Seminary
Exodo 12–13, Bahagi 2: “Gawin Ninyo Ito sa Pag-alaala sa Akin”


“Exodo 12–13, Bahagi 2: ‘Gawin Ninyo Ito sa Pag-alaala sa Akin,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Exodo 12–13, Bahagi 2: ‘Gawin Ninyo Ito sa Pag-alaala sa Akin,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Exodo 7–13: Lesson 43

Exodo 12–13, Bahagi 2

“Gawin Ninyo Ito sa Pag-alaala sa Akin”

Two images depicting the Passover

Sa inyong palagay, bakit mahalagang maalaala ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Upang matulungan ang mga anak ni Israel na maalaala na sila ay iniligtas Niya mula sa Ehipto, pinasimulan ng Panginoon ang Pista ng Paskuwa. Binigyan tayo ni Jesucristo ng bagong paraan upang lagi Siyang maalaala nang pasimulan Niya ang ordenansa ng sakramento. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maalaala ang Tagapagligtas habang naghahanda at nakikibahagi sila sa ordenansa ng sakramento.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghandang magbahagi ng isang bagay na nakatulong sa kanila na maalaala ang Tagapagligtas bago tumanggap, habang tumatanggap, at pagkatapos tumanggap ng sakramento. Maaaring kabilang dito ang isang paboritong larawan, banal na kasulatan, himno, o sipi.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Laging maalaala

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pag-alaala, magpakita ng larawan o bagay na tumutulong sa iyong maalaala ang isang bagay o taong mahalaga sa iyo. Maaaring katulad ito ng singsing sa kasal, larawan, o memento. Magbahagi ng maikling paliwanag kung paano nakatutulong sa iyo ang item na ito na maalaala ang tao o pangyayari. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong.

  • Anong isang bagay o sinong tao ang nais ninyong maalaala sa buong buhay ninyo? Bakit?

  • Anong mga bagay ang ginagawa o ginawa ninyo para matulungan kayong maalaala ang bagay o taong ito?

Pagkatapos ay maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang larawan habang mapanalangin nilang iniisip ang Tagapagligtas. Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong na sasagutin ng mga estudyante sa kanilang study journal.

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Ano sa palagay mo ang mahalagang maalaala tungkol sa Kanya? Bakit?

Sa inyong pag-aaral ngayon, hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kayong malaman kung ano ang magagawa ninyo upang maalaala ang Tagapagligtas at ang ginawa Niya para sa inyo.

“Ang araw na ito’y magiging sa inyo’y isang alaala”

Sa nakaraang lesson, “Exodo 12–13, Bahagi 1,” pinag-aralan ng mga estudyante kung paano iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Ehipto. Maaari mong isulat sa pisara ang salitang Paskuwa. Maaari mong ipakita ang larawan ng Paskuwa na ginamit sa nakaraang lesson. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibuod ang naaalala nila tungkol sa himala ng unang Paskuwa (tingnan sa Exodo 12:1–13).

Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo na may tatlong miyembro. Sabihin sa bawat estudyante na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na passage at ibahagi ang matututuhan nila sa iba pang miyembro ng grupo.

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na gawing muli ang hapunan ng Paskuwa “sa lahat ng [kanilang] salinlahi” (Exodo 12:14). Basahin ang mga sumusunod na talata, at hanapin ang mga salita at pariralang nagsasaad ng nais ng Panginoon na maalaala at gawin nila:

Exodo 12:14, 17

Exodo 12:25–27

Exodo 13:3, 8–10

  • Ano ang nilalayon ng paghahanda at pakikibahagi sa hapunan ng Paskuwa na makatutulong sa mga Israelita na maalaala ang tungkol sa Panginoon?

  • Sa inyong palagay, paano pinagpala ng Panginoon ang mga Israelita dahil sa masunuring pakikibahagi sa Pista ng Paskuwa?

Ang Paskuwa at ang sakramento

Jesus Christ seated at a table with His apostles. The apostles are watching Christ as He breaks bread and offers it to them in remembrance of His body and blood. The painting depicts the institution of the Sacrament at the Last Supper.

Magpakita ng larawan ni Jesucristo sa Kanyang Huling Hapunan. Ipaliwanag sa mga estudyante na noong gabi bago ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa krus, ipinagdiwang ng Tagapagligtas ang pista ng Paskuwa kasama ang Kanyang mga disipulo.

Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan ang sandaling ito, maaari mong ipanood ang video na “The Last Supper” mula sa time code na 0:00 hanggang 1:18. Ang video ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org. Matapos basahin ng mga estudyante ang mga talata mula sa Lucas 22, maaari mong ipanood ang mula sa time code na 2:13 hanggang 3:15.

6:12
6:12

Basahin ang Lucas 22:13–15, 19–20, at alamin ang bagong ordenansa na pinasimulan ng Tagapagligtas.

