“Exodo 7–11: Pagkilala sa Kapangyarihan ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Exodo 7–11: Pagkilala sa Kapangyarihan ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Exodo 7–13: Lesson 41
Exodo 7–11
Pagkilala sa Kapangyarihan ng Panginoon
Maaaring mahirap kilalanin ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay. Pinili ng Panginoon sina Moises at Aaron upang ipakita ang Kanyang kapangyarihan sa harapan ni Faraon. Binalewala ni Faraon ang kapangyarihan ng Panginoon. Nagbunsod ito ng karagdagang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga salot na dumating sa Ehipto. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano makikilala ang kapangyarihan ng Panginoon at maniniwala sa Kanya.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng katibayan ng kapangyarihan ng Panginoon sa kanilang buhay mula sa oras ng klase ngayon hanggang sa susunod na klase.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Kapangyarihan ng Diyos sa ating paligid
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod o pagsasabi sa mga estudyante na talakayin ang mga ito sa mga grupo.
-
Habang papunta kayo sa seminary ngayon, ano ang mga bagay na nakita, napansin, o naobserbahan ninyo?
-
Sa scale na 1–5 (1 para sa walang nalaman o naobserbahan, 5 para sa maraming nalaman o naobserbahan), paano ninyo ire-rate ang pagiging maalam ninyo sa inyong kapaligiran ngayon?
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit maaari tayong maging mas mapagmasid o hindi gaanong mapagmasid?
Ipaliwanag na sa katulad na paraan, mapag-iisipan natin kung gaano natin napapansin ang nagawa o ginagawa ng Panginoon para sa atin. Maaari mong itanong ang sumusunod:
-
Anong katibayan ang maaaring mapansin ng isang tao tungkol sa kapangyarihan ng Diyos sa isang ordinaryong araw?
Ang isang paraan para maanyayahan ang Espiritu Santo na turuan ang bawat isa sa mga estudyante ay sa pamamagitan ng pagtutulot sa mga estudyante na pribadong i-assess kung ano sa palagay nila ang ginagawa nila sa partikular na mga alituntunin ng ebanghelyo. Matutulungan mo sila na gawin ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod:
I-rate ang iyong sarili sa scale na 1–5 (1 bilang pinakamababa, 5 bilang pinakamataas) kung gaano ka kainam na inilalarawan ng sumusunod:
-
Tiwala ako sa kakayahan kong makilala ang kapangyarihan o impluwensya ng Diyos sa aking buhay.
Habang nag-aaral kayo ngayon, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong maragdagan ang kakayahan ninyong makilala ang kapangyarihan at impluwensya ng Diyos sa inyong buhay.
Paniniwala sa Panginoon
Sa Exodo 6–7, ipinangako ng Panginoon kay Moises na aalisin Niya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin. Ipinahayag Niya na ipapakita Niya ang Kanyang kapangyarihan kay Faraon at sa mga Ehipcio at wala silang magagawa kundi palayain ang mga Israelita.
Basahin ang Exodo 6:7; 7:5, at alamin ang titiyakin ng Panginoon na malalaman ng mga Israelita at ng mga Ehipcio. Maaaring markahan ng mga estudyante ang malalaman nila.
-
Ano ang malalaman ng mga Israelita at mga Ehipcio dahil sa mga pagpapakita ng kapangyarihan ng Panginoon?
-
Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa Panginoon mula sa mga pagpapahayag na ito?
Tulungan ang mga estudyante na tumukoy ng isang katotohanan na tulad ng binibigyan tayo ng Panginoon ng mga pagkakataong maniwala sa Kanya at makilala ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay.
Ang mga salot
Ang sumusunod na aktibidad ay makapagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong maging pamilyar sa ilan sa mga salot sa Egipto. Matutulungan din sila nitong makita ang iba’t ibang tugon sa mga pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos. Maging maingat na huwag mag-ukol ng maraming oras sa bahaging ito na makakaapekto sa natitirang bahagi ng lesson.
Maaari mong ipakita ang sumusunod na chart at mga tanong.
Sa Exodo 7–11, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga salot. Tingnan ang sumusunod na chart at pumili ng dalawa o tatlong salot na pag-aaralan, at alamin ang mga sagot sa mga kasunod na tanong.
