Sesyon sa Linggo ng Hapon
Pagpipitagan sa mga Sagradong Bagay
Mga Sipi
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, hinihikayat tayong linangin ang kaloob ng pagpipitagan sa ating buhay upang maging handang makipag-ugnayan nang mas malalim sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at kasabay nito ay palakasin ang ating espirituwal na pagkatao. Kung mas nadarama natin iyan sa ating puso, walang duda na magkakaroon ng mas malaking kagalakan at kasiyahan sa ating buhay, at wala na halos puwang para sa kalungkutan. …
Nakalulungkot na nabubuhay tayo sa mundo na halos palasak na ang kawalan ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay. …
… Ang kawalang-galang sa mga sagradong bagay ay magsusulong sa mithiin ng kaaway gamit ang lahat ng paraang makakahadlang sa ating tumanggap ng paghahayag, na mahalaga sa espirituwal na kaligtasan natin sa ating panahon. …
Mga kapatid, ang pagpipitagan sa sagrado ay naghihikayat ng tunay na pasasalamat, higit na nagpapadama ng tunay na kaligayahan, umaakay sa ating isipan na makatanggap ng paghahayag, at nagdudulot ng higit na kagalakan sa ating buhay. Inilalagay nito ang ating mga paa sa banal na lupa at itinataas ang ating mga puso sa Diyos.
Pinatototohanan ko sa inyo na kapag sinisikap nating ilakip ang gayong kabanalan sa ating pang-araw-araw na buhay, mapag-iibayo natin ang ating kababaang-loob, mapalalawak ang ating pag-unawa sa kalooban ng Diyos para sa atin, at mapalalakas ang ating tiwala sa mga pangako ng mga tipan na ginawa natin sa Panginoon. Pinatototohanan ko na kapag tinatanggap natin ang kaloob na ito ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay—sa bundok man ng bahay ng Panginoon, sa meetinghouse, o sa sarili nating mga tahanan—mapupuspos tayo ng pagkamangha kapag naramdaman natin ang ganap na pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo.