2025
Kahit ang Diyos ay Nananangis
Para sa Lakas ng mga Kabataan Hunyo 2025


Kahit ang Diyos ay Nananangis

Lahat tayo ay nakakaranas ng mga negatibong emosyon, pero maaari pa rin tayong magkaroon ng kagalakan.

Jesucristo

Heavenly Communication [Komunikasyon sa Langit], ni Yongsung Kim

Masaya ang Ama sa Langit. Alam natin iyan.

Nangako Siya na ibibigay Niya sa atin ang lahat ng mayroon Siya kung tayo ay magiging tapat (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:38; 88:107; 132:20). Ipinangako rin Niya sa atin ang “kaganapan ng kagalakan” (3 Nephi 28:10) at “walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41; Alma 28:12). Iyan ang mga bagay na mayroon ang Diyos.

Pero teka muna. Maraming talata sa banal na kasulatan na nagbabanggit ng pagiging masaya ng Diyos—pero marami ring pagkakataon na malungkot, galit, o naghihinanakit ang Panginoon.

Malinaw na maaaring maranasan ng Diyos ang gayong mga damdamin nang hindi hinahayaan ang mga ito na madaig o mahigitan ang kabuuang kahulugan ng “walang katapusang kaligayahan” at “kaganapan ng kagalakan.”

Nagulat si propetang Enoc nang malaman ito. Nakita niyang nanangis ang Panginoon at sinabi ni Enoc: “Paanong kayo ay nananangis, nakikitang kayo ay banal, at mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan?” (Moises 7:29). Ito ang tila isinagot ng Panginoon: Tingnan mo kung paano magdurusa ang aking mga anak dahil sa kanilang kasamaan! Hindi ba’t tama lang na pagtangis ang maging tugon? (tingnan sa Moises 7:37).

Hindi iyan sumasagot sa tanong na kung paanong maaaring sabay na umiral ang kalungkutan at walang-hanggang kaligayahan. Pero ang sarili nating mga karanasan sa mortalidad ay maaaring magbigay sa atin ng ideya.

Pagsalungat sa Lahat ng Bagay

Ang realidad ay ito: Ang mundo ay kinapapalooban ng mga kakila-kilabot na bagay. Sinisikap nating magtuon sa positibo—at marami iyan—pero bukod sa mga digmaan at kalamidad, may mga pagsubok din sa ating personal na buhay. Walang sinuman ang hindi nakadarama ng kalungkutan at pasakit.

Subalit, sa pangkalahatan, karamihan sa atin ay nagagawang mapagtiisan iyan. Maaari tayong maging masaya—o kahit mapanatag man lang—sa kabila ng anumang kakila-kilabot na pangyayari sa ating paligid.

May mga taong nakokonsensya dahil kasabay ng kanilang kasiyahan ay ang kalungkutang umiiral sa mundo. Pero kapag nagagalak tayo, hindi ibig sabihin nito na wala na tayong pakialam sa pagdurusa at kawalang-katarungan. Iyon ay dahil lang sa kaya nating makapag-isip ng hindi lang isang bagay sa isang pagkakataon. Kailangan nating magawa iyon! Hindi tayo magiging produktibo kung hindi natin ito gagawin!

Ipinadala tayo ng Diyos upang mabuhay sa isang daigdig na alam Niyang may kaakibat na kalungkutan … ngunit kasabay nito, nais Niyang makadama tayo ng kagalakan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Tiyak na may paraan para parehong magawa ito.

Ang daan ay ang Tagapagligtas.

Piliin ang Iyong Pagtutuunan ng Pansin

Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin ng pansin sa buhay.” Patuloy pa niya: “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya.”

Nadama rin ng iba pang mga inspiradong lider ang saloobin ni Pangulong Nelson. “Dapat tandaan ng lahat ng nagdaranas ng anumang klase ng mga kahinaan sa mundo na ang ating Tagapagligtas ay nagdanas din ng gayong uri ng pasakit, at na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, binibigyan Niya ang bawat isa sa atin ng lakas na makayanan ito.” “Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, … matutulungan tayo sa ating mga kahinaan.” “Sa paglapit ninyo sa Kanya, gagantimpalaan kayo ng lakas na harapin ang mga hamon sa buhay.”

Si Apostol Pablo ay may dakilang saloobin. Sabi niya, “Aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan” (Filipos 4:11)—at siya ay nakabilanggo nang sabihin niya iyon!

Ang kakayahang maranasan ang buong saklaw at lalim ng mga damdamin habang nadarama pa rin ang “kaganapan ng kagalakan” ay isa sa maraming bagay na perpektong nagawa ng Diyos na patuloy pa rin nating pinagsisikapang matutunan. Pero magagawa rin natin iyan! Samantala, matutulungan Niya tayong magtuon sa mabuti nang nalalaman pa rin na may umiiral na masama.