natin ang kanilang mga produkto at aayon sa kanilang mga pamantayan. (“Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 26)
Ilista ang ilang halimbawa ng mga tinig na nakita o narinig ninyo sa nakalipas na ilang araw.
-
Ano ang napansin ninyo tungkol sa iba’t ibang source ng impormasyon?
-
Paano naiiba ang mga salita ng mga propeta sa iba pang tinig?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na mga pahayag tungkol sa pagsusuri sa sarili at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga sagot.
Para sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag, i-rate ang iyong sarili gamit ang scale mula 1 (talagang hindi totoo) hanggang 5 (napakatotoo):
-
Mas nagtitiwala ako sa mga salita ng mga propeta at apostol kaysa sa iba pang tinig o impluwensya.
-
May tiwala ako sa payo at patnubay na natatanggap natin mula sa mga propeta at apostol ng Panginoon.
-
Sinisikap kong pag-aralan ang mga salita ng mga propeta at apostol sa kasalukuyang panahon.
Sa pag-aaral ng mga estudyante ngayon, sabihin sa kanila na pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu kung paano nila mas lubos na masusunod ang payo ng mga propeta at apostol sa kanilang buhay.
Tinawag ng Panginoon si Moises na maging propeta
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano inihanda ng Panginoon si Moises na maging Kanyang propeta, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kabataan ni Moises. Maaari kang magpakita ng larawan ng sanggol na si Moises upang matulungan ang mga estudyante na maalala ang nalalaman nila. Maaari mo ring ipanood ang video na “Baby Moses” (1:37), na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org.
Ang mga sumusunod na talata ay naglalaman ng mga detalye na maaaring makatulong habang nagbubuod ang mga estudyante.
Bagama’t isinilang siyang Israelita, ang propetang si Moises ay lumaki sa sambahayan ni Faraon sa Ehipto. Noong sanggol pa si Moises, iniutos ni Faraon na patayin ang lahat ng bagong-silang na batang lalaking Israelita (tingnan sa Exodo 1:22). Para mailigtas si Moises, itinago siya ng kanyang ina sa isang basket at inilagay ito sa tabi ng ilog. Si Moises ay natuklasan ng anak na babae ni Faraon, na nagpalaki sa kanya bilang kanyang anak (tingnan sa Exodo 2:1–10). Sa Ehipto, si Moises ay mahusay na nakapag-aral at “makapangyarihan sa mga salita at sa mga gawa” (Mga Gawa 7:22).
Sa kanyang pagtanda, pinatay ni Moises ang isang Ehipcio habang ipinagtatanggol ang isa sa mga alipin na Israelita. Tumakas si Moises patungong Midian, kung saan siya nanirahan kasama ang isang mataas na saserdote na nagngangalang Jetro at pinakasalan ang kanyang anak na si Zifora (tingnan sa Exodo 2:11–21). Habang nag-aalaga ng mga tupa sa Midian, nakausap ni Moises si Jehova.
Ipakita ang sumusunod na larawan. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na sila si Moises habang binabasa nila ang mga sumusunod na talata at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa maliliit na grupo. Pagkatapos, maaari silang magbahagi ng mga highlight ng natutuhan nila bilang isang klase.
Exodo 3:1–6. Ano ang mararamdaman ninyo? Bakit?
Exodo 3:7–14. Alin sa mga turo ng Panginoon ang naging pinakamakabuluhan o nakapapanatag sa inyo?
Upang matulungan ang mga estudyante na magtuon kay Jesucristo sa pag-aaral nila ng mga talatang ito, maaari kang magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas sa gitna ng pisara. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magsulat ng mga parirala tungkol sa Tagapagligtas sa paligid ng larawan, nang inilalarawan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita kung ano ang matututuhan natin tungkol sa Kanya at sa Kanyang kaugnayan kay Moises at sa mga anak ni Israel. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ng matututuhan ay tinawag ni Jesus si Moises sa pangalan (talata 4), dahil sa presensya ni Jesus naging banal ang lupa (talata 5), nakita ni Jesus ang mga paghihirap at narinig ang mga pagdaing ng Kanyang mga tao (talata 7), at nangako si Jesus na sasamahan si Moises (talata 12).
