Seminary
Exodo 5–6: Pagsunod sa Kalooban ng Panginoon, Anuman ang Resulta


“Exodo 5–6: Pagsunod sa Kalooban ng Diyos, Anuman ang Resulta,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Exodo 5–6: Pagsunod sa Kalooban ng Diyos, Anuman ang Resulta,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Exodo 1–6: Lesson 40

Exodo 5–6

Pagsunod sa Kalooban ng Panginoon, Anuman ang Resulta

The Old Testament prophet Moses and his brother Aaron standing in the Court of the Pharaoh of Egypt. Moses and Aaron are petitioning for the release of the Israelites from bondage. A guard is standing by the Pharaoh.

Matapos siyang tawagin ng Panginoon upang iligtas ang Israel mula sa pagkabihag sa mga Ehipcio, hiniling ni Moises kay Faraon na palayain ang mga tao ng Panginoon. Tumanggi si Faraon at sa halip ay pinatindi ang pasanin ng mga Israelita. Sa kabila ng tugon ni Faraon, patuloy na sinunod ni Moises ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na ang mga pangako ng Panginoon ay makahihikayat sa kanila na sundin ang Kanyang kalooban, anuman ang kaagad na resulta nito.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na dumating sa klase na handang ibahagi ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong: Nagiging mas madali o mas mahirap ba ang buhay sa pagsunod kay Jesucristo?

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsunod kay Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila sasagot kapag may nagtanong sa kanila ng sumusunod.

  • Mas pinadadali o mas pinahihirap ba ng pagsunod kay Jesucristo ang iyong buhay?

Upang matalakay ang tanong na ito, maaari mong isulat ang Mas Pinadadali at Mas Pinahihirap bilang mga heading sa pisara at ilista ang mga dahilan ng mga estudyante para sa kanilang sagot sa ilalim ng naaangkop na heading. Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag ang kanilang mga sagot.

Hiniling ni Moises kay Faraon na palayain ang mga Israelita

Maaari mong ipaliwanag na sa Exodo 5–7, maaaring inisip ni Moises at ng mga Israelita kung mas pinadadali o mas pinahihirap ng pagsunod sa Tagapagligtas ang kanilang buhay. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Exodo 5–7, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang naaalala nila tungkol kay Moises at sa mga anak ni Israel mula sa Lesson 39: “Exodo 2–4.” Kung kinakailangan, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na buod.

Ang mga anak ni Israel ay inalipin ng mga Ehipcio sa loob ng maraming henerasyon. Narinig ng Panginoon ang pagdaing ng Kanyang mga tao at tinawag si Moises upang tumulong na iligtas sila mula sa pagkaalipin (tingnan sa Exodo 3:9–10).

Basahin ang Exodo 5:1–2, at alamin ang sinabi nina Moises at Aaron kay Faraon mula sa Panginoon.

  • Ano ang sagot ni Faraon?

Maaari mong isulat sa pisara ang sagot ni Faraon: “Sino ang Panginoon?” Maaari mong itanong sa mga estudyante kung bakit mahalagang sagutin natin ang tanong na ito para sa ating sarili. Tutukuyin sa susunod na bahagi ng lesson ang tanong na ito.

Dahil sa kanyang galit, mas pinahirapan ni Faraon ang buhay ng mga Israelita sa pamamagitan ng pagdaragdag sa mga gawain nila sa araw-araw (tingnan sa Exodo 5:6–9, 15–19). Nagreklamo ang mga Israelita kina Moises at Aaron tungkol sa kanilang mas pinabigat na mga gawain (tingnan sa Exodo 5:20–21).

  • Kung kayo si Moises, ano ang maaaring madama ninyo?

Basahin ang Exodo 5:22–23, at isipin kung paano ninyo maaaring ibuod ang sinasabi ni Moises sa Panginoon.

  • Paano tayo maaaring makaugnay kay Moises sa Exodo 5:22–23?

Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang nadarama nila kapag hindi nila kaagad nakikita ang pagpapala matapos sundin ang Panginoon. Pahalagahan ang kanilang mga sagot at nadarama.

Ipakita ang sumusunod na self-assessment, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga sagot.

Kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap sa paraang pinakamainam na nagpapahayag ng iyong nadarama. Maaari kang pumili ng mahigit sa isang sagot:

Kapag hindi ko kaagad nakikita ang mga pagpapala matapos sundin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, nakadarama ako ng …

Kung makikinabang ang mga estudyate mula sa mga self-assessment na ito, maaari mong isulat ang ilan sa mga sumusunod na salita na pagpipilian nila: pagkalungkot, pagkalito, galit, pagkadismaya, determinasyon, pag-asa, pagtitiwala, kapayapaan. Maaari din nilang idagdag kung ano ang maaari nilang gawin sa sitwasyong ito.

Habang nagpapatuloy kayo sa pag-aaral ninyo ngayon, alamin ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa inyo na sundin Siya kahit na mahirap at hindi agad natatamo ang mga pagpapala. Bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa inyo sa mga personal na sitwasyon ninyo.

Ang mga pangako ng Panginoon

Habang binabasa ng mga estudyante ang mga sumusunod na passage, maaari mong sabihin sa kanila na markahan ang lahat ng pahayag kung saan tinutukoy ng Panginoon ang Kanyang sarili (mga pahayag na nagsisimula sa Ako, Ako nga, at Ako ay). Ang pagmamarka ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga estudyante na mapansin at maalala ang mahahalagang kabatiran at katotohanang natutuhan nila.

Basahin ang Exodo 6:1–8; 7:1–2, 5, at alamin ang itinuro ng Panginoon kay Moises tungkol sa Kanyang sarili.