  • Paano natutulad ang Paskuwa sa ordenansa ng sakramento? Paano ito naiiba?

    icon ng seminaryAng mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga katotohanang nauugnay sa kanilang buhay. Ang mga tanong na tulad nito ay makatutulong sa mga estudyante na makahanap ng personal na kaugnayan sa mga banal na kasulatan na pinag-aaralan nila. Ang mga tanong din na iyon ay nagbibigay-daan sa Ama sa Langit upang personal na maturuan at mabigyang-inspirasyon ang mga estudyante.

    Para sa karagdagang training tungkol sa pagtulong sa mga estudyante na magkaroon ng kaugnayan sa mga banal na kasulatan, tingnan sa “Pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo para sa iyong sarili” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro [2022], 29.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin kapag pinag-isipan natin kung bakit naglaan ang Ama sa Langit at si Jesucristo ng mga ordenansa na tulad ng Paskuwa noong unang panahon at ng sakramento ngayon?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan. Ang isang katotohanan na maaari nilang matukoy ay naglalaan ang Ama sa Langit at si Jesucristo ng mga ordenansa tulad ng Paskuwa at sakramento upang matulungan tayo na maalaala Sila.

Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang dahilan kung bakit hinihikayat tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na alalahanin Sila:

Elder Dale G. Renlund

Nais ng ating Ama sa Langit na alalahanin natin ang kabutihan Niya at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak … para sa impluwensya sa atin ng pag-alaalang iyon. Sa pagninilay sa Kanilang kabaitan, lumalawak ang ating pananaw at pang-unawa. Sa pagbubulay sa Kanilang habag, nagiging mas mapagkumbaba, madasalin, at matatag tayo. (“Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 41)

  • Paano nakaapekto sa inyo ang pag-alaala sa kabutihan ng Diyos?

Pag-alaala sa Tagapagligtas bago tumanggap, habang tumatanggap, at pagkatapos tumanggap ng sakramento

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na maghandang maalaala ang Tagapagligtas bago tumanggap, habang tumatanggap, at pagkatapos tumanggap ng sakramento. Maaari kang magbigay ng papel at mga art supply. Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng isang bagay na tulad ng poster, polyeto, meme, o iba pang paalala ng sakramento. Hikayatin ang mga estudyante na maging malikhain sa kanilang disenyo.

Maaaring maglaan ang mga estudyante ng espasyo sa likod ng kanilang mga papel para sa pagtatapos ng lesson. Sa pagtatapos ng lesson, ang mga estudyante ay gagawa ng mga plano upang mas maalaala pa ang Tagapagligtas bago tumanggap, habang tumatanggap, at pagkatapos tumanggap ng sakramento.

Upang matulungan kayong maalaala ang kabutihan ng Diyos habang kayo ay naghahanda, nakikibahagi, at inaalaala ang ordenansa ng sakramento, gawin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Maglista ng ilan sa mga simbolo ng pista ng Paskuwa na napag-aralan mo. Isulat kung paano makatutulong sa iyo ang mga simbolong ito ng Paskuwa upang maalaala mo ang Tagapagligtas bago ka tumanggap ng sakramento.

  • Basahin ang mga panalangin sa sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. Ilista ang mga pangakong gagawin natin kapag nakibahagi tayo sa sakramento. Pagkatapos ay ilista ang mga pangako ng Panginoon. Sumulat ng maikling talata kung paano makatutulong sa iyo ang pag-iisip tungkol sa mga pangakong ito na maalaala mo ang Tagapagligtas sa oras ng sakramento.

  • Maglista ng ilang passage sa banal na kasulatan o isang pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na maaari mong basahin at pagnilayan sa oras ng sakramento. Pumili ng mga passage o pahayag na makatutulong sa iyo na maalaala ang Tagapagligtas.

  • Pumili ng paboritong himno sa sakramento. Ilista ang pamagat at dalawa o tatlong linya mula sa himno. Pumili ng mga linya na makabuluhan sa iyo at makatutulong sa iyo na maalaala ang Tagapagligtas pagkatapos ng sakramento.

Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang ginawa nila sa kanilang kapartner, grupo, o sa klase. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na magdagdag ng mga ideya sa ibabahagi ng iba pang miyembro ng klase.

Gumawa ng plano para maalaala ang Tagapagligtas

Tahimik na pagnilayan ang natutuhan at nadama ninyo ngayon. Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong matukoy ang isang bagay na magagawa ninyo upang mas maalaala si Jesucristo bago tumanggap, habang tumatanggap, at pagkatapos tumanggap ng sakramento.

Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang espasyo sa likod ng kanilang papel para sagutin ang sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilang partikular na bagay na magagawa mo upang mas maalaala ang Tagapagligtas habang naghahanda, nakikibahagi, at nagninilay ka tungkol sa sakramento?

Maaaring magbahagi ang ilang handang estudyante tungkol sa nadama nila na dapat gawin. Sabihin sa mga estudyante na dalhin ang kanilang papel sa sacrament meeting para matulungan sila na maalala ang kanilang natutuhan at nadama. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kapangyarihan na maaaring dumating sa ating buhay kapag mas inaalaala natin ang Tagapagligtas habang naghahanda at nakikibahagi sa sakramento.