Kung hindi ito babanggitin ng mga estudyante, banggitin ang titulong “AKO NGA” (Exodo 3:14). Ipaliwanag na nagmumula ito sa salitang-ugat na katulad ng kay Jehova, na mabibigyang-kahulugan bilang “Siya nga” o “Siya ay buhay.” Ang pangalan ay madaling makikilala ng mga Israelita. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pangalang ito, maaari mong itanong kung bakit makabuluhang malaman na talagang mayroong Panginoon at Siya ay naririyan palagi.
Kapag tapos nang ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, maaari mong itanong ang sumusunod.
-
Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Moises, ano ang maaaring maging mga tanong o alalahanin ninyo?
Ipaliwanag na sa kabila ng pahayag ng Panginoon kung sino Siya at kung ano ang ipinapangako Niya, may mga alalahanin pa rin si Moises tungkol sa pagtawag sa kanya upang iligtas ang Israel.
Basahin ang Exodo 4:10–15, at alamin kung paano tinugunan ng Panginoon ang mga alalahanin ni Moises.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga salita ng mga propeta mula sa mga talatang ito?
Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang ipinahahayag ng Panginoon ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
-
Paano makaaapekto sa inyong buhay o mga desisyon ang kaalaman ninyo sa katotohanang ito?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong ipanood ang isa sa mga sumusunod na video:
-
“Why Do We Have Prophets?” (1:37)
-
“Listen to a Prophet” mula sa time code na 0:53 hanggang 2:56
Alalahanin ang simula ng lesson at ang iba’t ibang tinig na umaasang makukuha ang ating pansin. Isipin kung ano ang maaari ninyong ibahagi sa isang tao upang matulungan siyang maunawaan na nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta at dapat tayong makinig sa mga propeta sa halip na sa iba pang tinig. Maaari ninyong isama ang natutuhan ninyo mula sa Exodo 3 at anumang karanasan ninyo, o ng isang tao na kilala ninyo, na nakatulong sa inyo na malaman na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang maaaring sabihin nila. Ang isang posibleng follow-up na tanong ay “Paano kayo napagpala ng kaalamang ito o ang isang taong kilala ninyo?”
Pagsasabuhay ng mga salita ng mga propeta ng Panginoon
-
Ano ang ilan sa mga paraan kung paano natin maririnig at maipamumuhay ang mga salita ng Panginoon, na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?
Hikayatin ang ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng pagsasabuhay ng mga turo ng mga propeta. Kung kapaki-pakinabang, magbahagi ng ilang ideya na tulad ng:
-
Pagsasabuhay ng partikular na payo ng propeta mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan.
-
Pag-aaral ng mga salita ng mga propeta nang mas madalas, tulad ng pakikinig sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya tuwing umaga habang naghahandang pumasok sa paaralan.
-
Paggawa ng planong pag-aralan ang mga mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Kung may digital access ang mga estudyante, maaari nilang gamitin ang Study Plans feature sa Gospel Library app.)
Isulat sa inyong study journal kung paano ninyo maririnig at maipamumuhay ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Bilang bahagi ng inyong plano, isulat kung anong mga balakid ang sa palagay ninyo ay maaaring kaharapin ninyo. Para sa bawat balakid, isulat kung paano ninyo ito madaraig.
Ipaliwanag sa mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataon sa isang lesson sa hinaharap, Lesson 55: “I-assess ang Iyong Pagkatuto 3,” na ma-assess kung gaano nila kahusay na naisasakatuparan ang kanilang mga plano.
Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo na nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta sa kasalukuyang panahon.