2025
Ang Kalinisang-puri ay Higit pa sa Sekswal na Kadalisayan
Para sa Lakas ng mga Kabataan Hunyo 2025


Digital Lamang

Ang Kalinisang-puri ay Higit pa sa Sekswal na Kadalisayan

Narito ang ilang dahilan kung bakit ang kalinisang-puri ay may kaugnayan sa espirituwal na layunin ng buhay.

araw sa abot-tanaw

Minsan ay tinanong ko ang isang klase ng mga tinedyer na Banal sa mga Huling Araw kung bakit dapat nilang sundin ang batas ng kalinisang-puri, na tinukoy ng mga propeta bilang:

  • “Hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal ng isang lalaki at isang babae.

  • “Buong katapatan sa loob ng kasal.”

Sinabi ng isang estudyante na ito ay para maiwasan ang mga sakit. Ang isa naman ay nagsabi na hindi siya dapat mabuntis sa labas ng kasal. Sinabi ko na matalino at lohikal ang mga sagot na iyon. “Pero kunwari ay hindi kayo maaaring mabuntis o magkasakit,” sagot ko. “Bakit kailangan pa rin kayong magkaroon ng kalinisang-puri?” Biglang naging tahimik ang lahat. Walang ibinigay na dahilan ang klase maliban sa natutuhan nila sa mga klase sa kalusugan—walang espirituwal na mga dahilan.

Nais kong magbigay ng ilang dahilan para sa sekswal na kadalisayan na may kaugnayan sa espirituwal na layunin ng buhay na maging higit na katulad ng Diyos.

Ang Katangian ng Diyos

Ang buhay na walang hanggan ay ang pamumuhay tulad ng Diyos, at ang malikhaing buhay ng Diyos ay nakasentro sa Kanyang pamilya. Bilang ating Ama sa Langit, hindi nagbabago ang Kanyang katangian at hindi nag-iiba-iba sa Kanyang layunin. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa matuwid na paraan, nang walang pag-iimbot, nang may pag-ibig, at may pagpipigil, o matuwid na pagkontrol sa sarili.

Ang mga banal na katangiang ito ay bahagi ng nagbibigay-kakayahan sa Diyos na lumikha at mapanatili ang walang-hanggang pamilya at upang lubos tayong magtiwala sa Kanya bilang Kanyang mga anak. Isipin sandali kung ang Diyos ay wala sa kontrol, pabagu-bago ng Kanyang pagkatao, hindi inaaayos ang Kanyang pag-uugali, at hindi kinokontrol ang Kanyang kapangyarihan at sa halip ay ginamit ito nang makasarili at walang pagpipigil. Naiisip mo ba kung paano ka magkaroon ng pananampalataya sa isang imoral na Diyos?

Bakit Malahaga ang Kalinisang-puri?

Maaari mong maitanong, “Ano ang kinalaman nito sa batas ng kalinisang-puri?” Lubos na nauugnay ito! Ito ay dahil ang batas ng Kalinisang-puri ay Higit pa sa Sekswal na Kadalisayan. Ang batas ng kalinisang-puri ay tungkol sa pagiging katiwa-tiwala; ito ay tungkol sa matuwid na paggamit ng kapangyarihan; ito ay tungkol sa walang pag-iimbot na katapatan; ito ay tungkol sa paglikha; ito ay tungkol sa pamilya sa tipan.

Bagamat ang likas na hangarin ng tao na lumikha ng mga anak, bumuo ng mga pamilya, at maging matalik sa asawa ay mula sa Diyos, ang banal na hangarin na iyon ay nadurungisan kapag ito ay walang pagpipigil, may pagmamataas, may paghahari-harian, may pagkontrol sa iba, bastos, o makasarili.

Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay isa sa pinakadakilang kapangyarihan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak sa lupa. Alam ng dalisay na mga tao kung paano pangalagaan ang napakalaking kapangyarihang iyon at ginagamit ito sa tamang paraan.

Kahit na hindi gusto ng ilan sa mga modernong lipunan ang paglalagay ng mga limitasyon sa sekswalidad ng tao, nakakalimutan nila na ang kapangyarihan na walang hangganan ay ang pundasyon ng katiwalian at kaguluhan. Tandaan, maging ang Diyos ay may mga hangganan na hindi Niya lalagpasan o Siya ay “titigil sa pagiging Diyos” (Alma 42:22, 25).

Kapag natututo tayong kontrolin nang wasto ang kapangyarihan at manatili sa loob ng mga hangganan ng tipan, natututuhan natin ang mga katangiang tumutulong sa atin na maging mas katulad ng Diyos.

Kaya, bukod sa mga hindi kanais-nais na pagbubuntis at mga sakit, bakit dapat nating sundin ang batas ng kalinisang-puri? Kailangan nating makita ang tipan ng kalinisang-puri ay hindi lamang tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin sa sekswal na mga ugnayan—ito ay tungkol sa pagkatutong magkaroon ng pagkatao na mapagkakatiwalaan, may pagpipigil, gumagalang sa mga hangganan, hindi aabusuhin ang kapangyarihan sa makasariling paraan, at maaaring lumikha at mapanatili ang isang pamilya sa tipan, tulad ng Diyos. Ito ay tungkol sa pag-ibig tulad ng Kanyang pag-ibig, paglikha tulad ng Kanyang paglikha, at pagdama ng kagalakan na Kanyang nararamdaman.

Mga Tala

  1. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.5, Gospel Library.

  2. Tingnan sa “Plano ng Kaligtasan,” Mga Paksa at Tanong, Gospel Library; tingnan din sa Pangkalahatang Handbook, 1.1 at 1.3.2.

  3. Tingnan sa Moises 1:39; tingnan din sa “Buhay na Walang Hanggan,” Mga Paksa at Tanong, Gospel Library.

  4. Tingnan sa Malakias 3:6; Alma 7:20; Mormon 9:10.

  5. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:36.

  6. Tingnan sa 2 Nephi 26:24; Juan 15:13.

  7. Tingnan sa Isaias 63:7; Juan 3:16; 1 Juan 3:1; Doktrina at mga Tipan 138:3.

  8. “Ang pagpipigil ay isang banal na katangian” (Kent D. Watson, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2009 [Ensign o Liahona, Nob. 2009, 38]).

  9. Tingnan sa Deuteronomio 32:4; Apocalipsis 15:3; 2 Nephi 9:17; Doktrina at mga Tipan 109:77; “Trust in God,” Topical Guide, Gospel Library.

  10. Ginagamit ng mga propeta ang mga katagang maganda at sagrado at inorden ng Diyos kapag inilalarawan ang tapat na pakikipagtalik ng mag-asawa (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 2.1.2).

  11. Tingnan sa Dallin H. Oaks, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 1993 (Ensign, Nob. 1993, 74); David A. Bednar, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2013 (Ensign o Liahona, Mayo 2013, 42).