Isang Pagsubok na Humadlang sa Pagsasayaw
Sa kanyang pinakamalaking pagsubok, sinabi ni Sinah M. ng Germany sa kanyang sarili, “Gugustuhin kong mas maging matatag kaysa bigla na lang mag-alinlangan dahil dito.”
Mga larawang kuha ni David A. Edwards
Ang mga pagsubok ay karaniwang hindi dumarating kung paano o kailan mo gusto. Kaya nga mga pagsubok ito. Kaya, kapag dumating ang mga hamon sa iyong buhay, paano mo ito haharapin? Kapag masakit at hindi kayang maipaliwanag, ano ang iyong gagawin? Kapag pinipilit nitong baguhin ang buhay mo at ang tingin mo sa iyong sarili, saan ka babaling?
Mga tatlong taon na ang nakararaan, naharap sa mga tanong na ito si Sinah M., isang 17-taong-gulang na dalagita mula sa North Rhine-Westphalia, Germany. Ang kanyang mga sagot ay naimpluwensyahan ng nangyari bago ang sandaling iyon.
Isang Pagsubok na Biglang Dumating
“Buong buhay akong sumasayaw at napakahilig ko rito,” sabi ni Sinah. “Sumayaw ako ng ballet, ng modernong sayaw, jazz—halos lahat, pero mas madalas ay ballet.” Ang pagsasayaw ay nagpasaya sa kanya at malaking bahagi ito ng kanyang pagkatao. “Sa pagsasayaw umikot ang mundo ko,” sabi niya.
Pero nagsimula na siyang makaramdam ng sakit sa kanyang mga paa sa tuwing siya ay sumasayaw. Naramdaman niya ito kahit naglalakad siya, at hindi ito nawawala. Hinanap niya ang mga sagot at paggaling sa pamamagitan ng mga doktor, basbas ng priesthood, at panalangin. Pero ang sanhi ng kanyang sakit ay nanatiling isang misteryo, at ang kaginhawahan mula sa kanyang pisikal na pagdurusa ay hindi dumating.
“May mga pagkakataon na bigla ko na lang naitatanong, ‘Mahal ba ako ng Ama sa Langit? Bakit kailangan ko itong pagdaanan? Bakit niya hinahayaan na masaktan ako nang ganito katindi’” sabi ni Sinah.
Pero kahit naiisip niya ang ganitong mga bagay, tumugon siya sa pagsubok na ito nang may lubos na pananampalataya at tiwala sa Panginoon.
Pananampalataya bago ang Krisis
Bago dumating ang pagsubok na ito, may pananampalataya na si Sinah sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
“Noon pa man ay interesado na ako sa ebanghelyo,” sabi ni Sinah. Natutuwa siya na tinuruan siya ng kanyang mga magulang ng ebanghelyo, dinala siya sa simbahan, at hinikayat na hangarin niya mismo na pag-aralan ang tungkol sa ebanghelyo.
“Isa akong tao na palatanong, pero hindi ko hinahayaang pahinain ng mga pagtatanong na ito ang pananampalataya ko,” sabi niya. “Nalaman ko lang na OK lang na may mga tanong noong tinedyer na ako. Hinayaan ko ang sarili ko na magtanong, at nanalangin ako para sa kaalaman at lakas at na tulungan ako ng Ama sa Langit na mapalakas pa ang aking patotoo.”
Sa paglipas ng panahon, napansin niya na ang pamamaraang ito, sa katunayan, ay nagpalakas sa kanyang patotoo. “Noon pa man ay lagi akong handa na pakinggan ang ebanghelyo, pero hinayaan ko rin ang sarili ko na magkaroon ng mga tanong kapag dumating ito, at mas lalo kong hinangad na malaman pa ang tungkol sa ebanghelyo.”
