“Exodo 12–13, Bahagi 1: Ang Paskuwa ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 12–13, Bahagi 1: Ang Paskuwa ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 7–13: Lesson 42
Exodo 12–13, Bahagi 1
Ang Paskuwa ng Panginoon
Upang mapalaya ang mga Israelita, nagpadala si Jehova (Jesucristo) ng isang panghuling salot—kamatayan para sa lahat ng panganay na anak sa Ehipto. Pagkatapos ay nagbigay Siya ng mga tagubilin upang ang salot ay “lalampasan” ang sinumang masunurin na nagtiwala sa Kanya (tingnan sa Exodo 12:13). Pinasimulan ni Jesucristo ang hapunan ng Paskuwa bilang simbolo na nagpapaalala ng nakapagliligtas na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa kanilang buhay.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga simbolo ni Jesucristo na napag-aralan na nila noon. Hilingin sa kanila na isipin kung ano ang itinuturo ng mga simbolong iyon tungkol sa Kanya. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pumili ng isang simbolo at ipaliwanag sa isang tao kung ano ang itinuturo nito tungkol kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pangangailangang masagip
Maaari mong simulan ang klase sa pagbabasa o pagbubuod ng salaysay tungkol sa isang taong nakulong at hindi mapalaya ang kanyang sarili. Ang sumusunod na salaysay ay isang paraan upang magawa ito. (Para sa mga karagdagang detalye, tingnan sa “Timeline: Thai cave rescue that transfixed the world for 17 days,” Hunyo 24, 2019, reuters.com.)
Noong Hunyo 23, 2018, nagpasiya ang 12 miyembro ng isang soccer team ng kabataan, edad 11 hanggang 16, at ang kanilang 25 taong gulang na assistant coach na tuklasin ang isang kumplikadong kuweba sa hilagang Thailand pagkatapos ng praktis. Hindi nagtagal pagkapasok nila, binaha ang kuweba dahil sa malakas na ulan, na naging dahilan para makulong sila sa loob ng kuweba nang may layong apat na kilometro (2.5 milya) at mawalan ng kontak sa mundo sa labas nang mahigit sa isang linggo.
-
Ano ang madarama ninyo kung kayo ang nasa kanilang sitwasyon?
Noong Hulyo 2, natagpuan rin sa wakas ng mga may kasanayang maninisid ang grupo ng mga kabataan. Ngunit halos naging imposible ang pagsagip dahil sa mga baha at kasunod pang pag-ulan. Bagama’t tumatanggap ang mga batang lalaki at kanilang coach ng tulong upang mabuhay, nagtalakayan ang mga eksperto tungkol sa mga opsiyon. Maaari nilang subukang ilabas ang mga batang lalaki sa pamamagitan ng kagamitan sa pagsisid, ngunit ang daan ay mapanganib at nangangailangan ng ekspertong kasanayan. Maaari din nilang subukang magbutas sa batuhan, at maghanap ng isa pang ruta palabas, o maghintay ng ilang buwan para humupa ang tubig. Dahil sa patuloy na pagbuhos ng malalakas na ulan, nanatiling walang katiyakan ang pagsagip sa soccer team mula sa kuweba.
-
Sa espirituwal na pananaw, paano tayo maaaring makulong, maipit, o mawalan ng pag-asa?
Maaaring ipaliwanag ng mga estudyante na kailangan nating lahat ang tulong ng Tagapagligtas upang tayo ay mailigtas mula sa kasalanan, kamatayan, at iba pang paghihirap sa ating buhay.
Upang matulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang pag-asa sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari mo silang anyayahang sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
Pag-isipan sandali ang anumang kinahaharap ninyong kasalanan o paghihirap ngayon. Isipin kung ano ang nadarama ninyo tungkol sa mga kasalanan o paghihirap na ito. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang pinaniniwalaan ko tungkol sa kakayahan ng Panginoon na iligtas ako mula sa aking mga kasalanan at iba pang paghihirap na maaaring kaharapin ko?
-
Ano ang nadarama ko tungkol sa Kanyang nagawa at handang gawin para sa akin?
Sa lesson na ito, malalaman ninyo kung paano iniligtas ng Tagapagligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa inyong pag-aaral, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong maunawaan na ang Tagapagligtas ay inyo ring Tagasagip.
Ang simbolismo ng Paskuwa
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano ginamit ng Panginoon ang siyam na salot upang kumbinsihin ang mga Israelita at mga Ehipcio na Siya ang Diyos.
Basahin ang Exodo 11:4–6, at alamin ang pangsampu at panghuling salot.
-
Ano ang natuklasan ninyo?
Ipinangako ng Panginoon sa mga Israelita na kung tapat nilang susundin ang Kanyang mga tagubilin, pangyayarihin Niyang “lampasan” sila ng salot, at hindi mamamatay ang kanilang mga panganay na anak (tingnan sa Exodo 12:13, 23). Dahil dito, tinukoy ng Panginoon ang pangyayaring ito bilang Paskuwa (tingnan sa Exodo 12:43). Kasama sa mga tagubilin ng Panginoon ang pagkain, kabilang na kung ano ang ihahanda at paano ito kakainin. Gumamit ang Tagapagligtas ng mga simbolo sa hapunan ng Paskuwa upang ituro sa mga Israelita ang tungkol sa Kanyang sarili.
