Tumingin Kayo sa Akin!
Isang Anak ng Diyos
Tulungan ang iba na makita ang tunay na ikaw.
Minsan sinabi ko sa mga estudyante sa klase, “Tumingin kayo sa akin!” Napansin ko na nang sabihin ko ito, tumingin silang lahat sa mata ko. Hindi sila tumingin sa sapatos, amerikana, o kurbata ko. Hindi sila tumingin sa aking buhok o mga kamay. Tumingin sila sa mga mata ko. Ang aking mga mata ay parang mga bintana na kung saan ay nananahan ang tunay na “ako.”
Sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, itinuro sa atin na ang ating katawan ay sagrado at “tratuhin ang [ating] katawan—at ang katawan ng iba—nang may paggalang.” Mababasa natin: “Habang gumagawa ka ng mga desisyon tungkol sa iyong pananamit, estilo ng buhok, at hitsura, itanong sa iyong sarili, ‘Iginagalang ko ba ang aking katawan bilang sagradong kaloob ng Diyos?’ Nais ng Ama sa Langit na tingnan natin ang isa’t isa sa kung sino tayo talaga: hindi lamang sa pisikal na katawan kundi bilang Kanyang pinakamamahal na mga anak na may banal na tadhana. Iwasan ang mga estilong nagbibigay-diin o umaakit sa di-angkop na pagpansin sa iyong pisikal na katawan sa halip na sa kung sino ka bilang anak ng Diyos”
Noong naglingkod ako bilang mission president, madalas kong ipaalala sa mga missionary ang alituntuning ito, dahil maraming tao ang hindi disente kung manamit. “Tumingin kayo sa mga mata,” sabi ko sa mga missionary. “Tingnan ang tao. Huwag lang tingnan ang katawan. Tingnan ang isang anak ng Diyos.”
Kapag tinitingnan ninyo ang iba, sikaping makita sila. Huwag silang husgahan sa kanilang mga damit (o kakulangan nito) o sa estilo ng buhok. Tumingin sa kanilang mga mata. Huwag pansinin ang panlabas na anyo para makita kung sino talaga sila—mga anak ng Diyos.
Batay sa mga inilahad na ideya, maaari mong piliing magbihis at magpakita ng iyong sarili sa paraang hindi lumilihis sa iyong tunay na pagkatao bilang anak ng Diyos. Maaari mong piliin na gawing madali hangga’t maaari para sa iba na makita ka sa kung sino ka talaga. Magbihis nang disente at angkop. Magbihis ka para makita ka ng mga tao at hindi lang ang panlabas na anyo mo.
Sa ganitong paraan, ipinapakita mo na alam mo, tulad ng mababasa natin sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan, na “ang iyong katawan ay kamangha-manghang kaloob ng iyong Ama sa Langit. Ibinigay Niya ito sa iyo para tulungan kang maging higit na katulad Niya.”