Jesucristo
Mga Turo tungkol sa Pagsisisi at Binyag


“Mga Turo tungkol sa Pagsisisi at Binyag,” Karanasan sa Pag-aaral sa Mahal na Araw (2026)

ipinapakita ng nabuhay na muling si Cristo ang paraan ng pagbibinyag kasama si propetang Nephi

Martes

Mga Turo tungkol sa Pagsisisi at Binyag

“Ako ay nagpapatotoo na inuutusan ng Ama ang lahat ng tao, saan man, na magsisi at maniwala sa akin. At sinuman ang maniniwala sa akin, at mabinyagan, siya rin ay maliligtas” (3 Nephi 11:32–33).

Sa Kanyang pagbisita noon sa lupain ng Amerika, itinuro ni Jesucristo kay Nephi at sa iba pang mga disipulo ang tungkol sa binyag, sinasabing, “[Binibigyan kita ng] kapangyarihan na binyagan mo ang mga taong ito kapag ako ay umakyat nang muli sa langit” (3 Nephi 11:21). Itinuro ni Jesus na dapat isagawa ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog at nang may wastong awtoridad. Nang ituro Niya sa mga disipulo ang Kanyang doktrina, nagsalita rin Siya tungkol sa kahalagahan ng pagsisisi: “Kailangan na kayo ay magsisi … at maging tulad ng isang [batang musmos], o hindi kayo magmamana ng kaharian ng Diyos” (3 Nephi 11:38).

Sa pangkalahatang kumperensiya noong Abril 2019, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pagsisisi ang daan para magbago at maging mas mabuti:

Sa pag-uutos ni Jesus sa inyo at sa akin na “mangagsisi,” inaanyayahan Niya tayo na baguhin ang ating pag-iisip, kaalaman, espiritu—maging ang paraan ng paghinga natin. Iniuutos Niya sa atin na baguhin natin kung paano tayo magmahal, mag-isip, maglingkod, gumugol ng ating oras, makitungo sa ating asawa, magturo sa ating mga anak, at maging ang pangangalaga natin sa ating katawan.

Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating [indibidwal] na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67)

Mga Banal na Kasulatan at Tanong

Itinuro ni Pangulong Nelson na ang pagsisisi “ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan.” Paano naibibigay ng pagsisisi ang mga pagpapalang ito sa iyong buhay?

Video

7:8

Awit

Turuang Lumakad sa Liwanag,” Mga Himno, blg. 192

3:3

Aktibidad para sa mga Bata

isang batang babae na nakaupo sa kanyang kama na ipinapakita ang isang makintab na kuwintas sa harap ng kanyang alaga

Ang pagsisisi ay isa sa mga pinakamagandang kaloob na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit! Kapag nagkamali tayo ng pagpili, mapapatawad tayo sa pamamagitan ng pagsasabi ng sorry, paggawa ng ating makakaya upang maitama ito, at pagdarasal para humingi ng tawad. Dahil kay Jesucristo, lahat tayo sa tuwina ay maaaring magsisi at magsimulang muli. Basahin ang kuwentong ito upang malaman kung paano nagsisi si Carolina matapos makagawa ng maling pagpili.