Sinasabi sa ilang talata na pinatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay nagbibigay ng mahalagang paglilinaw na pinatigas ni Faraon ang kanyang sariling puso (tingnan sa Joseph Smith Translation, mga footnote sa Exodus 7:3, 13; 9:12; 10:1, 20, 27; 11:10).
|
Salot |
Mga talatang pag-aaralan |
|---|---|
Salot 1. Ang tubig ay naging dugo | Mga talatang pag-aaralan Exodo 7:19–25 |
Salot 2. Nagkaroon ng maraming palaka sa lupain | Mga talatang pag-aaralan Exodo 8:5–15 |
Salot 3. Kuto | Mga talatang pag-aaralan Exodo 8:16–19 |
Salot 4. Mga langaw | Mga talatang pag-aaralan Exodo 8:20–25, 29–32 |
Salot 5. Namatay ang mga baka | Mga talatang pag-aaralan Exodo 9:1–7 |
Salot 6. Mga pigsa | Mga talatang pag-aaralan Exodo 9:8–12 |
Salot 7. Yelong ulan at apoy mula sa kalangitan | Mga talatang pag-aaralan Exodo 9:22–29, 33–35 |
Salot 8. Mga balang | Mga talatang pag-aaralan Exodo 10:12–20 |
Salot 9. Kadiliman | Mga talatang pag-aaralan Exodo 10:21–27 |
-
Sa paanong mga paraan naipapakita ang kapangyarihan ng Panginoon?
-
Sa inyong palagay, bakit naniwala o hindi naniwala ang mga tao sa Panginoon at sa Kanyang kapangyarihan?
Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.
Maaaring makatulong na linawin ang ilan sa sumusunod. Maaaring napansin ng mga estudyante na ang mga salamangkero ni Faraon, sa pamamagitan man ng panlilinlang o ng kapangyarihan ng kaaway, ay may kakayahang gayahin ang ilang bahagi ng unang dalawang salot. Gayunman, hindi nila lubos na nagaya o napigilan ang mga salot. Dagdag pa rito, tila nagdusa ang mga Israelita mula sa ilang salot ngunit naprotektahan mula sa ikaapat, ikalima, at ikapitong salot.
Kung kapaki-pakinabang, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga karagdagang parirala sa Exodo 8:10, 22; 10:2 kung saan nagpatotoo ang Panginoon na malalaman ng mga tao na Siya ang Panginoon.
-
Sa inyong palagay, bakit nais ng Panginoon na malaman ng mga Ehipcio at mga Israelita ang tungkol sa Kanya?
-
Ano ang mga dahilan kung bakit naniniwala ang mga tao kung minsan sa Diyos at sa Kanyang kapangyarihan at kalaunan ay mag-aalinlangan sila?
Ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay
Maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na ang kapangyarihan ng Panginoon ay makikita sa maraming paraan sa kasalukuyang panahon. Ang sumusunod ay makatutulong sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila nakita o naranasan ang kapangyarihang iyon.
Isipin kunwari na may kaibigan kayo na hindi nagtitiwala na naranasan o nadama na niya ang kapangyarihan ng Ama sa Langit. Habang patuloy kayong nag-aaral, isipin kung ano ang sasabihin ninyo sa taong ito.
Maaaring makatulong na bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan o isulat ang kanilang mga naiisip sa sumusunod na mga tanong bago sila magbahagi sa klase.
-
Sa anong mga paraan ka nagsimulang maniwala sa kapangyarihan ng Panginoon? O anong mga bagay ang makatutulong sa iyo na maniwala?
-
Anong mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan kung saan ipinakita sa mga tao ang kapangyarihan ng Panginoon?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga halimbawang tulad ng pagkakaroon ng kapanatagan at kapayapaan mula sa panalangin at pagpapala ng priesthood, pagtatamo ng kapatawaran, pagkakaroon ng personal na patnubay mula sa Espiritu Santo, at iba pa.
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga karanasan sa kapangyarihan ng Panginoon ay karaniwang bunga ng pagpapakita ng tapat na mga pag-uugali o kilos.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa magagawa natin para makapag-anyaya ng mga karanasan sa Ama sa Langit:
Unawain na ang kawalan ng mga karanasan sa Diyos ang maaaring dahilan ng pagdududa na mayroong Diyos. Kaya, ilagay ang inyong sarili sa posisyon na masimulang magkaroon ng mga karanasan sa Kanya. Magpakumbaba. Manalangin na magkaroon ng mga mata na makakakita sa kamay ng Diyos sa inyong buhay at sa mundong nakapaligid sa inyo. Hilingin sa Kanya na sabihin sa inyo kung naroroon Siya talaga—kung nakikilala Niya kayo. Tanungin Siya kung ano ang nadarama Niya para sa inyo. Pagkatapos ay makinig. (“Pumarito Ka, Sumunod Ka Sa Akin,” Liahona, Mayo 2019, 90)
-
Ano ang magagawa ng isang tao upang masimulang makita ang kamay at kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isadula kung paano sila tutugon sa sitwasyon sa itaas. Sabihin sa kanila na payuhan ang kanilang kaibigan na hindi nagtitiwala na naranasan o nadama na niya ang kapangyarihan ng Panginoon.
Maaari kang magpatotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa kahalagahan ng pagkilala sa Kanilang kapangyarihan sa ating buhay.