“Exodo 1: Paggalang sa Diyos sa Harap ng Pagsalungat,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 1: Paggalang sa Diyos sa Harap ng Pagsalungat,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 1–6: Lesson 38
Exodo 1
Paggalang sa Diyos sa Harap ng Pagsalungat
Inalipin ng faraon ng mga Ehipcio ang mga Israelita at inutusan ang mga hilot o komadrona na patayin ang mga anak na lalaki ng mga Israelita pagkasilang pa lamang. Pinili ng mga hilot na ito na suwayin ang Faraon dahil iginagalang at sinusunod nila ang Diyos. Tulad ng matatapat na kababaihang ito, maaari nating piliing magtiwala sa Diyos kahit sa mahihirap na sitwasyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na hangaring unahin ang Diyos kaysa sa iba pang mga pamimilit.
Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na itanong sa isang kapamilya o kaibigan kung paano nila nakita na pinagpala sila ng Diyos sa pagsunod sa Kanya sa halip na sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Katapangang tulad ng kay Cristo
Maaari mong ibahagi ang sumusunod mula kay Pangulong Nelson.
Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga katangian ng mga disipulo ni Jesucristo:
Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo. Sila ay walang takot, tapat, at matapang. (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40–41)
-
Bakit kailangan ng tapang na kumilos ayon sa inilarawan ni Pangulong Nelson?
-
Sa inyong palagay, bakit mahalagang sundin ang payo ni Pangulong Nelson?
Ipakita ang sumusunod na self-assessment upang matulungan ang mga estudyante na mapagnilayan kung ano ang nadarama nila tungkol sa pagsunod sa Diyos sa halip na magpatangay sa iba pang mga pamimilit.
Basahin ang mga sumusunod na pahayag at i-rate kung gaano katotoo ang mga ito para sa iyo sa scale na 1 (talagang hindi totoo) hanggang 5 (napakatotoo).
-
Handa akong unahin ang Panginoon, kahit inuudyukan at pinipilit ako ng iba na ibaba ang aking mga pamantayan.
-
Hindi ako sigurado kung pagpapalain ako ng Diyos sa pagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan.
-
Handa akong manindigan para sa alam kong tama, kahit hindi ito ang pipiliin ng karamihan.
Hikayatin ang mga estudyante na bigyang-pansin ang mga impresyon mula sa Espiritu habang pinag-aaralan nila ang Exodo 1. Matutulungan sila ng Espiritu na maghandang kumilos nang may tapang kapag pinipilit silang gawin ang mga bagay na salungat sa kalooban ng Diyos.
Mga matwid na halimbawa
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa nangyari sa mga Israelita matapos ang pagpanaw ni Jose ng Ehipto. Kung kinakailangan, gamitin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na buod.
Matapos pumanaw ni Jose ng Ehipto, dumami ang mga Israelita (na tinatawag ding mga Hebreo) sa lupain ng Ehipto. Sa takot na madaig ng mga Israelita ang mga Ehipcio, inalipin sila ng bagong faraon (tingnan sa Exodo 1:6–14).
Basahin ang Exodo 1:15–16, at alamin kung ano ang iniutos ng Faraon kina Sifra at Pua, dalawang hilot na mga Hebrea, na gawin. Ang “mga Hilot” ay tumutukoy sa mga babaeng tumutulong sa panganganak.
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Humanap ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na makaugnay sa pamimilit na maaaring nadama ng mga babaeng ito na gawin ang gusto ng iba sa halip na ang nais ng Diyos. Ang sumusunod na tanong at aktibidad ay isang paraan upang magawa ito.
-
Kung kayo si Sifra o Pua, ano ang maaaring nagpahirap sa iyo upang unahin ang kalooban ng Diyos kaysa sa kalooban ng Faraon?
Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo. Sabihin sa mga grupo na tumukoy ng mga sitwasyong kinaharap o maaaring kaharapin nila kung saan maaaring maging mahirap na piliin ang kalooban ng Diyos dahil sa iba pang mga pamimilit at pang-uudyok. Magpagawa sa kanila ng listahan ng mga dahilan kung bakit maaaring nag-aalala ang isang tao tungkol sa pagsunod sa Diyos sa mga sitwasyong iyon.
Basahin ang Exodo 1:17–21, at alamin kung bakit ginawa nina Sifra at Pua ang mga desisyong iyon.
-
Ano ang nalaman ninyo?