Hindi na siya sumasayaw, pero may iba pang interes si Sinah, kasama na rito ang piano at violin. “Kamakailan lang ay nagkaroon kami ng konsiyerto sa Dortmund at Düsseldorf stakes, at talagang nagpraktis ako at gusto kong magawa ito nang mahusay. Ang ganda talaga ng kinalabasan ng pagtatanghal, at ang saya sa pakiramdam. Naalala ko na ito ay dahil may mithiin akong nais na makamit.”
Pananampalataya na Sinubok
Kahit kung minsan ay nahihirapan siyang kayanin ang mga pisikal na sakit, ang matatag na pananampalataya ni Sinah ang naghanda sa kanya sa pagharap sa hamong ito.
“Sinabi ko sa sarili ko sa simula pa lang na kahit gaano kahirap, kahit gaano kasakit, kahit ano pa ang pinagdadaanan ko, ayokong sisihin ang Panginoon o magalit sa Kanya,” sabi niya. “Kaya sinabi ko sa sarili ko na puwede akong malungkot, pero ayokong maging dahilan iyan para bigla na lang manghina ang patotoo ko. Gugustuhin kong mas maging matatag kaysa bigla na lang mag-alinlangan dahil dito.”
Sa una pa lang ay ipinasiya na ni Sinah na hindi niya mag-isang haharapin ang pagsubok na ito. Dahil hindi na siya sumasayaw, ang makasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay sapat na para siya ay sumaya. Nakatanggap siya ng kapanatagan at payo mula sa kanyang Ama sa Langit gayundin sa kanyang mga magulang at lider.
Halimbawa, sabi niya, “Madalas ko itong ikuwento sa mga taong kasama kong nagpupunta sa templo at sa iba pang lugar, at sabi nila karaniwan na sa mga tao ang magkaroon ng mga tanong—na palaging bakit. Pero sabi nila, ‘Alam ng Ama sa Langit na sapat ang lakas mo para harapin ito.’ At ang marinig iyan mula sa ibang tao ay nakakatulong nang husto.”
Nadama rin niya ang pagmamahal at lakas mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsama sa ibang kabataan sa mga FSY conference. Pero marahil higit sa lahat, nakadama siya ng lakas at kapayapaan sa pamamagitan ng mga basbas ng priesthood. “Sa bawat basbas na natanggap ko, nadama ko nang husto ang Espiritu at talagang napansin ko na nariyan talaga ang Ama sa Langit at mahal Niya talaga ako. Napansin ko na hindi ito masasabi sa akin ng mayhawak ng priesthood, kung walang inspirasyon.”
May patotoo si Sinah tungkol sa mga basbas ng priesthood at kamakailan ay natanggap ang kanyang patriarchal blessing. “Ang basbas na ito ay nagpatunay na talagang kilala at mahal ako ng Ama sa Langit at malalaman ko kung ano ang inilaan Niya para sa akin sa buhay na ito sa mundo at kung ano ang naghihintay sa akin.”
Ang Natutuhan Niya
“Dahil hindi na ako makakapagsayaw, kailangan kong mag-iba ng pagtutuunan ng pansin,” sabi ni Sinah. “At iyan ay ang magtuon pa sa ebanghelyo. Siyempre, mahirap pa rin. Pero malinaw na natutuhan ko na mas magtiwala sa Panginoon.”
Ang tiwala na iyon ay nangangahulugang nagagawa niyang magpatuloy kahit hindi niya natanggap ang mga sagot o resulta na gusto niya. “Ang paggaling na inaasam ko ay hindi pa nangyayari,” sabi ni Sinah. Pero mas natutuhan ko na may plano ang Ama sa Langit, na may dahilan kaya pinagdadaanan ko ito.”
Ang kanyang pananampalataya ay nagbibigay din sa kanya ng magandang pananaw. “Hindi ko alam kung kailan ko mararanasang muli na walang sakit na nararamdaman o kung ganito na ba ako habambuhay,” sabi niya. “Hindi ko alam, pero nananalig ako sa Panginoon na balang-araw kapag nakabalik na ako sa piling Niya, wala na akong sakit na mararamdaman at may dahilan kung bakit ko ito pinagdadaanan.”