Sesyon sa Sabado ng Gabi
Ikaw ang Cristo
Mga Sipi
The Things Which He Prayed Cannot Be Written [Ang mga Bagay na Ipinagdarasal Niya ay Hindi Maisusulat], ni Casey Childs
Noong nasa ikaapat na baitang ang aming anak na si Eli, gumawa ang klase nila ng kunwa-kunwariang gobyerno kung saan hinirang siya ng kanyang mga kaklase na magsilbing hukom ng klase. Isang araw ay bumisita ang isang nakaupong hukom mula sa Utah 2nd District Court, isinuot kay Eli ang kanyang opisyal na damit ng hukom, at pagkatapos ay pinanumpa siya sa tungkulin para sa klase nila. Ito ang nagpaalab sa batang isipan ni Eli ng masidhing hangarin na pag-aralan ang batas at ang mismong Tagapagbigay ng Batas na si Jesucristo.
Pagkaraan ng mga taon ng masigasig na pagsisikap, tumanggap ng paanyaya si Eli na mainterbyu sa isa sa kanyang nangungunang mga pinagpipiliang law school. Sinabi niya, “… Ang huling tanong ay, ‘Saan mo nakuha ang moralidad mo?’ … Sinabi ko na kung susundin ng buong sangkatauhan ang mga turo ni Jesucristo sa Sermon sa Bundok, magiging mas maganda at mas mapayapa ang mundo.” At natapos ang interbyu, at naisip niya sa sarili niya, “Hindi ko na makakamtan ang mga pangarap ko noong bata ako. Walang sinuman sa sekular na mundo ang nais makarinig ng tungkol kay Jesucristo.”
Makalipas ang dalawang linggo, natanggap si Eli at binigyan ng scholarship. Bago niya ito tinanggap, binisita namin ang kampus. Ang kapansin-pansin, nang libutin namin ang malaking library at mararangyang pasilyo, nakita namin sa banderitas at nakaukit sa bato ang mga katangian mula sa Sermon sa Bundok.
Ang Sermon sa Bundok talaga ang pinakadakilang talumpating ipinahayag, na nagpasimula sa mga turo nito. Wala nang iba pang sermon na mas makapagpapaunawa sa atin ng pagkatao ni Jesucristo, ng Kanyang mga banal na katangian, at ng ating pinakalayunin na maging katulad Niya. …
Kailangan nating punuin ng Liwanag ni Jesucristo ang bawat sulok ng ating buhay. …