Kapag nabigyan na ng sapat na oras ang mga estudyante upang makapagbasa at makapagmarka, maaari nilang talakayin ang sumusunod na tanong sa isang kapartner.

icon ng seminaryAng mga tanong na tumutulong sa mga estudyante na masuri ang natututuhan nila ay makatutulong sa isang titser na matukoy kung handa nang magpatuloy ang mga estudyante sa lesson. Ang isang paraan upang magawa ito ay magtanong tungkol sa nabasa ng mga estudyante sa mga banal na kasulatan, tulad ng nasa ibaba. Para sa karagdagang pagsasanay sa pagtatanong ng mga bagay na sumusuri sa pagkatuto, tingnan ang “Laging maging handang tumugon sa mga espirituwal na pahiwatig tungkol sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.

  • Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa Panginoon mula sa Kanyang mga pangako kay Moises?

Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa ilalim ng “Sino ang Panginoon?” sa pisara. Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na listahan:

Siya ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat (6:2–3).

Naaalala at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako (6:3–5).

Nangako Siyang palalayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin (6:6; 7:5), ibibigay sa kanila ang lupain ng Canaan (6:4, 8), at magiging kanilang Diyos (6:7)

Pagpapatuloy na sundin ang kalooban ng Panginoon

Alalahanin ang nadama noon ni Moises. Basahin ang Exodo 7:6, at markahan ang ginawa nina Moises at Aaron matapos na matuto mula sa Panginoon at marinig ang Kanyang mga pangako.

  • Kung kayo si Moises, alin sa mga pangako ng Panginoon ang makatutulong sa inyong bumalik kay Faraon? Bakit?

  • Ano ang katotohanang matututuhan natin mula sa karanasan ni Moises?

Gamit ang sarili nilang mga salita, maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kapag naniniwala tayo sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako, maaari tayong magtiwala at sumunod sa Kanya kahit na hindi natin nakikita kaagad ang resulta.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano magagamit ang katotohanang ito sa mga sitwasyon na maaari nilang kaharapin, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag. Maaaring basahin nang malakas sa klase ng mga handang estudyante ang bawat talata.

Nagbigay si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mahalagang payo para sa atin habang hinihintay natin ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon:

13:17
Portrait of Elder D. Todd Christofferson.  Photographed in March 2020.

May ilang tao na mali ang pagkaunawa sa mga pangako ng Diyos dahil iniisip nila na sa pagsunod sa Kanya ay may partikular na resulta silang matatanggap sa takdang panahon. Maaaring isipin nila, “Kung masigasig akong maglilingkod sa full-time mission, bibiyayaan ako ng Diyos ng masayang buhay may-asawa at mga anak,” o “Kung iiwasan kong gumawa ng schoolwork sa araw ng Sabbath, patataasin ng Diyos ang mga grado ko sa eskwela,” o “Kung magbabayad ako ng ikapu, ibibigay sa akin ng Diyos ang trabahong iyon na gustung-gusto ko.” … Hindi natin dapat ituring ang plano ng Diyos na parang vending machine kung saan (1) pipili lang tayo ng gusto nating pagpapala, (2) ibibigay ang kailangang dami ng mabubuting gawa, at (3) kaagad nang darating ang hinihinging biyaya.

Ang Diyos ay talagang tutupad sa Kanyang mga tipan at pangako sa bawat isa sa atin. Wala tayong dapat ipag-alala tungkol diyan. Ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo … ay nagbibigay-katiyakan na kayang tuparin at tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Mahalaga na iginagalang at tinutupad natin ang Kanyang mga batas, ngunit hindi lahat ng pagpapalang nakasalalay sa pagsunod sa batas ay hinubog, dinisenyo, at itinakda ayon sa ating mga inaasahan. Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya ngunit dapat nating ipaubaya sa Kanya ang pamamahala ng mga pagpapala, kapwa temporal at espirituwal. (“Ang Ating Kaugnayan sa Diyos,” Liahona, Mayo 2022, 78)

  • Ano ang pinakamahalaga para sa inyo sa pahayag na ito?

Ipaalala sa mga estudyante na ang isang bagay na natutuhan natin tungkol sa Panginoon ay na naaalala at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako (tingnan sa Exodo 6:3–5).

Ipaliwanag na tinupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kay Moises (tingnan sa Exodo 20:2; Deuteronomio 7:6; 14:2; Josue 24:5–7, 13). Kung mayroon kang sapat na oras, maaari mong isulat sa pisara ang mga reference na ito at sabihin sa mga estudyante na itugma ang katuparan sa pangako.

Tulad ng pagtuturo ng Panginoon kay Moises ng tungkol pa sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng muling pagbanggit sa Kanyang mga pangako, mas makikilala rin natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga pangakong ibinigay Niya sa atin. Ang pagrerebyu sa mga pangakong ito ay makatutulong sa atin na sundin Siya, kahit hindi tayo kaagad nakatatanggap ng mga resulta.

Tukuyin ang tatlong pangakong ginawa para sa inyo ng Panginoon sa mga banal na kasulatan o mula sa mga turo kamakailan sa pamamagitan ng Kanyang mga piling tagapaglingkod. Maaari kayong makahanap ng mga pangako sa:

  • Mga doctrinal mastery passage o iba pang banal na kasulatan.

  • Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili.

  • Mga kamakailang mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

Pagkatapos ng sapat na oras, maaari kang magtawag ng mga handang estudyante para magbahagi ng natutuhan o nadama nila habang pinag-aaralan nila ang ilan sa mga pangako. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na magtiwala sa Panginoon anuman ang kaagad na resulta nito.