Sesyon sa Sabado ng Umaga
Espirituwal na Maging Buo sa Kanya
Mga Sipi
Ang Dakilang Manggagamot ay pagagalingin ang lahat ng ating sakit—pisikal at emosyonal—sa Kanyang takdang panahon. Ngunit sa paghihintay na gumaling, maaari bang maging buo ang isang tao? …
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagdudulot ng pag-asa. Nagkakaroon ako ng pag-asa sa pagsisikap kong maging buo—pagiging buo na bunga ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya sa Kanya ay nagpapalakas sa pag-asa kong ako’y gagaling, at itinataguyod ng pag-asang iyon ang aking pananampalataya kay Jesucristo. Ito ay isang makapangyarihang siklo. …
Ang ibig sabihin ng maging buo ay maging kumpleto at ganap. Tulad ng limang matatalinong birhen na puno ng langis ang mga ilawan nang dumating ang kasintahang lalaki, maaari tayong maging buo kay Jesucristo yamang pinupuno natin ang ating mga ilawan ng mapagkalingang langis ng pagbabalik-loob sa Kanya. …
Inuutusan tayong ibahagi ang Kanyang liwanag. Kaya panatilihing puno ng langis ng pagbabalik-loob kay Jesucristo ang inyong ilawan at maging handa na panatilihing maayos at maningning na nagniningas ang inyong ilawan. Pagkatapos ay hayaang magliwanag ang ilaw na iyon. Kapag ibinabahagi natin ang ating liwanag, naghahatid tayo ng kaginhawahan ni Jesucristo sa iba, lumalalim ang ating pagbabalik-loob sa Kanya, at maaari tayong maging buo habang naghihintay tayo sa pagpapagaling. At kapag hinahayaan nating lumiwanag ang ating ilaw, magiging masaya tayo kahit pa habang naghihintay tayo. …
Mga kapatid, ang sagot ay oo, maaari tayong espirituwal na maging buo, kahit pa naghihintay tayo ng pisikal at emosyonal na pagpapagaling. Ang pagiging buo ay hindi nangangahulugan ng pisikal at emosyonal na pagbabalik sa dati sa buhay na ito. Ito ay bunga ng pananampalataya at pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa pagpapaningning ng liwanag ng pagbabalik-loob na iyon.