Nakatulong sa Akin ang Katotohanan para Makatakas sa Pornograpiya
Nadaig ko ang pagkalulong sa pornograpiya sa pamamagitan lamang ng tulong ni Jesucristo at ng Kanyang mga katotohanan.
Larawang-guhit ni Alex Nabaum
Sa edad na 12, naringgan ko ang mga tao na nag-uusap tungkol sa mga hindi angkop na bagay sa paaralan. Paminsan-minsan, inakala ng ilan sa mga kaibigan ko na nakakatuwang pakitaan nila ako ng pornograpikong mga larawan. Kalaunan, naging interasado ako at natukso akong alamin pa ito. Unti-unti akong nalulong sa pornograpiya, na pinag-ukulan ko ng maraming oras sa loob ng ilang taon. Naapektuhan ako nito nang husto.
Natakot akong sabihin kahit kanino na nalulong na ako sa pornograpiya dahil ayaw kong mag-iba ang tingin ng sinuman sa akin. Nang mahuli ako ng aking mga magulang at kinausap ako tungkol dito, napahiya ako at talagang nakonsensya. Ikinatuwa ko na kinausap nila ako, at inisip na sana ay sinabi ko ito sa kanila nang mas maaga. Minahal nila ako sa kabila nito at tinulungan akong mapaglabanan o madaig ang pagkalulong.
Hinikayat ako ng mga magulang ko na makipag-usap sa aking bishop. Tumutol akong gawin ito noong una, pero nang maipagtapat ko ito sa kanya sa wakas, inunawa niya ako. Itinuro niya sa akin ang proseso ng pagsisisi. Sa paglipas ng panahon, tinulungan niya akong magsisi. Hinikayat niya akong magtakda ng maliliit na mithiin at simulan ang mabubuting gawi tulad ng pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at paggamit ng aking oras sa mabubuting bagay. Ang mga gawi na ito ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu at tulungan akong umasa sa Tagapagligtas hanggang sa hindi ko na gustuhin pang tumingin sa pornograpiya.
Matagal-tagal din akong nahirapan, pero sa tulong ng aking mga magulang, bishop, at ng Panginoon, nalampasan ko ito. Natutukso pa rin ako kung minsan, pero nagsikap ako nang husto para marating ang sitwasyon ko ngayon. Ngayon mahigit dalawang taon na akong hindi tumitingin sa pornograpiya. Mas may kumpiyansa na ako ngayon. Sa buong paglalakbay na ito, may ilang mahahalagang bagay akong natutuhan.
Mga Walang Hanggang Katotohanan tungkol sa Ating Katawan
Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili natutuhan ko na sagrado ang ating katawan. Anuman ang hitsura mo o kung anuman ang tingin sa iyo ng iba, ang iyong katawan ay nasa wangis ng Diyos.
Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 130:22 na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay may katawan na may laman at mga buto, pero ang Espiritu Santo ay wala. Tulad ng templo, ang ating katawan ay “isang lugar kung saan maaaring manahanan ang Espiritu.” Dapat nating pangalagaan ang mga ito. Gusto kong igalang ang aking katawan sa pamamagitan ng pagsisikap na panatilihin itong malinis, malusog, at karapat-dapat na samahan ng Espiritu.
Nalaman ko rin na sagrado ang damdaming seksuwal. Hindi ito kasalanan. Nagiging kasalanan ito kapag sinadya nating pukawin ito nang walang basbas ng kasal o ginawa ito nang hindi nararapat. Nais ng Diyos na magkaroon tayo ng masayang buhay at pamilya na makakasama natin magpakailanman. Ang damdaming seksuwal ay mahalaga sa plano ng Diyos. Itinuro sa akin ng gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan na hindi mo nirerespeto ang iyong katawan kung hindi mo nirerespeto ang mga damdaming iyon.
Kapanatagan at Tulong
Mahilig ako sa musika. Gustung-gusto kong kumanta at makinig sa nagpapasiglang musika tulad ng mga himno at mga awitin ng StrivetoBe na tumutulong sa akin na madama ang Espiritu. Isa sa mga paborito ko ay ang “I Can Do All Things [Kakayanin Ko].” Ipinapaalala sa akin ng awiting ito na “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13).
Si Jesucristo ay aking saligan. Siya ang aking ilaw. Siya ang aking Tagapagligtas at Manunubos at marami pang iba. Mahal Niya tayo at may malasakit sa atin. Nais Niyang magtagumpay tayo at magpakahusay. Tutulungan Niya tayo kahit ano pa ang mangyari. Nakakapanatag ito sa akin dahil marami akong mga kapintasan. Napakaganda na may isang taong kamangha-mangha na lubos na nagmamahal sa akin. Sinisikap ko nang husto na tularan Siya—para sa Kanya.
Hindi mahalaga kung ano ang maaaring pinagdadaanan mo o kung ilang beses kang nabigo o bumagsak. Kapag umasa ka sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, lagi ka Niyang itatayo at bubuhatin hanggang sa katapusan. Alam ko na nadaig ko ang pagkalulong sa pornograpiya nang dahil lang sa tulong Niya. Kapag kasama mo si Jesucristo, talagang makakayanan mo ang anumang bagay.
Ang awtor ay naninirahan sa Georgia, USA.