“Isang Kawan at Isang Pastol,” Karanasan sa Pag-aaral sa Mahal na Araw (2026)
Huwebes
Isang Kawan at Isang Pastol
“Mayroon akong ibang mga tupa na hindi sa kawang ito; sila ay dapat ko ring [akayin] at kanilang diringgin ang aking tinig; at magkakaroon ng isang kawan, at isang pastol” (3 Nephi 15:21).
Sinabi ni Jesucristo sa mga Nephita na sila ang “mga tupa” na tinukoy Niya noong itinuro Niya sa Jerusalem na, “Mayroon akong ibang mga tupa na hindi sa kawang ito; sila ay dapat ko ring [akayin]” (3 Nephi 15:21). Buong pagmamahal na ipinahayag ni Jesus na “magkakaroon ng isang kawan, at isang pastol” at nagpropesiya Siya tungkol sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw.
Isang paraan para makatulong tayo sa pagtitipon ng Israel ay ibahagi ang mensahe ng Aklat ni Mormon, tulad ng paanyaya sa atin ni Elder Ronald A. Rasband:
Mahal kong mga kaibigan, bilang isang Apostol ng Panginoon, inaanyayahan ko kayong tularan ang ating mahal na propetang si Pangulong Nelson, at punuin ng Aklat ni Mormon ang mundo. Napakalaki ng pangangailangan dito; kailangan na nating kumilos ngayon. Nangangako ako na makakalahok kayo sa “pinakadakilang gawain sa mundo,” ang pagtitipon ng Israel, dahil nabigyang-inspirasyon kayong tumulong sa mga taong “napagkakaitan … ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.” Kailangan nila ang inyong patotoo at pagsaksi kung paano nabago ng aklat na ito ang inyong buhay at mas nailapit kayo sa Diyos, sa Kanyang kapayapaan, at sa Kanyang “mga balita ng dakilang kagalakan” [1 Nephi 13:37].
Pinatototohanan ko na ayon sa banal na plano ay inihanda ang Aklat ni Mormon sa sinaunang Amerika para lumabas at ipahayag ang salita ng Diyos, magdala ng mga kaluluwa sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo “sa araw na ito.” (“Sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2022, 27)
Mga Banal na Kasulatan at Tanong
Kanino mo ibabahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay? Maaaring sa pamamagitan ito ng simpleng pagpapakita ng kabaitan, pagbabahagi ng isang nakasisiglang mensahe, o pag-anyaya sa isang tao na samahan ka sa pagsamba ngayong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
Video
Awit
“Nasa Puso ng Pastol,” Mga Himno, blg. 134
Aktibidad para sa mga Bata
Si Jesus ang Mabuting Pastol, at tayo ay Kanyang mga tupa. Minahal Niya ang mga Nephita, tulad ng pagmamahal Niya sa mga tao sa Jerusalem. Saan ka man nakatira, kilala at mahal ka rin ni Jesus!
Maglaro tayo ngayon ng larong tungkol sa mga tupa! Gumamit ng mga cotton ball na kunwari ay mga tupa at ikalat ang mga ito sa paligid ng mesa. Maglagay ng larawan ni Jesus sa gitna. Gumamit ng mga straw para hipan ang mga tupa patungo kay Jesus para lahat ng ito ay matipon malapit sa Kanya!