Mga Debosyonal ng Relief Society
Pananatiling Tapat Kapag Nahaharap sa Pag-atake, Pananakit, o mga Pagsubok: Eme Martin


3:32

Pananatiling Tapat Kapag Nahaharap sa Pag-atake, Pananakit, o mga Pagsubok: Eme Martin

Debosyonal ng Relief Society sa 2026: Isang Pandaigdigang Pagtitipon ng Kababaihan

Linggo, Marso 8, 2026

Natutuhan ko sa maikli kong buhay na hayaan ang Panginoon na akayin ako, lumakad sa tabi ko, at gumabay sa akin. Lalo na sa mga panahong mahirap, na hayaan Siyang maging aking angkla at lakas. Pero hindi ito palaging madali. Minsan, gusto nating panatilihing matigas ang puso natin. Pakiramdam natin, puwede nating gawin ito dahil nasaktan naman tayo. Pero ang pinakamahusay na paraan para sumulong ay ang tapat na hayaan Siyang mahalin tayo.

Naiisip ko ang panahon na, sa paglilingkod, sinikap kong maging pinakamahusay na bersiyon ng sarili ko, pero hindi iyon nagustuhan ng iba. At hindi lang nila ito hindi nagustuhan, dumanas ako ng maraming maling paghuhusga at pagtrato hanggang sa napatanong ako, “Patuloy pa ba akong maglilingkod? Nababagay ba ako sa lugar na ito?” Pakiramdam ko talaga, pabagsak na ang aking espirituwalidad, at kailangan kong magpasiya. Hahayaan ko ba ang Panginoon na mahalin ako, o hahanap ako ng kapanatagan sa ibang bagay?

At sa pagmumuni-muni ko, napagtanto ko na mas kailangan at gusto ko ang Panginoon sa buhay ko at ang Kanyang mga pagpapala kaysa sa hindi. Na nais ko ang basbas ng lingguhang sakramento at ang muling pagpuspos nito sa aking kaluluwa. Ang pagkakaroon ng kakayahang makapasok sa templo at makagawa ng mga tipan doon. Kaya, noong iyon ang pinagtutuunan ko, nakatulong ito sa akin na magpatawad. Nakatulong ito sa akin na hindi pansinin ang mga maling pagtrato at kilalanin na narito ako para sa isang mas mahalagang layunin. Na narito ako upang tumanggap ng mga pagpapala at sana ay maging isang pagpapala ako sa iba. Na huwag itong hayaang maging hadlang kundi maging tuntungan sa aking pananampalataya. Kaya nang ako ay nanalangin at sumandal sa Panginoon, nakahanap ako ng lakas na bumitaw—sa sakit, na huwag magkimkim ng poot na nagtatangkang sumira sa aking espiritu—kundi hayaan ang Panginoon na sumaklolo at bigyan ako ng lakas para sumulong nang may katapatan.

Mga kapatid, kilala Niya kayo. Alam ng Panginoon ang nangyayari sa inyo, at nagmamalasakit Siya sa inyo. Alam Niya ang inyong pangalan, mga pagdadalamhati, at mga kagalakan, at nais Niyang mahalin kayo. Gusto Niyang papasukin ninyo Siya. Alam Niya ang mga pasanin na inyong dinadala. Mahal Niya kayo at nais Niyang madama ninyo ang pagmamahal na ito mula sa Kanya. Ito ay isang kapitbahay, kapatid na babae, kaibigan na nag-aalok ng basbas ng tulong at suportang ganoon. Papasukin ninyo sila. Hayaan silang yakapin nila kayo sa mga bisig ng kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng paglilingkod nila.