Magbigay ng aktibidad upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita para sa hapunan ng Paskuwa. Tulungan din ang mga estudyante na matuklasan kung ano ang maaaring ituro ng mga tagubiling ito tungkol sa Panginoon at sa kaligtasang ibinibigay Niya. Maaari kang gumawa ng chart sa pisara na may mga sumusunod na heading. Maaaring gayahin ng mga estudyante ang chart sa kanilang study journal at kumpletuhin ito sa maliliit na grupo. Isinama rito ang mga posibleng sagot para maging sanggunian mo. Kumpletuhin ang isang item bilang klase para ipakita kung paano kukumpletuhin ng mga estudyante ang chart sa kanilang mga grupo.
Pag-aralan ang Exodo 12:3–8, 15, 21–23 at punan ang sumusunod na chart sa inyong study journal.
|
Ano ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita? |
Ano ang maaaring isinisimbolo ng mga tagubiling ito? |
|---|---|
Ano ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita? Pumatay ng isang lalaking kordero, na walang kapintasan, para kainin (3–6, 21). | Ano ang maaaring isinisimbolo ng mga tagubiling ito? Si Jesucristo, “ang Kordero ng Diyos” (Juan 1:36), ay perpekto at inialay ang Kanyang buhay para sa atin. |
Ano ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita? Ipahid ang dugo ng kordero sa mga haligi ng pinto ng pasukan ng bahay (7, 22). | Ano ang maaaring isinisimbolo ng mga tagubiling ito? Mapoprotektahan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kapag ipinamuhay natin ang mga hinihingi ng pagsisisi sa ating buhay. |
Ano ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita? Kainin ang kordero kasabay ng mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa, alisin ang pampaalsa (lebadura) sa bahay (8, 15). | Ano ang maaaring isinisimbolo ng mga tagubiling ito? Ang mapapait na gulay ay paalala ng mapait na pagkaalipin ng mga Israelita sa Ehipto at katulad ng kapaitan ng kasalanan. Ang pampaalsa o lebadura ay magdudulot ng amag sa tinapay. Bilang bahagi ng ating pagsisisi, magagawa nating alisin sa ating buhay ang anumang bagay na magpapasama sa ating espiritu. |
Kapag natapos na ang mga estudyante, bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mong ipakita ang larawan sa simula ng lesson. Maaaring ituro ng mga estudyante ang iba’t ibang bagay sa Paskuwa na ipinapakita sa larawan at talakayin kung ano ang sinisimbolo ng mga ito.
Inililigtas tayo ni Jesucristo mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan
Basahin ang Exodo 12:50–51; 13:3 upang malaman kung ano ang nangyari nang sundin ng mga anak ni Israel ang Paskuwa.
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inililigtas ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tao mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan.
Ipaliwanag na ang Paskuwa ay sumisimbolo sa katotohanang ito. Bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, kailangang mailigtas ang lahat ng tao mula sa pisikal na kamatayan (paghihiwalay ng katawan at espiritu; tingnan sa 2 Nephi 9:6, 11) at espirituwal na kamatayan (pagkawalay sa Diyos dahil sa kasalanan; tingnan sa Helaman 14:16–19). Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang ilan sa mga talatang ito sa Aklat ni Mormon. Maaari mo ring basahin o ibuod ang natitirang bahagi ng salaysay tungkol sa Thai soccer team.
Alalahanin ang kuwento ng mga nakulong na soccer player mula kanina. Pagkaraan ng ilang nakakabalisang araw, nakatukoy ang mga eksperto mula sa iba’t ibang panig ng mundo ng paraan upang masagip sila. Nilusong ng mga may kasanayang maninisid ang mapanganib na tubig ng kumplikadong kuweba at, isa-isang iniligtas ang mga batang lalaki at kanilang coach mula sa binahang kuweba.
-
Paano sumisimbolo ang mga pagkilos ng mga may kasanayang maninisid sa magagawa ng Tagapagligtas para sa atin?
Mahalaga sa akin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng kapangyarihan ng Tagapagligtas na iligtas tayo. Pagpartner-partnerin ang klase. Sabihin sa bawat magkapartner na isadula ang sumusunod na sitwasyon. Kung sa palagay mo ay mahihirapan ang iyong mga estudyante na isipin kunwari na sila ay mga sinaunang Israelita, laktawan ang bahaging iyon ng aktibidad, at sabihin sa magkakapartner na talakayin ang mga tanong para sa isang tinedyer sa panahong ito.
Sa magkakapartner, isipin kunwari na ang isa sa inyo ay isang tinedyer na Israelita na kasama sa unang Paskuwa sa Ehipto at ang isa naman ay tinedyer sa makabagong panahong ito. Gamitin ang mga sumusunod na tanong para mainterbyu ang isa’t isa.
Mga tanong para sa tinedyer na Israelita
-
Paano mo mailalarawan ang iyong karanasan sa pagkaalipin bago ang Paskuwa?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa iyong karanasan noong gabi ng Paskuwa? Paano binago ni Jehova ang iyong buhay?
-
Ano ang ibabahagi mo tungkol kay Jehova sa mga taong nag-aatubiling sumunod sa Kanya?
Mga tanong para sa tinedyer sa makabagong panahong ito
-
Paano nakakahalintulad ng kasalanan ang pagkaalipin? Paano nakakahalintulad ng mga pagsubok ang pagkaalipin?
-
Paano binago ni Jesucristo ang iyong buhay?
-
Ano ang gusto mong malaman ng iba tungkol sa nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na balikan ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa self-assessment mula sa simula ng lesson. Sabihin sa kanila na isipin kung anong mga impresyon ang nadama nila mula sa Espiritu tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihang iligtas sila. Maaaring magdagdag ang mga estudyante ng kanilang mga ideya sa kanilang isinulat kanina. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga saloobin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan na magligtas.