“Ang Pagpapakita ni Jesucristo sa Sinaunang Lupain ng Amerika,” Karanasan sa Pag-aaral sa Mahal na Araw (2026)
Lunes
Ang Pagpapakita ni Jesucristo sa Sinaunang Lupain ng Amerika
“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig” (3 Nephi 11:10).
Ipinakilala ng Diyos Ama ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo sa mga Nephita at inanyayahan silang pakinggan Siya. Pagkatapos, bumaba ang nabuhay na muling Tagapagligtas mula sa langit at nagpahayag na natupad na Niya ang Pagbabayad-sala at “binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay” (3 Nephi 11:11). Inanyayahan ng Tagapagligtas ang mga Nephita na damhin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at sa Kanyang mga paa at malaman para sa sarili nila ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Matapos nilang gawin ito nang paisa-isa, sila ay sumigaw ng, “Hosana!” at sinamba Siya.
Sa pangkalahatang kumperensiya noong Abril 2023, inanyayahan tayo ni Elder Gary E. Stevenson na pagnilayan kung paano mapagaganda ng salaysay tungkol sa ministeryo ng nabuhay na muling Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon ang ating pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay:
Isipin ninyo: nahawakan talaga ng mga Nephita sa templo ang mga kamay ng nagbangong Panginoon! Inaasam naming gawing bahagi rin ng aming tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay ang mga kabanatang ito sa 3 Nephi na tulad ng pagiging bahagi ng Lucas 2 ng aming tradisyon sa Pasko. Ang totoo, ibinabahagi ng Aklat ni Mormon ang pinakadakilang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay. Huwag hayaang mabalewala ang pinakadakilang kuwentong ito ng Pasko ng Pagkabuhay.
Inaanyayahan ko kayong tingnan ang Aklat ni Mormon sa isang bagong paraan at isaalang-alang ang malalim na patotoo nito sa realidad ng buhay na Cristo pati na ang lawak at lalim ng doktrina ni Cristo. (“Ang Pinakadakilang Kuwento sa Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2023, 8)
Mga Banal na Kasulatan at Tanong
Paano mo masusunod ang paanyaya ni Elder Stevenson na ituro at ipagdiwang “ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay, nang may [gayon ding balanse, kabuuan, at mayamang tradisyon sa relihiyon ng pagsilang ni Jesucristo, na kuwento] ng Pasko?” (“Ang Pinakadakilang Kuwento sa Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2023, 6).
Video
Awit
“Siya ang Cristo,” Mga Himno—Para sa Tahanan at sa Simbahan, blg. 1017
Aktibidad para sa mga Bata
Basahin o panoorin ang isinalarawang kuwentong ito mula sa banal na kasulatan upang malaman ang tungkol sa pagbisita ng Tagapagligtas sa mga tao sa lupain ng Amerika. Kung naroon ka noon, ano sa palagay mo ang mararamdaman mo?