Mga Paraan ng Pagsunod Natin kay Jesucristo
Masusunod natin si Jesucristo sa pamamagitan ng pakikiisa sa Kanya sa Kanyang gawain.
Feed My Sheep [Pakainin Mo ang Aking mga Tupa], ni David Koch
Kapag nabinyagan tayo, sinisimulan natin ang proseso ng pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo. Isinulat ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang isa sa mga pinakamahalagang kahulugan ng pagtanggap sa pangalan ni Cristo [ay] ang kahandaan at pangakong taglayin sa ating sarili ang gawain ng Tagapagligtas at ang Kanyang kaharian.”
Ang gawain ng Tagapagligtas ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” Ang imortalidad ay isang kaloob na ginarantiyahan na ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang buhay na walang hanggan ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa sangkatauhan. Ito ay ang mabuhay magpakailanman bilang mga pamilya sa kinaroroonan Niya.
Para matanggap natin ang buhay na walang hanggan, kailangan tayong maging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Ang ibig sabihin nito ay tinatanggap natin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.
Sabik sa Paggawa
Pagkatapos ay nakikiisa tayo sa Tagapagligtas sa Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagtulong sa mga anak ng Diyos na maging matatapat ding disipulo ni Jesucristo. Kabilang dito ang pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo, pagtitipon ng nakalat na Israel, pagtupad sa mga responsibilidad sa Simbahan ng Tagapagligtas, at pagsisikap na maging katulad Niya.
Pinagtibay ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng binyag at mga ordenansa sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel.”
Para maging gawain natin ang gawain ng Tagapagligtas, nagtutuon tayo sa Kanyang mga layunin, sinusunod ang Kanyang mga kautusan, at minamahal ang isa’t isa. Habang ginagawa natin ang Kanyang gawain sa Kanyang paraan, may mga bagay na ipinapaubaya sa atin na lutasin nang mag-isa. Ipinahayag ng Tagapagligtas:
“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;
“Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa [ng] mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala.”
Kapag tayo ay sumusunod sa Tagapagligtas, nakikiisa sa Kanya sa Kanyang gawain, at tinutulungan ang iba na maging matatapat Niyang disipulo, itinuturo natin ang ituturo Niya, nagtutuon tayo sa Kanyang doktrina, at nagbibigay-pansin sa mga maralita, nangangailangan, at mahihina. Malinaw na itinuro ito ng Tagapagligtas nang magbanggit Siya mula sa Isaias sa isang sinagoga sa Nazaret:
“Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako’y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako’y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi.”
Ang pakikiisa kay Jesucristo sa Kanyang gawain ay lubos na nakagagalak dahil ang Kanyang mga gawa, plano, at layunin ay “hindi mabibigo, ni mapawawalang-saysay.” Sa mga pinanghihinaan-ng-loob, ipinayo ng Panginoon: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.”
Ang Puso at may Pagkukusang Isipan
Hindi kailangang may baon tayo na pambihirang mga talento o kakayahan sa gawain ng Panginoon. Ang Kanyang hinihingi ay simpleng katapatan at pagkukusa o kahandaan. Sinabi Niya, “Hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan.” Bibigyan ng Panginoon ng kakayahan ang mga may pagkukusang gumawa. Ngunit hindi Niya magagawa o hindi Niya pipiliting magkusa ang mga may kakayahan. Gaano man tayo kagaling, hindi Niya tayo aasahan maliban kung tayo ay tapat sa Kanyang gawain at handang tulungan Siya.
Sina Samuel at Anna-Maria Koivisto ay nagpakita ng katapatan at kahandaan. Hindi nagtagal matapos ang kanilang kasal, ang mga Koivisto ay lumipat sa Sweden mula sa Finland upang samantalahin ang mga oportunidad sa trabaho. Pagkarating doon, inanyayahan si Brother Koivisto na makipag-usap kay Pangulong Leif G. Mattsson, isang counselor sa Göteborg Sweden Stake presidency. Dahil hindi marunong magsalita ng Swedish si Samuel, nag-usap sila gamit ang wikang Ingles.
Pagkatapos ng maikling pag-uusap, hiniling ni Pangulong Mattsson kay Samuel na maglingkod bilang ward mission leader. Ipinaalala ni Samuel ang malinaw na alam naman ng lahat, “Pero hindi ako nagsasalita ng Swedish.”
Dumukwang si Pangulong Mattsson sa kanyang mesa at tuwirang nagtanong, “Tinanong ko ba kung marunong kang magsalita ng Swedish, o handa ka bang maglingkod sa Panginoon?”
Sumagot si Samuel, “Tinanong mo kung handa akong maglingkod sa Panginoon. At handa ako.”
Tinanggap ni Samuel ang tungkulin. Tumanggap din si Anna-Maria ng mga tungkulin. Pareho silang naglingkod nang tapat at natutong magsalita ng Swedish. Ang katapatan at kahandaang maglingkod sa Panginoon ang naglalarawan ng pamumuhay nina Samuel at Anna-Maria. Itinuro nila sa akin na kapag naglilingkod tayo, ginagamit natin ang mga talentong angkin natin at tinutulungan tayo ng Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.
Kapag handa tayong maglingkod, sinisikap nating huwag magreklamo o bumulung-bulong. Kung hindi tayo maingat at hindi natin pananatilihin ang walang-hanggang pananaw at ipapaalala sa ating sarili kung kaninong gawain talaga ito, maaari tayong magreklamo, bumulung-bulong, at mag-alinlangan sa ating katapatan kay Jesucristo. Ito ay maaaring humantong sa tahasang paghihimagsik laban sa Panginoon. Sa kalaunan, maaaring mawalan na tayo ng pananampalataya.
Dalangin ko na lagi nating piliing sundin si Jesucristo sa pamamagitan ng pakikiisa sa Kanyang gawain. Kapag ginawa natin ito, binibigyan tayo ng “labis na dakila at mahalagang mga pangako,” kabilang na ang kapatawaran sa mga kasalanan, kaligtasan, at kadakilaan. Tunay ngang ipinapangako sa atin ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos—ang buhay na walang hanggan.