Sesyon sa Sabado ng Hapon
Pagtatangi sa Buhay
Mga Sipi
Minsan, ang matinding hirap at sakit ng kawalan ng katiyakan ay maaaring kaakibat ng pangangalaga sa buhay.
Dalawang salita ang kadalasang iniuugnay sa kasagraduhan ng mortal na kapanganakan: buhay at pagpili. Ang buhay ay napakahalagang bahagi ng perpektong plano ng ating Ama, at sa Kanyang utos, itinatangi natin ang buhay at pinangangalagaan natin ito; at pinipili nating ipagpatuloy ang buhay kapag ito ay nabuo. Pinahahalagahan din natin ang kaloob na moral na kalayaan sa pagpili—tumutulong na palakasin ang mga matwid na pagpiling inaprubahan ng Diyos na nagdudulot ng walang hanggang kaligayahan. …
Ang pangangalaga at pagpoprotekta sa buhay na hindi pa isinisilang ay hindi isang politikal na posisyon. Ito ay isang moral na batas na pinagtibay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
… Magsalita tayo nang mas madalas nang may pananampalataya at pagkahabag sa ating mga kabataan sa ating mga tahanan, at sa isa’t isa sa ating mga miting sa Relief Society at elders quorum tungkol sa batas ng Panginoon sa kalinisang-puri, kasagraduhan ng buhay, at pangangalaga sa mga sanggol na hindi pa isinisilang at sa kanilang mga ina. …
Para sa mga nakikinig na naranasan na ang matinding sakit o kapighatian at pagsisisi dahil sa pagpapalaglag o pakikibahagi sa aborsiyon, tandaan: Hindi man natin mababago ang nakaraan, maaaring pagalingin ng Diyos ang nakaraan. Ang kapatawaran ay maaaring dumating sa pamamagitan ng himala ng Kanyang nagbabayad-salang biyaya kapag bumaling kayo sa Kanya nang may mapagpakumbaba at nagsisising puso.
Mahal kong mga kapatid, ang unti-unting paglalaho ng pagmamahal sa mga batang hindi pa isinisilang sa buong mundo ay lubhang nakakabahala. Itinatangi ng Diyos ang buhay. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng Kanyang mga anak. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, itinatangi natin ang buhay.