Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Pagiging Isang Katiwala: Isang Kaloob mula sa Diyos.
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng mga kaloob na magpapala sa atin at sa iba.
Larawang kuha ni Christina Smith
Noong sinaunang panahon, ang katiwala ay isang espesyal na uri ng tagapaglingkod na may tungkulin na mamahala sa malaking sambahayan o sumubaybay sa mga ari-arian ng kanilang amo o panginoon. May mga katiwala pa nga na pinagkatiwalaang pamahalaan ang mga kaharian habang wala ang hari. Napakalaki ng pagtitiwalang iyan!
Sinabi ng Panginoon na “sinuman ang matatagpuang isang matapat, makatarungan at matalinong katiwala ay papasok sa kagalakan ng kanyang Panginoon, at magmamana ng buhay na walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 51:19). Gayunman, hindi niya tinutukoy ang pangangasiwa sa pananalapi ng iba—sinabi ng Panginoon na ang lahat ay mananagot sa mga ipinagkatiwala sa kanila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:12), at karamihan sa mga tao ay hindi nagtatrabaho para sa isang hari.
Ano ang ibig sabihin nito para sa atin ngayon? Ano ang ipinagkatiwala sa iyo? Ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos?
Ang Ibinigay sa Iyo
Ang isang halimbawa ng pagiging mabuting katiwala ay ang talinghaga ng mga talento, kung saan binigyan ng isang mayamang tao ang bawat isa sa kanyang mga alipin ng tiyak na bilang ng mga talento, na isang uri ng pera. Dalawa sa mga aliping iyon ang ginamit nang maayos ang kanilang mga kaloob at pinarami ang kanilang mga talento, at pinuri ng kanilang panginoon ang kanilang ginawa (tingnan sa Mateo 25:14–30). Ang mga aliping iyon ay mabubuting katiwala.
Ang anumang kaloob mula sa Diyos ay bahagi ng ipinagkatiwala sa iyo (tingnan sa 1 Pedro 4:10). Maaaring kabilang sa ipinagkatiwala sa iyo ang iyong katawan, ang iyong espirituwal na mga kaloob, ang iyong mga kasanayan, ang mga tungkulin mo sa Simbahan, at maging ang iyong kaalaman sa ebanghelyo. Napakalaking pagpapala ng mga ito, pero nais ng Diyos na tulungan ang lahat ng Kanyang mga anak. Ang ipinagkatiwala sa iyo ay “hindi lamang para sa [iyong] kapakinabangan kundi para mapagpala ang iba.”
Sinabi ng Panginoon, “Layunin ko [na] maglaan para sa aking mga banal. … Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan” (Doktrina at mga Tipan 104:15–16). Kasama tayo sa landas na pinili Niya! Maaari kang maging matalino at makatarungang katiwala sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng “talento” na ibinigay Niya sa iyo upang paglingkuran at pagpalain ang ibang tao.
Isang Pagpapala sa Iyo
Bagama’t makatutulong sa iyo ang ipinagkatiwala sa iyo na maglingkod sa iba, ang mga kaloob na iyon ay malaking pagpapala rin para sa iyo. Tandaan, nangako ang Ama sa Langit ng buhay na walang hanggan sa lahat ng matatapat na katiwala. Nais rin Niyang pagpalain ka!
Nagtitiwala sa iyo ang Ama sa Langit, at gustung-gusto Niya ang iyong pagsisikap. Ang pagsandig kay Jesucristo habang ginagawa ang lahat ng makakaya mo para maging mabuting katiwala ngayon ay maglalapit sa iyo sa Kanya at maghahanda sa iyo na maging mabuting katiwala sa kawalang-hanggan.