-
Ano ang nakasaad sa mga talatang ito na makahihikayat sa isang tao na maaaring nag-iisip kung dapat ba niyang unahin ang Diyos sa iba pang mga pamimilit na kinakaharap niya?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na ang ibig sabihin ng “[pagkatakot] sa Diyos“ (tingnan sa talata 17, 21) ay paggalang o pagpipitagan sa Diyos. Banggitin ang pariralang “ang Diyos ay naging mabuti” kina Sifra at Pua (talata 20) kung hindi ito tutukuyin ng mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang pariralang ito. Ito ay nangangahulugan na pinagpala ng Diyos sina Sifra at Pua dahil inuna nila Siya sa halip na ang mga pamimilit na kinaharap nila. Ang isang pagpapala na ibinigay ng Panginoon kina Sifra at Pua ay mga inapo.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula kina Sifra at Pua na makatutulong sa atin kapag nahaharap tayo sa mga pamimilit at pang-uudyok na sundin ang iba sa halip na ang Diyos?
Gamit ang sarili nilang mga salita, maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanan na tulad ng kapag isinuko natin ang ating kalooban sa Diyos sa halip na sumunod sa mga pamimilit at pang-uudyok ng iba, pagpapalain Niya tayo.
Bagama’t nakatuon ang natitirang bahagi ng lesson sa kung paanong “ang Diyos ay naging mabuti” sa atin, maaari kang mag-ukol ng oras upang makatuon sa halimbawa ng Tagapagligtas sa pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Maaari kang gumamit ng tanong na tulad ng sumusunod para magawa iyan. Kung nahihirapan ang mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa, maaari mong ipabasa sa kanila ang Juan 6:38 o Lucas 22:42.
-
Ano ang itinuro o ginawa ng Tagapagligtas na nagpapakita kung paanong Siya ang perpektong halimbawa ng katotohanang ito?
Mag-isip ng isang aktibidad upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga paraan kung paano maaaring naging mabuti (mapagpala) ang Panginoon sa kanila dahil naging mapitagan sila sa Kanya sa pamamagitan ng pag-una sa Kanya. Narito ang dalawang ideya. Pumili ng isa sa mga ito o iba pang gusto mo upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang mga sumusunod na tanong.
-
Ibahagi sa mga estudyante ang video na “Leave the Party“ (6:26) o ang video na “Maging Matapang sa Kagitingan, Lakas, at Gawain“ mula sa time code na 1:20 hanggang 5:13 (ang dalawang video ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org). Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung paano pinagpala ng Panginoon si John dahil inuna niya ang Diyos kaysa sa mga pamimilit at pang-uudyok ng iba.
6:2610:35-
Bigyan ang mga estudyante ng ilang banal na kasulatan na nagpapakita ng mga paraan kung paano naging mabuti ang Diyos sa iba nang piliin nila Siya sa halip na ang iba pang mga pamimilit at pang-uudyok. Maaari nilang pag-aralan ang 2 Nephi 5:6–13; Mosias 24:11–15; 4 Nephi 1:15–18. Maaari ding maghanap ang mga estudyante ng iba pang banal na kasulatan na naglalarawan kung paano maayos na nakikipag-ugnayan ang Diyos sa Kanyang mga anak kapag inuna nila Siya.
-
-
Ano kaya ang nangyayari kapag “ang Diyos ay naging mabuti” sa atin?
-
Sa paanong paraan naging mabuti ang Diyos sa inyo o sa isang tao na kilala ninyo dahil sinunod ninyo ang Kanyang kalooban sa halip na sinunod ang iba pang mga pamimilit?
-
Bakit makabuluhan para sa inyo na unahin ang Diyos anuman ang maging resulta nito?
Pagsuko ng ating kalooban sa Diyos
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan o nadama nila ngayon at kung paano ito makatutulong sa kanila kapag nahaharap sila sa mahihirap na sitwasyon.
Pumili ng isa sa mga sumusunod na tanong na sasagutan sa inyong study journal:
-
Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na makatutulong sa iyo na magtiwala na pagpapalain ka ng Diyos kapag pinipili mong unahin Siya?
-
Ano ang ibabahagi mo sa isang taong hindi sigurado kung karapat-dapat bang piliin ang Diyos kapag nahaharap tayo sa iba pang mga pamimilit?
Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang isinulat nila. Maaari mo ring ibahagi ang pangako ng Tagapagligtas sa mga taong inusig dahil sa pagpili sa Kanya, na matatagpuan sa Mateo 5:10–12. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kung paano tayo pagpapalain ng Diyos kapag pinili nating sumunod sa Kanya, kahit na mahirap ito.